HINDI makakalimutan ni Lyn ang gabing 'yon. Kahit sa pagtanda niya, sigurado siyang mananatiling isa sa pinakamasaya at memorable na sandali sa buhay niya ang dinner date na 'yon. Walang sandaling hindi pinaramdam sa kaniya ni Benedict na espesyal siya. Nang bumaba nga sila sa kotse nito papasok sa restaurant, nakapaikot ang braso nito sa kanyang baywang.
Bawat titig nito, bawat pasimpleng haplos, bawat ngiti, parang may gustong sabihin. Buong gabi tuloy mainit ang pakiramdam niya at parang may nagliliparang mga paru-paro sa sikmura niya.
Mahilig siya sa pagkain pero sa gabing 'yon hindi niya masyadong nalasahan ang mga kinain nila. Masyado kasi siyang naka-focus kay Benedict at aware siyang mas naka-focus din ito sa kaniya kaysa sa pagkain. Nang pabalik na sila sa bahay, habang nasa loob ng sasakyan, kahit nag-da-drive ang binata madalas nakahawak ang isa nitong kamay sa kamay niya. Paminsan-minsan inilalapit nito ang kamay niya sa bibig nito at masuyong dinadampian ng halik.
Paghinto ng sasakyan nito sa paanan ng bundok nila, sinabi ni Lyn na ayos na sa kaniyang maghiwalay sila doon. Kaso ayaw ng binata. Pinilit nitong ihatid siya hanggang sa tapat ng bahay nila.
"Eh, madilim. Mahihirapan ka pagbaba."
"Kaya nga gusto kita ihatid. Kasi madilim at ayokong maglakad ka na mag-isa. What if may trespasser? Walang bakod ang lupain niyo, kahit sino makakapasok. I don't want to risk your safety," giit ni Benedict.
Kaya sa huli napapayag din si Lyn. Kung tutuusin, hindi naman siya lugi na ito ang nanalo sa argumento nila. Kahit papaano kasi napahaba pa ang oras na magkasama sila. Nang makita na niya ang bahay nila tumingala siya para magpaalam sa binata. "Dito na lang. Hindi mo na ako kailangan ihatid hanggang sa mismong pinto namin. Salamat ha?"
Huminto sila sa paglalakad at humarap sa isa't isa. "Salamat din dahil pinagbigyan mo ako at sumama ka sa akin para mag dinner."
Ngumisi si Lyn. "Hindi naman kita pinagbigyan lang. Gusto ko rin naman sumama sa'yo."
Umangat ang gilid ng mga labi ni Benedict. Pagkatapos napakurap siya nang ikulong nito sa magkabilang palad ang kanyang mga pisngi. Ang mga hinlalaki nito marahang humaplos sa cheekbones niya. Bumilis ang tibok ng puso niya nang makitang naging mainit ang titig nito sa kaniya. "Lyn."
Lumunok siya. "A-ano 'yon?"
"I'm going to kiss you."
Bumuka ang bibig niya sa pagkagulat. Saka naman yumuko si Benedict at hinalikan nga siya.
Magaan ang unang paglapat ng mga labi nito sa kaniya. Pero para pa rin siyang nakuryente. 'Yong kuryente na nakakakiliti. 'Yong kumakalat mula sa kanyang mga labi hanggang sa dulo ng mga daliri niya sa kamay at paa. 'Yong nakakawindang pero ayaw mo naman matapos.
Mahabang sandaling hindi kumilos si Benedict. Basta magkalapat lang ang mga labi nila. Unti-unti huminga si Lyn. Hindi pala siya humihinga kanina. Unti-unti rin nakabawi siya sa pagkagulat. Alanganin niyang ginalaw ang mga labi at parang may sariling isip ang ulo niya na lumapit pa sa binata para mas maging mariin ang halik.
Marahang ngumiti si Benedict. Narealize niya na kaya pala hindi ito gumagalaw kasi hinihintay nito ang magiging reaksiyon niya. Uminit ang mukha ni Lyn at ilalayo sana ang mukha pero naging maagap ang binata. Napunta sa batok niya ang isang kamay nito at sa isang iglap ay pinalalim nito ang halik.
Napapikit siya at nanlambot ang mga tuhod sa epekto ng halik na 'yon sa buong sistema niya. Napakapit tuloy siya sa mga balikat nito at napasandig sa katawan nito kasi kung hindi baka matumba siya. Naging maagap si Benedict, parang alam agad ang nangyayari sa kaniya kasi pumaikot sa baywang niya ang isang braso nito at lalo siyang idinikit sa katawan nito.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 10: THE WOLF'S SEDUCTION (Benedict Barcenas)
Romance"In my whole life, your smile is the most beautiful thing I've ever seen." In the real estate business, Benedict is considered as the wolf. When he wants a property, he will stop at nothing until he gets it. At sa kasalukuyan, isang private land sa...