KAHIT puyat dahil pasado alas-diyes na ng gabi nakauwi si Olive ay naging mababaw ang naging tulog niya. Pagising-gising siya kung kaya maagang bumangon na lamang siya. Tulog pa rin ang kanyang nanay.
Maingat siyang kumilos at iginayak ang damit. Hindi niya kinalimutang ilagay sa backpack ang regalo niya kay Kiel. February 15 ngayon, anniversary ng pagiging mag-best friend nila.
Hindi pa rin niya matiis ang binata. Mabilisan siyang nakagawa ng card, gumawa rin siya ng sulat. May kasamang white T-shirt na may design na dalawang pusong magkadikit.
Naghanda siya ng almusal. Alam niyang magigising na ang kanyang nanay. 'Saktong natapos siya sa pagsasangag ay bumungad na ang nanay niya. Ngumiti si Purita.
"Ang aga mong gumising, anak," wika nito.
"Kain na po tayo." Nakapagtimpla na rin siya ng kape nila.
Saglit pa ay kumakain na silang mag-ina. Alam niyang may lakad ang nanay niya sa araw na iyon. Kagabi ay nagpaalam siya na pupunta lang siya sa bahay nina Kiel. Hinanap kasi ng nanay niya si Kiel. Ang sabi niya lang dito ay may susunod pa kasing gig ang kaibigan kung kaya nagmamadali nang umalis si Kiel.
Excited na siyang makaalis at nang mapuntahan na niya agad ang binata. Siguro naman ay nasa bahay pa si Kiel sa ganoong oras. Dadaan muna siya sa isang bakeshop upang bumili ng special na cake.
Nang makaalis ang kanyang nanay ay mabilis na siyang kumilos, nagligpit sa kusina at pagkatapos ay naligo at nagpaganda. Hindi na siya makapaghintay na marating ang bahay nina Kiel.
NAGISING si Natasha na parang binabarena ang kanyang ulo. Sapo ang ulong bumangon na siya at iginala ang tingin sa paligid.
Napatingin siya sa babaeng nakahiga sa isang kutson sa lapag. Tulog na tulog pa si Ate Gelay. Naghihilik pa nga ang babae.
Pinahiram siya ni Ate Gelay ng pamalit sa suot niyang damit. Amoy alak at usok daw kasi ang kanyang damit. Ang suot niya ngayon ay boxer shorts at loose white shirt.
Marahang kumilos si Natasha upang huwag mabulahaw ang tulog ng babae. May sariling banyo ang kuwarto. Nag-shower siya upang mawala ang amoy alak sa katawan niya. May nakita siyang stock ng toothbrush sa maliit na cabinet. Presko na siyang lumabas ng banyo. Iyon pa rin ang kanyang suot. Hindi niya alam kung nasaan ang mga damit niya. Natatandaan niyang iniwan niyang nakasabit sa banyo. Naisip niyang baka nilabhan ni Ate Gelay. Mabilis na kasi siyang nakatulog kagabi.
Maingat na lumabas ng kuwarto si Natasha. Gusto niyang makita si Kiel. Hindi niya alam kung saan ang kuwarto ng binata.
Inisa-isa niya ang bawat pinto. Bale, apat ang kuwatro ng bahay. Dalawa ay naka-lock at ang pinakadulo ay hindi. Marahan niyang itinulak iyon at tumambad sa kanya ang natutulog pang si Kiel. Marahan siyang pumasok at lumapit sa kama nito.
Napangiti siya habang pinagmamasdan si Kiel. Mukhang nasa kasarapan pa ang tulog nito. Malamig ang buong silid. Ang blanket nito ay hanggang baywang lang. Lantad ang maskuladong katawan nito, ang pinong balahibo sa dibdib nito. Bahagya nang tumubo ang stubbles ng binata. Wala itong suot na pang-itaas.
Huminga siya nang malalim. Hindi siya magsasawang titigan si Kiel. Noon pa man ay crush na niya ang binata. Wala siyang inasam-asam kundi ang mapansin nito. Kaya naman talagang gumagawa siya ng paraan na makuha ang atensiyon ni Kiel. Siya ang nauunang bumabati at kumakausap dito. Hindi naman ito snob. Kaya naman hindi siya nangingiming ialok dito ang mga notes at reviewers niya upang may magamit ang binata. Dahil napansin na niya sa simula pa lang na ang tipo ni Kiel ay hindi mahilig magsulat at magte-take down note sa klase.
BINABASA MO ANG
MY LOVE, MY VALENTINE (Completed/unedited version)
Romance"Kung tungkol kay Anthony... na sabi sa akin ni Ally ay nakita ka raw niya na parang lalapit sa stage pero bigla ka na lang tumalikod. Siguro nakita mo 'yong ginawa ni Anthony, niyakap niya ako at humalik pa. Hindi ko inaasahan na gagawin n'ya 'yo...