BAGAMAN ma-traffic subalit nakakalusot sina Olive at Ted. Halos hindi na bumabalik sa normal ang tibok ng puso ni Olive. Tanaw na niya ang NAIA. Ayaw na niyang tingnan ang oras dahil mas lalo lang siyang nate-tense. Mas matindi ang kanyang tensiyon ngayon kaysa sa naramdaman niya noong rumampa siya sa pageant.
Nang ihinto ni Ted ang motor ay dali-dali na niyang hinubad ang helmet at iniabot dito. "Pasensiya ka na, ha? Mauuna na ako. Tatakbo na ako."
Natatatawang naiiling si Ted. "Go, Olive! Susunod ako. Ayusin ko lang ang parada ng motor ko."
Tinakbo na ni Olive ang entrada ng terminal 3. Nang makapasok sa maluwang na lobby ay nagpalinga-linga siya.
"Saan nga ba ang counter? Kaliwa nga ba o kanan?" Nalito na siya kung saan madalas mag- check in na counter si Kiel. Pagpihit niya ay saka niya nakita si Cocoy. Nagtatakbo ang bata papalapit sa kanya.
"Ate Olive!"
"Cocoy!"
Kompleto ang mga bagets, kasama ng mga ito si Ate Gelay. Subalit napatda siya nang makita si Natasha. Nawala sa isip ni Olive si Natasha. Sa hitsura ng babae ay walang dudang galing ito sa pag-iyak. Ang lungkot-lungkot ng mukha nito. Dahil doon ay samu't sari ang nararamdaman niya. Lalong kumirot ang puso niya.
Magkakaharap na sila. Hindi makuhang ngumiti ni Olive kay Natasha. Inalis niya agad ang tingin sa babae at ibinaling kay Ate Gelay. Alam na agad ng yaya ang nasa isip niya.
"Naka-check in na si Kiel, Olive. Nakalampas na ng immigration counter at naghihintay na lamang ng boarding."
Alam niyang hindi na pupuwedeng pumasok pa sa pinaka-loob. Hanggang lobby lamang ang mga tao. Nanlumo siya. Nanlupaypay. Parang gusto niyang maglulupasay sa mga oras na iyon. Nawalan siya ng lakas. Kanina lang ay rumagasa ang adrenaline sa katawan niya ngunit ngayon ay bigla na lang naglaho. Ginamit niyang pampaypay sa mukha ang sariling kamay. Naiinitan siya. Nagsisikip ang kanyang dibdib at masakit ang kanyang lalamunan.
"Olive... okay ka lang ba?" hindi nakatiis na tanong ni Gelay.
Napilitan siyang tumango. Hindi birong magpigil ng emosyon. Gustong-gusto niyang sumigaw, isisigaw niya ang pangalan ni Kiel. Todong sisigaw siya para maririnig sa buong lawak ng airport. Subalit walang lumalabas na boses sa kanya. Hindi nga niya nagawang sagutin si Gelay nang tanungin siya.
Nang mapansin niyang nakatingin sa kanya si Natasha kaya pilit niyang hinamig ang sarili. Ayaw niyang makita siya ni Natasha na apektado rin siya ng pag-alis ni Kiel. Nagawa niyang ngumiti sa mga bata.
"Bakit kasi ngayon ka lang?" may bahid ng paninising sabi ni Gelay. "Sinabihan ka na ni Jopet."
Nagtatanong din ang mga mata ng mga bagets na pawang nakatingin sa kanya.
"Tinanghali ng gising eh," alibi na lamang ni Olive. Tanghali! Eh ni wala ka pa ngang tulog
"Pauwi na kami. Sasabay ka ba sa amin? May inarkila kaming van."
Lumingon siya nang marinig niyang may tumatawag sa pangalan niya. Si Ted papalapit sa kanila.
"Hindi mo na inabutan?" tanong ng lalaki at pagkuwan ay ngumiti sa mga bata. Kilala rin si Ted ng mga bata at ni Natasha. "Hi, Ate Gelay."
"Andito ka rin pala, Ted."
"Opo. Sinamahan ko po si Olive. Hindi na pala kami umabot."
"Nasa boarding gate area pa naman 'ata kaso malapit na ang boarding time," sabi ni Gelay. "O paano, mauuna na kami sa inyo, ha?"
Saglit pa ay nagsialisan na ang mga ito.
Naiwan si Olive na tulala.
"Bakit kasi hindi mo tawagan? Hetong phone ko. Malay mo, puwede siyang sumaglit pumunta rito," sabi ni Ted.
Tinanggap ni Olive ang cell phone nito. Sa pagmamadali niya ay naiwan niya ang kanyang cell phone. Naghintay siyang mag-ring ang numero ni Kiel subalit busy ang linya nito. Mukhang may kausap si Kiel. Sinubukan pa niya uling tawagan subalit busy talaga. Ibinalik na niya ang cell phone kay Ted. "Busy, eh. Tara uwi na tayo. Hindi na rin siguro makakalabas iyon dito."
"Gusto mo mag-message ka na lang. Para alam niya na humabol ka."
Pilit siyang ngumiti. "Hindi na. Huwag na." Useless lang din. Nagpatiuna na siyang lumakad palabas ng gusali habang tuluyan nang bumagsak ang mga luha niya.
BINABASA MO ANG
MY LOVE, MY VALENTINE (Completed/unedited version)
Romance"Kung tungkol kay Anthony... na sabi sa akin ni Ally ay nakita ka raw niya na parang lalapit sa stage pero bigla ka na lang tumalikod. Siguro nakita mo 'yong ginawa ni Anthony, niyakap niya ako at humalik pa. Hindi ko inaasahan na gagawin n'ya 'yo...