GALING sa trabaho si Lyn at naglalakad na pabalik sa subdivision nila. Ang pagiging encoder at assistant ni Sheila ang unang trabaho niya kung hindi isasama ang pagtitinda sa palengke kaya pinapakita talaga niya sa araw-araw na karapat-dapat siya sa trabahong 'yon. Kung hindi kasi unfair naman sa ibang mga naghahanap ng trabaho. Hindi naman kasi siya nahirapan matanggap. Nagkatrabaho siya agad dahil lang asawa siya ni Benedict.
Magandang distraction sa kaniya ang pagtatrabaho. Ganoon din ang kakulitan nina Sheila at Jesilyn na kaibigan na ang turing sa kaniya. At least, nagagawa niyang maging kalmado sa araw-araw. Kasi kapag nakauwi na siya at naaalala na naman ang mga bagay na tungkol kay Benedict na hindi nito sinabi sa kaniya, sumasama na ang mood niya. Mga bagay na nalaman pa niya sa ibang tao. Mga bagay na pakiramdam niya sinadya nitong itago sa kaniya. Kahit anong isip niya hindi niya pa rin alam kung bakit marami itong inililihim sa kaniya.
Mahal niya si Benedict. Pero naiinis pa rin siya at masama ang loob. Kaya sa gabi, kahit wala pa ito natutulog na siya. Sa umaga, kahit ayaw sana niya itong kibuin hindi naman kaya ng konsiyensiya niya. Kaya bumabangon pa rin siya para asikasuhin ito bago pumasok sa trabaho. Alam ni Lyn nararamdaman nito na may mali. Kasi palagi siya nitong tinititigan sa umaga. Pero hindi siya nagsasalita. Ayaw niyang mag-away sila ng alas sais ng umaga. At siguradong 'yon ang mangyayari kapag hindi siya nakapagpigil na sumbatan ito.
"Magandang hapon, Lyn!"
Kumurap siya at napatingin sa guard's house sa gate ng subdivision. Napangiti siya at binati rin si Gardo, ang guwardiya na nakausap niya noong unang araw niya roon. Nagpa-pacute pa rin ito sa kaniya pero mukhang harmless naman at magalang kaya hindi niya magawang sungitan. Sa ikatlong araw niya roon nalaman niya na buo ang paniwala nito at ng iba pang guwardiya na nagtatrabaho siya sa isa sa mga bahay sa loob ng subdivision.
Noong una nainsulto siya. Pero mukhang hindi naman nila intensiyon mang insulto. Katunayan mukhang dahil sa maling akala na 'yon kaya friendly sa kaniya ang mga ito. Hinayaan na lang niya tutal wala siyang ibang nakikitang tao sa subdivision na 'yon maliban sa tatlong guwardiya. Kung sino man ang nakatira sa mga bahay doon, parang mga ayaw maalikabukan o maarawan. Hindi lumalabas ng bahay at kung lalabas man nakakotse.
"Maaga ang uwi mo ngayon ah," sabi pa ni Gardo.
Huminto siya sa may gate at ngumisi. "Maaga natapos ang mga trabaho ko kaya pinauwi na nila ako. Day off ko bukas eh."
"Ganoon ba? Eh 'di puwede ka ayain manood ng sine? Day off ko rin bukas."
"Ah..." Paano ba siya tatanggi na hindi ito masasaktan? Nag-iisip pa rin si Lyn ng sasabihin nang may sunod-sunod na bumusina sa likuran niya. Gulat na napatalon siya at natakip ang mga kamay sa magkabilang tainga. Parang galit ang bumubusina kasi ayaw tumigil.
Inis na napalingon siya. Pagkatapos nanlaki ang mga mata niya at napanganga nang makita ang pickup ni Benedict. Ang asawa niya ang bumubusina. Kumabog ang dibdib ni Lyn nang makita ang mukha nito mula sa loob ng kotse. Nakasimangot, matalim ang tingin at mariing nakatikom ang bibig.
Aba, aba, bakit galit na galit siya?! Ako nga dapat ang galit, eh. Inirapan ni Lyn ang lalaki. Gumilid siya sa tabi, malapit kay Gardo at tumalikod sa pickup.
"Bukas naman ang gate bakit bumubusina siya?" takang tanong ni Gardo.
"Ewan ko," patay-malisya na sagot ni Lyn. "Sige na, Gardo. Mauna na ako. Kailangan ko na umuwi."
"Sige. Paano ang date natin bukas?" tanong nito na nakangiting nakayuko sa kaniya. Nailang siya kasi masyado silang malapit sa isa't isa.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 10: THE WOLF'S SEDUCTION (Benedict Barcenas)
Romance"In my whole life, your smile is the most beautiful thing I've ever seen." In the real estate business, Benedict is considered as the wolf. When he wants a property, he will stop at nothing until he gets it. At sa kasalukuyan, isang private land sa...