Natigilan na naman si Benedict bago gumanti ng mahigpit ding yakap. Hindi na naman sumagot pero siguro nahihiya lang. Nakuntento na siya sa halik nito sa tuktok ng ulo niya. Kaso hindi lalalim ang relasyon nila kung palaging ganito. Siya ang mas kayang magsalita sa kanilang dalawa kaya siya na ang gagawa ng paraan para magkaroon sila ng moment.
"May gagawin ka ba bukas? Day off ko sa trabaho," sabi ni Lyn.
"Hindi ka aalis sa trabaho kahit makiusap ako sa'yo, tama ba?" pabuntong hininga na tanong ni Benedict.
"Hindi talaga. May pinag-iipunan ako kaya ako nagtrabaho. Saka kailangan ko padalhan si Lola."
"You don't have to worry about your grandmother. Ako na ang bahala sa kaniya. I plan to give her a monthly allowance at may kinuha na akong tauhan na regular na titingin sa kaniya kahit na tumanggi pa siya. After all, Lola ko na rin siya, hindi ba?"
Na-touch na naman si Lyn. Lalong lumalambot ang puso niya kapag nagpapakita ng kabaitan si Benedict sa Lola niya. Uminit ang mga mata niya. "Salamat ha."
"Then, mag-re-resign ka na?"
Umiling siya. "Sabi ko sa'yo may pinag-iipunan ako."
"Ano?"
"Library. 'Yung isang kuwarto na bakante gusto kong gawing library. Mag-iipon ako ng pambili ko ng mga gamit at mga libro."
Kumunot ang noo ni Benedict. "I can buy them for you."
"Alam ko. Pero gusto kong unti-unting lagyan 'yon ng laman. Hayaan mo na ako. Hindi ako komportable na lahat ng gusto ko ikaw ang gumagastos."
"But I can afford it," reklamo ni Benedict. "I'm supposed to provide everything for you. That's how marriage works. The husband provides for his wife."
Matamis na napangiti si Lyn at hinalikan sa pisngi ang kanyang asawa. "Ang sweet mo talaga. Pero hayaan mo na akong magtrabaho ha? Masaya ako sa Happy Mart. Nagkaroon pa nga ako ng mga bagong kaibigan. Isa sa kanila asawa pa ng kaibigan mo. Maiinip lang ako kung nandito lang ako sa bahay."
Bumuntong hininga si Benedict. "Fine. Pero day off mo bukas, right? Let's go out."
Natuwa siya at na-excite. "Talaga? Paano ang trabaho mo?"
"Sa loob ng isang linggo puro trabaho ang ginawa ko na tulog na lang ang ginagawa ko kapag umuuwi ako. Natapos ko na ang mga urgent na trabaho so I can take a break." Ngumiti ito, hinaplos ang buhok niya at masuyo siyang tiningnan. "Let's go on a date."
Gumanti siya ng matamis na ngiti. "Okay. Naku, excited na 'ko!"
"I can see that," amused na sabi ni Benedict. "Pero matulog na muna tayo okay?" Tumango siya. Lumayo na ito sa kaniya para humiga na sa side nito ng kama. Humiga na rin siya paharap dito. Pinagmasdan niya ito. Nang mapansin yata ang pagmamasid niya napatingin ito sa kaniya. Pagkatapos inilahad nito ang braso at nginitian siya. "Come here and let's sleep."
Ngumisi siya at mabilis na yumakap dito. Napabuntong hininga siya at napapikit nang yakapin din siya nito. "Hay, na-miss ko 'to. Isang linggo akong nagpigil na yakapin ka eh."
Natawa si Benedict. "So, you were really asleep these past nights? Hindi mo natatandaan na sa tuwing tumatabi ako sa'yo lumalapit ka at yumayakap sa akin?"
Gulat na itinaas niya ang ulo hanggang magkapantay ang mga mukha nila. "Totoo? Ginagawa ko 'yon gabi-gabi?"
Ngumisi ang kanyang asawa. "Yes." Umawang ang mga labi ni Lyn. Hindi talaga siya makapaniwala na kahit tulog siya niyayakap pala niya ito.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 10: THE WOLF'S SEDUCTION (Benedict Barcenas)
Romansa"In my whole life, your smile is the most beautiful thing I've ever seen." In the real estate business, Benedict is considered as the wolf. When he wants a property, he will stop at nothing until he gets it. At sa kasalukuyan, isang private land sa...