Part 18

23.8K 638 5
                                    

FIRST TIME niya magpa-spa. Ang sarap pala. Sa totoo lang, marami siyang first time experience na nangyari mula nang makilala niya si Benedict. At alam niya na marami pa siyang mararanasan sa unang pagkakataon na ito ang kasama niya. Nakakasabik na nakakatuwang isipin.

Nagrelax nga lang sila maghapon at pagsapit ng gabi, kumain ng dinner for two na may kasama pang red wine. First time din ni Lyn nakatikim ng wine. Manamis-namis pala 'yon. Naparami yata siya ng inom kasi nang tumayo na sila mula sa lamesa para magpunta sa silid nila medyo nawala siya sa balanse at muntik na matumba. Mabuti na lang maagap siyang nayakap ni Benedict sa baywang. Napasandig siya sa katawan nito. "Sorry."

"Sinabi ko na sa'yo na dahan-dahan lang sa wine. You didn't listen to me," sermon nito. Pero malumanay naman ang boses.

Napahagikhik siya. "Sorry na nga." Pinaikot niya ang mga braso sa leeg ni Benedict, tumingkayad at hinalikan ito sa pisngi. "Masaya lang ako ngayon," bulong niya.

Humigpit ang yakap ni Benedict sa kaniya. Bumuntong hininga ito. "Okay. But we have to rest now. It's getting late."

Tumango si Lyn. Kaso nang subukan niya maglakad parang gumegewang talaga ang sahig eh. Malinaw pa naman ang isip niya pero ang katawan niya parang hindi na sumusunod sa gusto niya.

Narinig niyang bumuntong hininga na naman si Benedict. "Stop trying to walk, already. Talagang hindi mo kaya."

Nag-panic siya. Naiinis na ba ito sa kaniya? Nilingon niya ito at nagulat siya nang bigla itong kumilos. Ilang segundong hindi alam ni Lyn kung ano ang gagawin nito. Hanggang biglang walang kahirap-hirap siya nitong binuhat na parang prinsesa! Nanlaki ang mga mata niya at napatitig sa mukha nito. "Benedict. Hindi mo 'to kailangan gawin. Nakakahiya sa mga makakakita sa atin."

"Let them think what they want. Alam naman ng lahat ng staff sa resort na ito na bagong kasal tayo. Carrying my new wife up our room is normal," sagot ni Benedict at nagsimula nang maglakad.

Uminit ang mukha niya. "Hindi ka ba nabibigatan sa'kin?"

"No. Masyado ka ngang magaan. Mula ngayon pakakainin kita ng marami para tumaba ka."

Napatitig na naman si Lyn sa mukha ng kanyang asawa. Namasa ang mga mata niya kasi parang nilamutak ang puso niya sa sinabi nito. Sobrang na-touch siya. Isinubsob niya ang mukha sa leeg nito. Naramdaman at narinig niya na napahigit ng hangin si Benedict. Humigpit din ang mga braso nito sa kanyang katawan. Bumuntong hininga siya at pumikit. Nagpatuloy ito sa paglalakad at hindi nagsalita.

Hindi na lang din siya kumibo at sinarili na lang ang napansin niya – kahit hindi ito hinihingal at hindi napapagod na karga siya, mabilis at malakas pa rin ang kabog ng dibdib ng kanyang asawa.

MAINGAT siyang inupo ni Benedict sa gilid ng malaking kama. Saka ito lumapit sa cabinet at nang bumalik sa tabi niya may dala nang roba. "Change into this. Para makatulog ka na. Do you need to use the bathroom? Kaya mo ba magpunta na mag-isa o gusto mo buhatin kita?"

Huminga ng malalim si Lyn, dahan-dahang tumayo at ngumiti. "Kaya ko pumunta. Huwag ka na mag-alala." Saka bitbit ang roba na pumasok siya sa banyo. Naghubad siya, isinuot ang roba at naghilamos. Nang lumabas siya nakita niyang nagsusuot rin ng roba si Benedict. Naka-hanger na sa nakabukas na cabinet ang mga hinubad nitong damit. Polo at... pati pantalon.

Biglang kumabog ang dibdib niya. Ngayon ang unang gabi nila bilang mag-asawa. Ang kanilang honeymoon. Napalunok siya at napahawak sa kanyang sikmura. Kasi biglang parang may humahalukay 'don.

Napatingin sa kaniya si Benedict at lalo siyang na-tense. Nanuyo ang lalamunan niya. Handa na ba siyang gawin ang ginagawa ng mag-asawa? Oo naghalikan na sila pero kaya ba niya ang mga susunod pa?

"Lyn? Are you okay? Go to bed already. Your face is red," kunot noong sabi ng lalaki.

Kumurap siya. Tumikhim at halos tumakbo papunta sa kama. Humiga sa pinakagilid at nagtalukbong ng kumot. "O-okay lang ako."

"Are you sure?"

"Oo nga."

Ilang segundo na pakiramdam niya tumitig lang sa kaniya si Benedict. "Then I'll turn off the lights now." Pinatay nga nito ang ilaw at naglakad palapit sa kama. Tumalon ang puso niya nang humiga na rin ito at pumailalim sa kumot. May espasyo sa pagitan nila pero hindi pa rin mapakali si Lyn. Kabadong kabado siya. Ano nang susunod?

Mahabang katahimikan ang pumagitan sa kanila. Nakakailang. Nakaka-tense.

"Lyn."

Kumurap siya at lakas loob na nilingon ang kanyang asawa. "A-ano 'yon?"

Nilingon siya nito. Madilim kaya hindi niya makita ang mga mata nito pero alam niyang nakatingin ito sa mukha niya. "Stop fidgeting and relax. Wala akong gagawin sa'yo. Matutulog lang tayo."

"W-wala? Kahit na mag-asawa na tayo?" takang tanong niya.

Nahigit niya ang paghinga nang umangat ang isang kamay nito at haplusin ang pisngi niya. "Kahit na mag-asawa na tayo, alam ko na hindi ka pa handa. It's fine. I can wait until you're ready. Matulog na tayo, okay?"

Na-touch naman siya. Pero hindi pa rin siya komportable na matulog sila ng ganito na lang. Na parang walang nabago sa relasyon nila. Huminga ng malalim si Lyn. "Pero pwede bang kahit... yakapin lang kita? Sanay akong may kayakap sa gabi eh."

Ilang segundo ang lumipas bago kumilos si Benedict. Ibinuka nito ang isang braso. "Come here."

Ngumiti siya. Umusod hanggang nakaunan na siya sa braso nito. Yumakap siya sa katawan nito, isinubsob ang mukha sa balikat nito at bumuntong hininga. "Good night, Benedict."

"Good night," mahinang sagot nito.

Nakangiti na siyang pumikit. Maya-maya pa, nakatulog na si Lyn.

Bachelor's Pad series book 10: THE WOLF'S SEDUCTION (Benedict Barcenas)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon