AFTER two years...
Pinaliliguan ni Olive ang aso sa loob ng banyo nila nang bumungad ang kanyang nanay. Hawak nito ang kanyang cell phone. Nakasuot ng loose white tshirt, black leggings at pulang rubber shoes si Purita. Paalis ang kanyang nanay dahil may zumba session ng mga kaibigang ahente.
"Kanina pa nagri-ring 'yang cell phone mo. Baka importante dahil nakaanim na missed calls na si Ally." Inilapag ng ina sa ibabaw ng dining table ang cell phone.
Nagtatakbo palabas ng banyo ang aso matapos niyang punasan ng tuwalya. Dere-diretso ang aso sa ibabaw ng sofa..
"And'yan ka na naman sa mga paninda ko, Evol. Suuu, baba! Alis!" Nataranta si Purita sa pagtaboy sa aso. Paano naman kasi, may kalokohan din si Evol. Nakakatuwaan nitong dambahin ang patas ng mga panindang RTW. Nagbabagsakan ang mga iyon sa lapag. Hindi naman ugali ng asong magngatngat, sadyang paglalaruan lang niyon.
Sobrang mahal ni Olive ang alaga. At ganoon din ang aso, na tila may isip dahil lagi itong nasa tabi niya. Tuwing umaga, nagigising siya sa kahol ni Evol, sasampa sa higaan niya at saka siya didilaan nang didilaan sa kanyang mukha. Pagbangon niya ay awtomatikong nakatanghod na ang aso, kagat-kagat ang isang pirasong tsinelas.
"Yes, Bru. Anong meron? Dami mong missed calls, " bungad agad ni Olive sa kaibigan nang tawagan ito.
"Hay bruha ka!'Buti naman nag-call back ka. Mag-open ka ng Facebook dali!"
"Matagal na akong hindi nagpe-Facebook, 'di ba?" paalala niya kay Ally. Pareho lang sila ng nanay niyang walang interes na mag-Facebook. Kontento na sila sa call and text messsages. Hanggang maaari ay ayaw nilang maging aktibo sa social media.
Sa katunayan, noong mag-debut siya, gustong-gusto sana ng nanay niyang magkaroon siya ng kahit papaano ay debut party. Gusto kasi ng kanyang nanay na maranasan daw niya ang mag-celebrate ng pagiging ganap na dalaga dahil hindi raw nito naranasan ang ganoon. Ngunit nahimok niya ang ina na huwag nang gumastos sa ganoong bagay. Kaya simpleng salu-salo ang nangyari noon, siyempre pa ang mga bisita niya ay ang malalapit na mga kaibigan, ang mga bagets, si Ate Gelay at si Anthony.
Sinopresa siya ng kanyang nanay ng bagong laptop. Kahit noong hindi pa nasisira ang kanyang lumang laptop siya ay hindi na siya nagbubukas ng Facebook. Noong una, mahirap dahil kagaya rin siya nina Alyssa na mahilig mag-post ng status, ng mga pictures. Subalit kalaunan ay nakasanayan na rin niya. Mas mainam dahil naka-focus lang siya sa pag-aaral. Naging masigasig siya, matiyaga at pinatunayan niya sa sarili at sa kanyang nanay na kaya niyang makatapos nang may karangalan.
It really paid off. She was a degree-holder, a magna cum laude. Dalawang buwan muna siyang magpapahinga at saka siya magsisimulang mag-review para sa board exam.
"Deactivated ka lang. Activate mo uli. Saglit lang iyon. Bilis na. May ise-share ako sa iyo."
"Ano ba 'yon?"
"Hay, Olivia, mag-Facebook ka muna. Just this once. Puwede ka naman uli magde-deact kung gusto mo. Ikaw rin, para rin sa iyo at sa madir dear mo itong ise-share ko.."
"Oo na. Magbubukas na po ng laptop."
"Stay on the line, Olivia Baby. Para -ishare ko agad sa iyo kapag active ka na uli."
"Ang kulit mong buntis ka. Ano, hindi pa ba lalabas yang prinsesa mo?" Babae ang gender nang ipinagbubuntis ni Alyssa at kabuwanan na nito. Kahit preggy ang kaibigan ay natapos pa rin nito ang kurso bagaman hindi pa kumukuha ng exam para ganap na maging guro.
Nakabuntot sa kanya ang aso. Mabilis namang nagpaalam si Purita na aalis na ito.
Nakapasok na si Olivia sa kuwarto at dere-deretso sa computer table kung saan ay naroon ang kanyang Lenovo laptop. Saglit lang ay nabuksan na niya ang Facebook account. Napabuntong-hininga siya. It had been two years nang maisipan niyang mag-deactivate sa Facebook. Ginawa niya iyon dahil ayaw niyang makita at maalala si Kiel sa marami nilang photos at posts. Kaysa i-unfriend o i-block ang binata ay mas pinili na lamang niyang huwag nang mag-Facebook. Hindi na iyon mahalaga sa kanya. May naramdaman siyang pinong kurot sa dibdib nang bumulaga sa kanya ang laman ng kanyang Facebook. Malalim ang buntong-hiningang pinawalan niya. Dinampot niya uli ang cell phone, nasa linya pa rin si Ally.
BINABASA MO ANG
MY LOVE, MY VALENTINE (Completed/unedited version)
Romance"Kung tungkol kay Anthony... na sabi sa akin ni Ally ay nakita ka raw niya na parang lalapit sa stage pero bigla ka na lang tumalikod. Siguro nakita mo 'yong ginawa ni Anthony, niyakap niya ako at humalik pa. Hindi ko inaasahan na gagawin n'ya 'yo...