SA UMAGA ng kasal, may dumating na isang grupo ng mga babae sa bahay nila. Katatapos lang nila maligo ng kanyang Lola at magbibihis na sana pero pinigilan sila ng mga ito. Pinapunta raw sila ni Benedict para sunduin silang magLola. Bago pa makapag-react si Lyn may mga nagbitbit na ng mga isusuot nila sa kasal kaya napilitan silang magsara ng bahay at sumama sa mga ito.
Sa isang mamahaling resort sa bandang Antipolo sila dinala ng grupo. Sa isang silid doon sila binihisan at inayusan. Pagkatapos 'non isinama sila ng dalawa sa mga babaeng 'yon palabas ng silid at papunta sa kung saang bahagi ng resort.
Nakarating sila sa isang garden na may open chapel sa isang side. Tumalon ang puso ni Lyn at uminit ang pakiramdam niya nang makitang inayusan ang chapel ng mga bulaklak at laso. At naroon si Benedict, nakatayo at nakatingin sa direksiyon nila na para bang kanina pa siya hinihintay. Nakasuot ng itim na slacks at itim na blazer na nakapatong sa puting polo ang binata. May isang rosas ang naka-pin sa breast pocket ng blazer nito.
Nagsimula silang maglakad palapit na mag-Lola hanggang magtagpo ang tingin nila ni Benedict. Medyo ngumiti ito na ginantihan ni Lyn ng matamis namang ngiti. Ikakasal na talaga sila. Totoo na, wala ng atrasan pa. Sa araw na 'yon magbabago ang buhay niya.
Naglakad siya palapit sa chapel. Huminga siya ng malalim nang kumilos ang binata at nagsimulang maglakad para salubungin siya. Nagtagpo sila ilang metro mula sa pinaka-altar. Kabadong nginitian niya ito. "Totoo na talaga 'to," bulong niya. "Kinakabahan ako."
Umangat ang gilid ng mga labi ni Benedict at inabot ang kanyang kamay. "This is real." Huminga siya ng malalim. Humigpit ang hawak nito sa kamay niya. "Nagdadalawang-isip ka ba?" tanong nito.
Mabilis siyang umiling at saka ngumiti. "Hindi ako nagdadalawang-isip. Ikaw ba?"
Ngumiti ang binata at imbes na sumagot inangat ang kanyang kamay at ginawaran ng halik. "Then, let's start the wedding." Saka siya nito marahang hinila palapit sa altar.
Simple at pribado ang naging seremonya. Dalawa lang ang witness sa kasal nila. Ang kanyang Lola at isang kaibigan ni Benedict. Nagtataka siya kung bakit wala kahit isang magulang ang binata sa importanteng okasyon na 'yon. Pero siguro biglaan kasi at baka malayo ang mga magulang nito kaya hindi nakapunta. Hindi na lang muna inisip ni Lyn kung bakit hindi nila napag-usapan kahit isang beses lang ang tungkol sa pamilya nito. At oo, nagulat siya pero nagpasya siyang huwag na muna magkomento nang marinig niyang banggitin ng judge ang buong pangalan ng binata. Kasi sa ilang linggong pagkakakilala nila, ngayon lang niya nalaman na Barcenas pala ang apelyido nito. Katulad ng pangalan ng Real Estate Company kung saan ito nagtatrabaho.
May kutob na si Lyn na hindi lang basta empleyado sa kompanya na 'yon si Benedict. Marami rin siyang katanungan sa isip kung bakit ni hindi nito nabanggit ang tungkol doon. Pero sigurado siyang may dahilan ito. Sigurado siya na sasabihin din nito ang lahat sa kaniya. Panghahawakan niya ang mga bagay na nakita at narinig niya habang kasama niya ang binata. Panghahawakan niya ang pagmamahal nila sa isa't isa. Kaya hindi siya gumawa ng eksena at hinayaang payapang matuloy ang kanilang kasal.
Mabilis lang ang naging palitan nila ng "I do". Ganoon din ang pagsusuot ng wedding ring sa kanilang mga daliri. Nang sabihin ng judge na "You may kiss the bride", marahan silang pumihit paharap sa isa't isa. Sandaling nagtagpo ang kanilang mga paningin. Ngumiti si Benedict. Uminit ang mukha ni Lyn at unti-unting pumikit nang yumuko ang binata hanggang maramdaman na niya ang magaan na halik nito sa kanyang mga labi.
"I now pronounce you, husband and wife. Congratulations!"
Pumalakpak ang judge, ang Lola niya at ang kaibigan ng lalaking ngayon ay asawa na niya. Naghiwalay ang mga labi nila at nagkatitigan. Matamis na ngumiti si Lyn. Ang saya-saya niya.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 10: THE WOLF'S SEDUCTION (Benedict Barcenas)
Romance"In my whole life, your smile is the most beautiful thing I've ever seen." In the real estate business, Benedict is considered as the wolf. When he wants a property, he will stop at nothing until he gets it. At sa kasalukuyan, isang private land sa...