CHAPTER FIVE

19.1K 207 3
                                    


WALANG imikan sina Kiel at Olive.

Lalong na-bad trip si Kiel nang sa pagsulyap niya ay halatang nasa dreamland ang aura ni Olive. Pupusta siyang nag-i-imagine na ito ng mga senaryong may kinalaman sa ex-boyfriend nito.

Pinasibad ni Kiel ang sasakyan, panay ang kanyang busina kapag may sasakyan na basta na lamang ka-cut sa kanyang linya. Sa pagmamaneho niya naibunton ang nararamdaman niyang inis.

"Baklus, ano ba?!" tili ni Olive. "Kakalokah ka, ha? Ano, may emergency ba at panay ang busina mo! Nagugusot ang bangs ko sa iyo!"

Saglit na sinulyapan ni Kiel ang nakasimangot na kaibigan. Nakapagtali na ito ng buhok, ang dalawang kamay ay mahigpit na nakahawak sa seatbelt. Bahagya siyang nag-menor. "Namputsang driver, parang hari ng kalsada!"

"Hoy! Ikaw itong parang hari ng kalsada, 'no! Ano, may lakad at nagmamadali ka!"

Hindi kumibo si Kiel. Wala pang kalahating oras ay nasa harapan na sila ng inuupahang apartment nina Olive.

"Ano 'yon? Kelan pa naging pangarera itong kotse mo?"

"Matagal na," naaasar pa ring sagot ni Kiel.

"Bigla ka na lang na-badtrip, bakit ba?"

"Sinong matutuwa sa asta mo kanina? Hindi ganoon ang tamang pakiharap sa ex. Dapat pormal. Hindi 'yong kulang na lang, eh, mamilipit ka sa kilig. At kung makatitig ka, wow! Daig mo pa ang may laser vision. Ang landi, ha?"

Napaawang ang bibig ni Olive, hindi agad nakapagsalita.

"Sinabi ko na, ayaw ko ng malanding best friend. Paano ka rerespetuhin ng hitong iyon kung ganyan ka? Astang easy to get ang peg mo kanina. At baka nakakalimutan mo? 'Yong nangyari sa iyo kanina na binastos ka ng dalawang lalaki, gusto mo pa bang mangyari uli 'yon? Iyong hindi ka rerespetuhan ng mga lalaki."

Natameme si Olive, hitsurang tinablan sa pinagsasabi ni Kiel. Gayonman ay inawat na niya ang sarili na magsalita pa. Hindi rin niya gusto ang inaktong iyon. Bakit niya pinagagalitan si Olive? Parang over naman yata iyon. Ayaw niyang tuluyang magkasamaan sila ng loob. Kababati lang nila. Hindi pa nangyari na nagkaroon sila ng matinding tampuhang magkaibigan.

"O, ano? Ayaw mo ba talagang gumala muna tayo?" mayamaya ay malumanay na tanong sa kanya ni Olive na tila nahimasmasan kaya inaamo na siya. "Huwag ka na mainis, Baklus. I got your point. Tama ka naman. Hindi na mauulit. Sige na, gala muna tayo. Tutal, alas-tres pa lang naman."

"Hindi na," sagot ni Kiel na hindi tinitingnan ang dalaga. Ayaw niya kasing makuha na naman siya sa panghahaba ng nguso ni Olive. "Ano pang hinihintay mo? Baba na. May lakad pa ako."

"Bakit ba ang sungit mo pa rin? Daig mo pang may period."

"Oo! May period ako. May tagos na nga ako. Kaya sibat na!" Bigla na lang bumungisngis si Olive, hindi pa nakontento, pinanggigilang pisilin ang magkabilang pisngi ni Kiel. "Ang pogi mo sana pero ang sungit mo."

Gumanti rin si Kiel, pinisil ang ilong ni Olive. "Aral muna bago landi. Tantanan mo ang mukha ko."

Kandahaba ang ngusong tinigilan nito ang pagpisil sa pisngi niya. Bahagya nang lumambot ang pakiramdam ni Kiel. Iyon lang ang kanyang kahinaan, ang bungisngis at paglalambing ni Olive. Nakakahawa. Kumbaga, isang bahing lang ni Olive ay kumalat na sa kanya ang taglay nitong mahiwagang virus.

"Sige na, baba na," aniyang malambot na rin ang boses.

"Naman, Kiel! May sasabihin kasi ako sa 'yo. 'Yon nga ang pag-uusapan natin kaya kita niyayaya kanina sa Mcdo."

MY LOVE, MY VALENTINE (Completed/unedited version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon