Part 22

25.4K 663 5
                                    

MARAMING naiwan at napabayaang trabaho si Benedict sa nakaraang mga linggo na sinusuyo niya si Lyn. Kaya sa loob ng isang linggo mula nang magbalik siya ng Maynila, kinailangan niya mag-double time para lang makahabol sa deadline ng mga trabaho niya. Nag-set na siya ng alarm sa cellphone niya para magising ng alas sais ng umaga. Halos alas diyes o alas onse na ng gabi ang nagiging uwi niya.

Medyo na-gi-guilty siya na sa umaga lang sila nakakapag-usap ni Lyn. Kapag pinagluluto siya nito ng almusal at inaasikaso ang isusuot niya. Hindi nga lang kasing sigla ng dati ang boses ng babae kapag nagsasalita. Hindi nga lang siya nito hinahalikan na katulad noong unang araw nila sa kanilang bagong bahay. In fact, napansin ni Benedict na hindi siya nito tinitingnan sa mga mata. He knew something is wrong. Nagtatampo ba ito na wala siyang oras dito? If so, he cannot blame her.

Sa gabi, tulog na ito kapag dumarating siya. Maalipungatan lang kapag tumabi siya sa kama kasi sisiksik sa kaniya at yayakap. Tapos matutulog na ito ulit. Kapag tinatanong niya ito sa umaga kung naiinip ba ito, hindi naman ang sagot ng babae. Huwag daw siya mag-alala kasi may pinagkakaabalahan naman daw ito. Hindi nga lang nito sinasabi kung ano 'yon.

Doble ang guilt na dala ni Benedict sa dibdib niya sa araw na 'yon. Kasi nasa bayan na naman siya ni Lyn para makausap ang Lola nito. Hindi na sa bundok nakatira ang matanda kasi kinuha rin niya ito ng bahay sa isang simple pero magandang subdivision sa katabing bayan. Sa araw na 'yon, kasama niya ang secretary niya, isang accountant at isang abogado ng kompanya. Opisyal nang ibebenta ng Lola ni Lyn ang lupain nito sa Barcenas Real Estate kagaya ng napag-usapan.

"Kamusta Lola," bati niya sa matandang babae.

Ngumiti ang matanda. "Ayos na ayos naman ako rito."

Sa tingin ni Benedict nagsisinungaling ito. Isang linggo lang niya itong hindi nakita pero napansin niya na sobrang payat nito ngayon. Maputla rin ang mukha at malalim ang mga mata. She looks sick. "May malapit na ospital dito. Puwede kayo magpa-check up kapag may nararamdaman kayong hindi maganda. Puwede rin kayong kumuha ng makakasama sa bahay para may mamimili ng kakainin ninyo."

Lumawak ang ngiti ng matanda. "Asus, malakas pa ako. Kaya ko pa gawin ang mga 'yan ng mag-isa. Tigilan mo ang pag-aalala sa akin. 'Asan na ba ang pipirmahan kong mga papeles?"

Bumuntong hininga si Benedict. Sa tingin kasi niya nagkukunwari lang ang Lola na wala itong dinaramdam. Pero hindi na lang siya kumibo at bumaling sa abogado nila na siyang nag-abot ng mga papeles sa matanda at nagpaliwanag ng mga nilalaman 'non. Natigilan siya nang mapansin ang kakaibang tingin ng secretary niya. "What?" mahinang tanong niya.

"Close kayo ni Lola, boss?" tanong ni Joanne.

Natigilan siya at napatingin sa matanda na pumipirma na ng mga dokumento. Huminga siya ng malalim. "Sa tagal kong panliligaw para mapapayag siyang ibenta ang lupain niya, naging malapit na kami."

"Ah..." Parang hindi naniniwala ang secretary niya pero binalewala na lang niya 'yon.

Nang matapos ang pirmahan ipinaliwanag ng accountant nila kung paano makukuha ni Lola ang bayad sa lupain. Saka biglang nagsalita ang matandang babae. "Mayroon akong ipapakisuyo sa iyo Benedict."

Dumeretso ang likod niya. "What is it?"

"Ang kabayaran sa lupain, gusto kong ipasok mo sa bangko at ipangalan sa aking apo na si Lyn."

Nagsalubong ang mga mata nila. Saka bumaling si Benedict sa kanyang mga kasama. "Ako na ang tatapos sa transaction dito. Puwede na kayong magpunta sa van para maghintay. Joanne, ikaw na ang bahala sa kanila."

Bachelor's Pad series book 10: THE WOLF'S SEDUCTION (Benedict Barcenas)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon