HINDI na nakita ni Lyn maghapon si Benedict kaya nakahinga siya ng maluwag. Balik sa normal ang buhay niya. Naisip niya na baka naintindihan na rin nito sa wakas na ayaw niyang magkaroon ng ugnayan dito.
Pero kinaumagahan, naabutan na naman niya sa sakayan ng tricycle si Benedict. Hinatid na naman siya sa palengke at inaya uli kumain sa labas. Tumanggi uli siya. Hindi nito iginiit ang gusto, nginitian siya at nagpaalam. Pero naulit na naman 'yon sa sumunod na araw. At sa sumunod pa. Hanggang sa maging araw-araw na senaryo na 'yon. Ihahatid siya nito. Aayain lumabas. Tatanggi siya. Ngingiti lang ito, parang hindi napipikon sa paulit-ulit niyang pagtanggi. Pakiramdam tuloy ni Lyn, siya ang masama. Siya ang na-gi-guilty na tumatanggi siya kahit wala naman dahilan para ma-guilty siya.
Sa ikalimang araw muntik na mapapayag si Lyn sa alok ni Benedict na pagkain sa labas. Mabuti na lang nakapagpigil siya. Kaso nakita niyang kumislap sa katuwaan ang mga mata nito. Ibig sabihin nahuli ng binata na muntik na siyang mapa-oo. Napabilis tuloy ang pagbaba niya sa sasakyan nito.
"See you," habol na paalam ni Benedict. Napalingon siya. Malawak ang ngiti nito. Ang mga mata, parang nanunukso. Uminit ang mukha niya. Awkward na kumaway si Lyn bilang pamamaalam. Saka siya tumalikod at halos tumakbo na pumasok sa palengke.
Distracted siya habang nagtitinda sa araw na 'yon. Hindi na kasi niya nagawang alisin sa isip niya si Benedict. Medyo malapit na siyang maniwala na talagang interesado ito sa kaniya. Kasi bakit ito mag-e-effort na sumulpot bago mag alas sais ng umaga araw-araw para lang makita siya?
"Lyn? Lyn Fajardo?"
Napatingala siya sa boses na 'yon ng isang babae. Nanlamig siya nang makita ang isang pareha na mukhang ka-edad lang niya. Kilala niya ang babae. Kaklase niya noong high school siya. Si Marigold. Maganda ang suot, makintab ang may kulay na buhok at perfect ang makeup. Boyfriend siguro o asawa nito ang kasama kasi nakakapit ito sa braso ng lalaki na may bitbit ng mga pinamili ng mga ito.
"Ikaw nga," sabi ni Marigold. Pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Ni hindi itinago ang panghuhusga sa mga mata. Para pa nga itong natatawa nang mapatingin uli sa mukha niya. "Sa palengke ka pala napunta. May asawa't anak ka na ba ngayon? Ang losyang mo na kasi tingnan."
"At ikaw hindi pa rin nagbabago. Masama pa rin ang ugali mo," gigil na sagot ni Lyn.
Sumama ang tingin sa kaniya ni Marigold. "Ako ang masama ang ugali? Sino sa atin ang hindi nakapag-martsa sa high school graduation dahil sa bad moral character? Hindi na ako nagtataka na dito ka napunta. Kahit mataas ang grades mo noon at valedictorian ka sana, ang basura hanggang sa huli basura pa rin."
"Babe, let's go na," sabi ng lalaking kasama ni Marigold. Mukhang mabait ang boyfriend ng babae kasi halata sa mukha na naiilang at apologetic ang tingin kay Lyn. Kawawang lalaki, sa katulad ni Marigold napunta. Sana hindi pa kasal ang mga ito para puwede pa nitong hiwalayan ang maldita niyang kaklase.
"Wait lang, babe. Hindi pa ako tapos magsalita – "
"Lyn."
Kumabog ang dibdib niya at napatingin lampas kina Marigold. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Benedict. Kasi akala niya katulad sa nakaraang mga araw hindi na niya ito makikita pa maghapon. Pero ngayon may bitbit lang naman itong take-out na pagkain sa isang kamay at isang malaking boquet ng ilang dosenang bulaklak sa kabilang kamay. Agaw pansin ang kaguwapuhan at ang mga dala ng binata. Kahit nga si Marigold, nang sulyapan niya nakanganga habang nakatingin kay Benedict. Nakalimutan na yata ang balak sabihin sa kaniya. Nakalimutan rin yata na may kasama itong boyfriend.
Naglakad si Benedict palapit. Kahit nakatingin sa binata ang lahat ng tao sa paligid, kay Lyn lang nakatutok ang titig nito. Kinabahan siya nang lampasan nito sina Marigold at huminto sa harapan niya. Nagtama ang mga paningin nila. Tumikhim siya. "A-anong ginagawa mo rito?"
Ngumiti ito, inilapag sa lamesa ang plastic ng take-out food habang ang boquet naman ng flowers inilapit sa kaniya. "I just want to give you these."
Napanganga siya at marahang inabot ang mga bulaklak. First time niya makatanggap ng boquet. "Bakit? P-para saan?" litong tanong ni Lyn.
Hindi nawala ang ngiti ni Benedict. "Ayaw mo sumama sa akin kumain sa labas kaya dinalhan na lang kita. About the flowers...may nadaanan akong flower shop at ikaw ang una kong naalala. So I bought them."
"S-sino ka sa buhay niya?" biglang tanong ni Marigold.
Nilingon ito ni Benedict. Nawala ang ngiti ng binata. Naging seryoso at intimidating ang facial expression. "It's none of your business," malamig na sagot nito.
Namutla si Marigold. Halatang napahiya. " 'Yabang mo porket guwapo ka! Iiwan mo rin ang babaeng 'yan kasi magnanakaw 'yan!" Tapos hinila nito ang boyfriend, tinapunan si Lyn ng matalim na tingin, saka tumalikod at mabilis na naglakad palayo.
Alam ni Lyn siya naman ang namutla ngayon. Nanlamig at nangapal kasi ang mukha niya. Siguro sa ibang pagkakataon hindi siya maapektuhan ng isinigaw nito. Kasi alam naman 'yon ng buong barangay nila lalo na ng lahat ng tao sa palengke na 'yon. Kaso naman, naroon si Benedict na walang alam tungkol sa bagay na 'yon. Ano na lang ang magiging opinyon nito sa kaniya? Magiging interesado pa rin ba itong kilalanin siya? Magsisisi ba ang binata na nag-aksaya pa ito ng oras sa kaniya? Babawiin ba nito ang mga bulaklak na sa totoo lang alam niyang hindi bagay sa kaniya?
Kinabahan siya nang harapin siya uli ni Benedict. Akala niya disappointment o kaya pagkagulat ang makikita niya sa mukha nito. Kaya na-disorient siya nang lumambot ang ekspresyon nito. Nagulat siya nang umangat ang kamay nito at magaan na hinaplos ang pisngi niya.
Bumilis ang tibok ng puso niya. Kahit na sinasabi ng utak niya na lumayo sa haplos nito, ayaw naman gumalaw ng katawan niya. "B-bakit?" mahinang tanong niya.
Ngumiti si Benedict. "You are a brave girl. That's one of the things I like about you, Lyn." Inalis nito ang kamay sa mukha niya at umayos ng tayo. "I have to go. May trabaho akong aasikasuhin. Kumain ka ha. See you tomorrow."
Kung gaano ito kabilis dumating, ganoon din kabilis umalis. Natulala si Lyn. Nayakap niya sa kanyang dibdib ang boquet ng flowers na bigay ni Benedict. Ilang beses siyang huminga ng malalim pero wa epek. Ayaw pa rin kumalma ng mabilis na tibok ng puso niya.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 10: THE WOLF'S SEDUCTION (Benedict Barcenas)
Romance"In my whole life, your smile is the most beautiful thing I've ever seen." In the real estate business, Benedict is considered as the wolf. When he wants a property, he will stop at nothing until he gets it. At sa kasalukuyan, isang private land sa...