CHAPTER NINE

13.8K 146 2
                                    


NAHIRAPANG mag-isip ng  alibi si Olive kung paano makakaalis mamaya. Alas-singko na ng hapon. Alas-siete ang usapan nila ni Anthony.

Kanina pa silang tapos ng nanay niya sa pag-imbentaryo at pag-ayos ng mga paninda nito. Nagsimula na itong maghanda ng hapunan nila. Siya naman ay nakapagligpit at nalinis na niya ang sala nila. Nalinis na rin niya a ng kuwarto nilang mag-ina.

Alumpihit siya. Ilang beses niyang tinatawagan si Kiel subalit hindi nito sinasagot ang phone. Naiinis na talaga siya sa kaibigan. Gusto niyang magpa-rescue rito para makaalis siya nang hindi na mag-uurirat ang nanay niya.

Huminga siya nang malalim. Kailangan niyang ipaalam agad sa nanay niya na aalis siya para hindi na ito magluto nang madami.

Nilapitan niya ang ina sa kusina. "Nanay..."

Naghihiwa ito ng carrot. "Hindi ba magagawi rito si Kiel, anak? Menudo ang lulutuin ko ngayon. Lalahukan ko ng pasas. Alam ko namang sabik sa lutong-bahay 'yang kaibigan mo."

"Ah eh, 'Ma, iyon nga po ang sasabihin ko. May praktis po kasi sina Jopet. 'Punta lang po ako saglit sa studio. Grand final na po kasi nina Jopet sa next friday. Sabay na rin ako sa praktis nila." Alam na ng nanay niya ang tungkol sa pagsali niya sa pageant at pati na rin ang sinalihang contest ng mga bagets.

Sobrang excited nga ang nanay niya para sa kanya. Kaya nga mabilis itong nakabili ng mga isusuot niyang gown at accessories. Palibhasa noong nag-aaral pa ang nanay niya noong high school, ang kuwento nito sa kanya ay madalas daw itong aluking sumali sa mga beauty contest pero dahil nga masyadong istrikto at konserbatibo ang mga magulang kung kaya ayaw pasalihin  ang nanay niya. Hanggang first year college lang ang narating ng kanyang ina.

"O, siya sige. Lulutuin ko na rin ito para mamayang dumating kayo iinitin na lang. Magpahatid ka kay Kiel kapag gabing-gabi na kayo matatapos."

Patay... Patay ako nito ke Kiel.

"Opo," sagot niyang lihim na nangingiwi. "Gagayak na po ako, Nay." Tumalikod na siya at pumasok na ng kuwarto upang gumayak.

Habang namimili ng isusuot ay sinubukan niyang tawagan uli si Kiel. Gusto niyang makausap ito upang sabihin  ang nagawa niyang munting kasalanan. Ginamit niya ang pangalan nito para lamang makaalis siya ng bahay nang hindi na kukuwestiyunin pa ng ina  kung sino ang kasama niya.

Hindi niya makuhang sabihin sa nanay niya na makikipagkita siya sa ex-boyfriend. Kapag sinabi kasi niya ay tiyak na kailangan niyang magpaliwanag. Magkuwento. Hindi siya sigurado kung ano ang magiging reaksiyon ng kanyang nanay. Kung magagalit ito nang husto o katamtamang galit lang?

Nabibitin ang paghinga niya sa paghihintay na sagutin ni Kiel ang tawag.

"Naman, bakit ba ayaw mong sagutin?" yamot siyang nag-compose ng message. "I need to talk to you. Kung ayaw mong sagutin bahala ka. Inis na talaga ako!"


LATE ng fifteen minutes si Olive. Naroon na si Anthony, nakaupo sa labas ng Starbucks. Halatang nag-effort ito na magpapogi. Nakasuot ito ng white body-fit shirts, denim jeans at black loafers.

He grinned from ear to ear nang makita siyang papalapit dito. Simple lang ang get-up niya, black skinny jeans, sleeveless blouse, doll shoes at naka-pigtail ang mahaba niyang buhok. But she put on light make-up at baby cologne.

Pinakiramdaman niya ang sarili habang papalapit kay Anthony. Excited, oo. Siguro dahil makaraan ang ilang taon ay ngayon lang uli sila nagkita.

"Hello, Babe."

MY LOVE, MY VALENTINE (Completed/unedited version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon