Part 16

25.2K 706 27
                                    


MABILIS ang naging mga pangyayari sa mga sumunod na araw. Nang gabing napagdesisyunan nilang magpakasal, ang usapan ay sa katapusan pa ng buwan ang magiging kasal nila. Sabi ni Benedict kung gusto raw niya ng bongga na kasal gagawin daw nito. Pero tumanggi sila ng kanyang Lola. Hindi niya kailangan ng bonggang kasal. Ayos na kay Lyn na nakatagpo siya ng lalaking makakasama sa habambuhay.

Kaso naging sentro na naman siya ng tsismis sa lugar nila. May nakakita pala kay Benedict na bumaba sa bundok nila ng madaling araw na. Kahit na alam naman ng lahat na imposibleng wala sa bahay ang kanyang Lola sa gabi, parang nagtanga-tangahan ang mga tao. Naging malisyoso ang isip. Naririnig niya ang mga pabulong na usapan ng mga tao lalo na sa palengke pero nagbingi-bingihan siya kahit napipikon na talaga siya. Ayaw na niyang patulan ang mga tao na noon pa niya alam na makikitid ang utak. Saka ang saya-saya kaya niya lately. Ayaw niya magpaapekto sa sinasabi ng iba.

Hanggang isang araw bumaba sa bayan ang Lola ni Lyn. Pag-uwi nito kinahapunan, namumula ang mukha nito sa galit. Nagulat siya. Kahit si Benedict na nasa bahay nila ng mga oras na 'yon nagulat din. Kauuwi lang kasi nila galing naman sa pamamasyal sa waterfalls. Nag-date sila.

"Magpakasal kayo kahit bukas na bukas rin! Kahit kay mayor lang o sa huwes. Basta makikita ng mga tao rito sa atin na nagpakasal at nagmamahalan kayo," dere-deretsong sabi ni Lola.

Napanganga si Lyn. Si Benedict naman napa-"What?"

Sunod-sunod na huminga ng malalim ang matanda, parang kinakalma ang sarili. "May kumakalat na tsismis sa bayan. Na ginagawa ka raw kabit ng isang lalaking mayaman. Na nagpapabayad ka kapalit ang katawan mo. Ang mga lintik! Palagi na lang ikaw ang nakikita." Pagkatapos biglang nanginig ang boses ni Lola at namasa ang mga mata. "Bakit ginaganito ka nila palagi? Wala kang ginawang masama sa kanila. Hindi na ako papayag na saktan nila ang dangal at damdamin mo, Lyn. Magpakasal na kayo at ipakitang hindi ka nagbebenta ng katawan kapalit ang pera."

Hindi siya nakapagsalita. Uminit ang mukha niya at humapdi ang kanyang mga mata. Kasi ayos lang sa kaniya kung siya lang ang nakakarinig ng mga sinasabi ng mga tao tungkol sa kaniya. Pero kung pati ang Lola niya narinig ang tungkol doon... naku, maiiyak na yata talaga siya. Kumurap siya at nagbaba ng tingin. "H-huwag mo na lang sila pansinin Lola."

Naramdaman niyang na-tense si Benedict na nakaupo sa tabi niya. Nararamdaman din niya ang titig nito sa kaniya kahit hindi niya nakikita ang mukha nito. "Pinag-uusapan ka ng mga tao? Naririnig mo ang mga narinig ng Lola mo sa bayan?" seryosong tanong ng binata.

Lumunok si Lyn, bumuntong hininga at tumango. "Sanay naman ako sa mga tsismis nila tungkol sa akin. Hindi ko na lang pinapansin." Mapait siyang tumawa. "Nakakatawa nga. Dati kasi magnanakaw lang ako. Ngayon, prostitute na ang tingin sa akin."

"Don't get used to it," gigil na sabi ni Benedict. Napatingala siya sa mukha nito. Kumabog ang dibdib niya nang makita ang galit sa mga mata nito. "We are getting married the day after tomorrow. Gagawan ko ng paraan at aasikasuhin lahat hanggang bukas. Pagbibigyan natin ang Lola mo na sa huwes muna." Lumingon ang binata sa matandang babae. "Gusto ko lang ho malaman ninyo, na pagkatapos namin ikasal, sa Manila kami titira. Nakapaghanda na ako ng bahay doon. Gusto ko na sumama kayo sa amin."

Nagkatitigan si Benedict at ang kanyang Lola. Parang nag-uusap ang mga mata. Huminga ng malalim ang matandang babae. "Hindi na. Kahit dito na lang ako sa bayan namin tumira. Basta alam ko lang na maayos ang buhay ng apo ko, kahit malayo siya sa akin, magiging masaya na rin ako."

Umawang ang bibig ni Lyn. "Lola. Maghihiwalay tayo?" reklamo niya.

Tiningnan siya ng matanda at kahit namamasa ang mga mata ay ngumiti. "Mag-aasawa ka na. Natural na dapat ang asawa mo ang kasama mo. Hindi naman tayo pwedeng magkasama habambuhay. Darating at darating ang araw na kailangan mo mabuhay na wala ako. Basta alam ko lang na hindi ka nag-iisa, ayos na ako."

Bachelor's Pad series book 10: THE WOLF'S SEDUCTION (Benedict Barcenas)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon