MAGDADALAWANG oras nang naghihintay si Olive sa meeting place nila ng boyfriend niyang si Anthony. Nangangawit na ang kanyang leeg sa katatanaw sa bawat humintong jeep at tricycle. Namimintig na rin ang kanyang mga binti. Ang kanyang mga kamay ay pasalit-salit sa pagbitbit ng picnic basket kung kaya naisipan pumasok na lang muna sa loob ng isang kainan, katapat lang ng kanilang ekswelahan.
"Hindi kaya nakalimutan 'yong usapan namin? O, baka naman may ginagawa pa? Siguro nga, inutusan pa ng mommy niya at sinunod muna para payagan siya. Baka parating na 'yon," pampakalma ni Olive sa sarili. Ayaw niyang mabawasan ang nararamdamang excitement dahil iyon ang first Valentine date nila ni Anthony.
Makaraan ang ilang minuto, nagpasya na si Olive na tawagan na si Anthony sa cell phone. Hindi na siya mapakali. Mukhang tanga na siya sa loob ng kainan kaya lumabas na lang uli siya. Nang mag-ring, pakiramdan niya ay lalagnatin siya sa paghihintay na sagutin ng lalaki.
Matagal siyang naghintay na sagutin ni Anthony. Hindi niya titigilan hanggang hindi sinasagot ng lalaki. Nais na niyang malaman kung anong dahilan kung bakit wala pa ito.
"Hello... napatawag ka?" anang boses sa tonong tila wala silang usapan, iyong tipong walang kabahid-bahid ng excitement o pagmamadali.
Gustong mainis ni Olive. Gayunman, pilit na kinalma ang sarili.
"February fourteen ngayon at may usapan tayo, hindi ba? At para sa kaalaman mo, eh, kanina pa ako naghihintay rito sa meeting place natin, Tonton. As in, mga dalawang oras pa lang naman."
"Ah kasi.. kasi..." wari ay naghahagilap ito ng sasabihin sa kanya.
Naman, 'yan lang ba ang maririnig ko sa iyo? Nagsisimula na yatang kumulot ang bangs ni Olive sa narinig.
"Darating ka pa ba o hindi na? Para alam ko. Madali lang naman akong kausap. Sabihin mo lang kung bakit hindi ka makaalis diyan kaya hindi tayo matutuloy."
Narinig ni Olive ang malalim na buntong-hininga ni Anthony.
"Tonton..." untag niya, "Anthony Duran, ano na?"
"Huwag ka nang maghintay, Olive." Tila nag-alis na naman ito ng bara sa lalamunan. "Ang totoo, kailangan kong sabihin ito sa iyo."
"Ano iyon? Sabihin mo na. Maniniwala naman ako iyo. Ano man ang dahilan mo kung bakit hindi tayo matutuloy ngayon, sabihin mo na. Sayang lang kasi 'yong oras na naghintay ako. Andito na nga ako, eh. Kaya sabihin mo na, maiintindihan naman kita," malumanay pa rin ang kanyang boses. Pero ang totoo, masama ang kanyang loob.
Paano ba naman! Sayang ang effort ko. Sayang ang effort ng nanay ko. Ang sarap pa naman ng mga nilutong pagkain ng nanay ko. Excited pa naman akong matikman mo. Tapos, hindi ka naman pala darating.
"Olive..."
"Tonton..."
"M-mag.... mag-break na lang tayo."
"Ha? Ano? A-anong sinabi mo?"
"Ayoko namang paasahin ka na darating ako. Magulo kasi..."
"Talagang magulo! At ang labo,Tonton. Nag-set tayo ng lakad today, hindi ba? Idea mo ito--"
"Huwag na tayong tumuloy. I mean, huwag na nating ipagpatuloy pa ang anumang meron tayo, Olive. I-priority muna natin ang pag-aaral. I'm sorry, Olive. Kung hindi ko agad... nasabi sa iyo. Sana matanggap mo ang desisyon ko. Good bye." At naputol na ang linya.
Tulala si Olive. Pakiwari niya ay may pomompiyang sa kanyang magkabilang tainga. Wala sa sariling napahakbang, marahang lakad, lakad na walang tiyak na patutunguhan. Basta tuloy-tuloy lang siya. Laglag ang kanyang mga balikat, bagsak na bagsak ang kanyang pakiramdam, tipong sayad na sayad sa lupa na hindi niya magawang umangat.
BINABASA MO ANG
MY LOVE, MY VALENTINE (Completed/unedited version)
Romance"Kung tungkol kay Anthony... na sabi sa akin ni Ally ay nakita ka raw niya na parang lalapit sa stage pero bigla ka na lang tumalikod. Siguro nakita mo 'yong ginawa ni Anthony, niyakap niya ako at humalik pa. Hindi ko inaasahan na gagawin n'ya 'yo...