NAPAILING na lang si West nang makitang nakaupo sa kanyang itim na lumang sofa si Anne. Katatapos lang rin nitong mag-shower, suot ang kulay itim na tanktop na tinernohan ng itim rin na maiksing shorts. Lalo itong pumuti sa suot nito at sa mga oras na iyon ay hindi alam ni West kung tama pa nga ba ang desisyon niyang pumayag sa kagustuhan ng kasintahan na doon ito matulog.
"Come here, sit with me," mahina nitong sabi.
Napalunok siya. Ilang buwan rin silang hindi nagkita ni Anne at normal lamang sa isang lalaking tulad niya ang makaramdam ng kakaibang kaba sa ganoong pagkakataon. Dala ang kanyang unan at kumot, dahan-dahan siyang lumapit rito.
"Thank you for letting me stay."
Naupo siya sa tabi nito pero nag-iwan siya ng puwang sa pagitan nila at doon inilapag ang mga dala. "P-pasensiya na, isa lang ang kuwarto nitong apartment e. D-dito na lang ako sa sofa, doon ka sa kuwarto. Pasensiya ka na rin, medyo magulo. H-hindi kasi ako nag-e-expect ng bisita."
"No worries, West. Ikaw naman ang pinunta ko rito, hindi ang ayos ng bahay mo."
Hindi maganda ang epekto ng mga titig ni Anne sa kanya kaya pasimple niyang tiningnan ang oras sa wall clock at medyo nagulat pa nang makitang malapit nang mag-alas-dose ng gabi. "Kailangan mo na palang magpahinga, maaga ka pa bukas."
"P'wede bang dito muna tayo?" sa halip ay sabi ni Anne. Tinanggal nito ang unan sa kanilang pagitan at inihilig ang ulo sa kanyang balikat. Sa simula ay nagulat siya pero masarap iyon sa pakiramdam. Araw-araw at gabi-gabi niyang pinapangarap ang ganoong eksena na kasama si Anne at ngayon ay nagkatotoo na.
"Na-miss mo ba ako?" pagkadaka'y tanong niya.
Humarap ito sa kanya at tinitigan siya nito sa mata, na sana ay hindi na lang nito ginawa. "I-I wouldn't be here tonight kung hindi kita na-miss nang sobra-sobra, West."
Napabuntung-hininga siya. "I love you." Hinawakan niya ang magkabila nitong pisngi. "Alam mo, sobrang saya ko ngayon." Ngayon na lang uli nakaharap ni West si Anne nang malapitan at ngayon lang niya muling napagtanto na napakasuwerte niyang lalaki. Sa dinami-rami ng lalaking may gusto kay Anne ay siya ang pinili nito. Ito na pinakamaganda at pinakamabait na nakilala niya – at siya ang mahal nito. Minsan, hindi niya maiwasang isipin na panaginip lang ang lahat at isang araw ay magigising na lang siya na wala na ang lahat. "H-huwag mo 'kong iiwan, ha?"
Dahan-dahang yumuko si Anne at muling humilig sa kanyang balikat. "B-bakit naman kita iiwan?"
"Naisip ko kasi..." simula niya. Hinalikan pa muna niya ang ulo nito bago akbayan. "...kung gaano ako ka-swerte sa'yo. Hanggang ngayon nga, pakiramdam ko, nananaginip pa rin ako e."
Kapwa na sila nakasandal sa sofa, kapwa nakaharap sa bintana at pinapanood mula roon ang pantay na pagpatak ng ulan.
"Biruin mo, isang Anne Natalie Claveria ang girlfriend ko? Sino ba naman ang mag-aakala na mai-in love ang pinakasikat at pinakamaganda sa campus sa isang iresponsable'ng tulad ko? Bakit ka nga ba nagti-tiyaga sa 'kin, Anne? Paano mo 'ko natatagalan?"
Wala siyang narinig mula rito pero sapat na ang pagsiksik nito at pagyakap sa kanya.
"Anne, tandaan mo ha kung gaano kita kamahal noon, ganoon pa rin ang nararamdaman ko sa'yo ngayon, at mas higit pa. Kaya huwag mo 'kong iiwan ha. Hindi ko alam mangyayari sa buhay ko kapag nawala ka."
Nang humarap ito sa kanya ay nagsimula na namang mangilid ang luha ni Anne at agad niyang pinunasan ang basa'ng pisngi nito. Nang tuluy-tuloy na ang pagpatak ng luha nito ay nagsimula na siyang mag-alala.
"O, bakit, m-may problema ba?" nag-aalala niyang tanong.
Umiling si Anne. "I love you so much, West. B-basta kahit ano'ng mangyari, mahal kita, okay?"
BINABASA MO ANG
When Anne Meets West Again (ebook under PHR)
Romance(RAW/UNEDITED) released in digital form by Precious Hearts Romances Bilang isang matagumpay na accessory designer sa bansa, wala nang mahihiling pa ang isang tulad ni Anne Natalie kundi ang makawala sa mga alaala ng isang lumang pag-ibig. At ngayon...