CHAPTER SIX

15K 175 2
                                    


IBINAGSAK ni Olive ang sarili sa malambot na kama. Napatitig siya sa puting kisame, iniisip ang kalagayan ni Kiel. Wala palagi ang mga magulang nito. Alam niyang malungkot ang mag-isa sa bahay. Mabuti nga siya dahil kasama niya ang kanyang ina.

Narinig ni Olive na nagri-ring ang kanyang cell phone. Napabalikwas siya sa pag-aakalang si Kiel ang tumatawag. Hindi rin nakatiis ang kaibigan na hindi tumawag sa kanya. Ngunit hindi si Kiel ang caller dahil ibang number.

"Hi, Olive!" anang magiliw na boses-lalaki.

"Hello. Sino ito?"

"Nakalimutan mo na agad ang boses ko? Kunsabagay, understandable naman."

"Anthony?"

"Yeah. Ako nga. Kumusta? Nasa bahay ka na?"

"O-oo. Ikaw?"

"Hindi ba kita naaabala?"

"Hindi naman. Okay lang."

"Puwede ba kitang invite bukas? Lunch time?"

"Ha? Ah eh..." Naalala ni Olive ang usapan nila ni Kiel. Tiyak kapag hindi siya sumipot, hindi siya nakakasigurong pagbibigyan pa siya ng kaibigan sa hiling niyang turuan nito. Nakagat niya ang ibabang labi.

"May lakad ka bukas?" Tila naman nahiwatigan iyon ng kausap.

"Oo, eh. Nakakompromiso na kasi bukas. Importante iyon."

"Ah, okay. I understand. Some other time maybe."

"Yeah, some other time."

"O sige, set na lang natin kung kailan ka available. Basta, tatawag-tawag ako, ha? Sana... walang magagalit."

"W-wala naman. Sige, bye na."

"Not gonna say, bye, Olive. 'Till next time, babe."

"Okay." Napangiti si Olive sa huling sinabi ni Anthony. Babe...

Parang gusto niyang magtatalon sa tuwa. Hindi na siya makapaghintay na magkuwento kay Kiel.

Kiel, alam mo ba? Babe pa rin ang tawag sa akin ni Anthony. Ano ba iyon? Why o why?


DATING lumang bodega na pinagawa ni Kiel na dance studio para sa mga kaibigang bagets. Hindi iyon kalayuan sa riles ng PNR. Ang may-ari ng lumang bodega ay kaibigan ng kanyangdaddy at nirerentahan niya sa mababang halaga. Unti-unti niya iyong ipinaayos. Mula sa tinatanggap na allowance at sahod sa pagma-manage niya sa negosyo ng kanyang mga magulang at sa gig kung saan ay drummer siya ng bandang "Hustisya" at paminsan-minsan suma-sideline rin siya sa sikat din na bandang "Serenade" kung kaya nakompleto na niya ang mga gamit ng kanilang munting studio.

May isang maliit na kuwarto roon, maliit na kusina at maluwang na espasyo na nagsisilbing practice area. Ang isang panig ay pulos salamin. Pinalagyan ni Kiel ng rubberized mat ang flooring para ligtas sa pag-eensayo ang mga bata, lalo pa at hindi nawawala ang mga pagtumbling at pagsisirko ng mga ito.

Si Jopet, ang pinakamatanda sa limang bata, dose anyos ito at nagsisilbing pinakakuya. Walong taon naman ang pinakabata na si Cocoy, anak ng isang labandera na namatay sa sakit na TB kaya naiwan ang pobreng bata sa pangangalaga sa komadronang may siyam na anak.

Dating solvent boys sina Cocoy, Dong at Buchay. Edad sampu naman sina Dong at Buchay. Samantalang sina Jopet at Pring ay tambay sa bilyaran, adik din sa larong DOTA kung kaya suma-sideline na mandurukot. Pinsan ni Jopet ang boyfriend dati ni Ate Gelay. Dahil kasama siya ni Ate Gelay kapag pumapasyal sa boyfriend nito noon, sa tuwing nais ng mga ito na mapagsolo ay itinataboy siya sa labas kasama si Jopet. At sa computer shop sila nagbababad ni Jopet. Naglalaro sila ng DOTA. Kapag nagsawa ay gagala naman sila sa riles ng tren kung kaya nakilala ni Kiel ang ang ibang mga bagets na ginagawang tambayan sa gabi ang likod ng train station.

Naibsan ang pangungulila ni Kiel sa nag-iisang kapatid mula nang makilala niya ang mga bata. Ang kanyang Ate Aya kasi nang tumuntong na sa high school ay sa Japan na nagpatuloy ng pag-aaral. Siya ay mas ginustong sa Pilipinas manatili at mag-aral. Pareho silang ipinanganak sa Okasaki, Japan. Tatlong taong gulang siya, at ang Ate Aya naman niya ay walong taon nang magpasya ang kayang mommy Kasumi at daddy Dandy na umuwi at mamalagi sa Pilipinas.

Maraming magagandang dahilan kung bakit patuloy na nagugustuhan ni Kiel ang pamamalagi sa Pilipinas. At isa na roon ay si Olive. Habang tumatagal ay lalong nahuhulog ang loob niya sa dalaga. Tila bala ng CD na paulit-ulit na naglalaro sa kanyang isip ang mga mensahe nito.

Ingat sa pag-drive, besh ko. Labyuh. Text ka kapag nakauwi ka na ng bahay, ha? Labyuh uli.

Ang sarap sa pakiramdam ang mga pag-aalala ng dalaga sa kanya. Inuulit-ulit niyang binabalikan sa kanyang isip ang masasayang mga sandaling magkasama sila ni Olive, animo ay inaangat siya sa ulap. Subalit kung kailan naman nasa ituktok na si Kiel ay saka sumulpot ang totoong "panira ng moment" .

Bakit lumitaw pa si "ex"? Okay na sana.

Kiel, alam mo ba? Babe pa rin ang tawag sa akin ni Anthony. Ano ba iyon? ? Why o why?

Naipilig ni Kiel ang ulo. Iniiwasan niyang analisahin ang mga kahiwagaang nangyayari sa kanya na may kinalaman kay Olive. Napabuntong-hininga siya. Pilit na itinataboy sa isip ang tungkol sa dalaga. Natanaw na niya ang gate ng studio. 'Saktong lumabas mula sa pinto si Jopet at nagmamadaling binuksan ang gate. Kabisado na nito ang oras ng kanyang dating. Ipinarada na niya ang kotse sa harapan.

Tuwang-tuwang sumalubong kay Kiel ang mga bata. Excited ang mga itong isukat na ang dala niyang customes na gagamitin para sa grand finals ng dance group contest ng sikat na noontime show. Next week na ang grand finals kaya puspusan ang pagpapraktis ng mga bata.

Mabilis na lumapit si Jopet sa kinalalagyan ng sound system. Mayamaya pa ay pumailanglang ang nakakaindak na tugtog. Mashup of hiphop music.

Nang may naramdaman si Kiel sa kanyang tabi. Naroon at nakatayo rin si Olive, aliw na aliw sa panonood. Pumapalakpak ang dalaga na may kasama pang hiyaw. Hindi niya namalayan ang pagdating nito.

"Ang galing! Bravo!!!"

Nakatitig si Kiel sa dalagang nakasuot ng maong na shorts at black racer-back sando ang pinakaloob saka pinatungan ng maluwang na kulay mustard na sando, at Chuck Taylor gray high-cut shoes naman sa mga paa. Nakalugay ang mahabang buhok at tanging lip gloss ang kolorete ni Olive sa mukha. Kapag pumapasok ang dalaga sa school ay naglalagay ito ng manipis na makeup.

Nahigit ni Kiel ang hininga habang pinagmamasdan ang kasimplehan ng kaibigan na umiindak na rin at sinasabayan ang pagsasayaw ng mga bagets. Nang matapos ay humihingal na nagpalakpakan ang limang bata. Nagsilapitan ang mga ito sa kanila ni Olive.

"I'm sure, kayo na! Kayo na ang champion!" bulalas ni Olive na pinanggigilang yakapin sina Cocoy, Dong at Buchay. Nakipag-high-five naman ito kina Pring at Jopet.

"Nag-text ako sa iyo, hindi mo ni-reply. Nakailang tawag din ako sa iyo," may pagtatampong sita ni Olive kay Kiel.

"Busy ako. May gig kami kagabi at madaling araw na ako nakauwi ng bahay."

"Ah, kaya pala mukha kang puyat na Panda."

Ang totoo, sinadya ni Kiel na huwag mag-reply at dinedma ang mga tawag ni Olive. Ayaw niyang pag-usapan nila ni Olive ang tungkol sa ex-boyfriend nito.

Baklus! He called me... I can't believe it but he did.

MY LOVE, MY VALENTINE (Completed/unedited version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon