PILIT na idinilat ni West ang kanyang mga mata at kunut-nuo'ng tiningnan ang orasan doon sa dingding. Isinuot niya ang salamin para maaninag ng husto ang oras – alas diyes ng gabi. Hindi niya namalayang naidlip siya sa gitna ng pag-aaral ng mga records ng pasyente.
Muli niyang hinubad ang salamin at bahagyang hinilot ang sintido. Sampung oras na siya sa ospital, sampung oras na niyang pinipilit na sabihin sa sarili na kailangan na niyang tigilan ang pag-iisip ng kung anu-anong bagay na sa tingin niya ay wala namang halaga.
Ang araw na iyon ay tulad rin ng mga nagdaang mga araw para kay West – abala, masalimuot. Abala dahil sa trabaho sa ospital; masalimuot dahil sa ilan taon na rin niyang pagpupumilit na kalimutan ang nakaraan.
Kung pwede nga lang na maghapon at magdamag siyang magtrabaho sa ospital na iyon, gagawin niya. Dahil doon, marami siyang tao'ng nakakasalamuha. Abala siya sa lahat ng oras at walang panahon para isipin at alalahanin ang mga bagay-bagay sa nakaraan. Dahil alam niya'ng pag-uwi niya sa tinutuluyang apartment ay magbabalik na naman siya sa walang humpay na pag-iisip.
Simula nang bumalik siya sa Pilipinas halos isang taon pa lamang ang nakararaan ay pinilit niyang mabuhay ng normal tulad ng isang normal na nilalang. 'Yung kumakain sa oras, natutulog sa oras, lumalabas kasama ng mga kaibigan, 'yung maging masaya. Pero hindi iyon naging madali – oo, kumakain siya, natutulog, at lumalabas para maglibang pero hindi niya masasabing lubos siyang masaya.
Sinasabi na nga ba niya, hindi na dapat siya bumalik ng Pilipinas. Kung tutuusin, maganda naman ang trabaho niya sa Canada bilang nurse sa isang pribadong ospital. Kahit wala na ang ina ay naging kasundo naman niya ang asawa at anak nito at wala naman siyang maire-reklamo sa mga ito. Kung bakit pa nga ba siya nagdesisyong bumalik sa kanyang nakaraan sa halip na mabuhay ng marangya sa ibang bansa?
Malalim na ang gabi nang makauwi si West sa kanyang apartment. Naabutan niyang nakatulog si Cherrie sa sofa nang buksan niya ang pinto. Mula sa ilaw na nagmumula sa lampshade ay tanaw niya ang nakakalat na mga gamit ni Cherrie sa coffee table. Dahan-dahan niyang isinara muli ang pinto at nilapitan ang dalaga.
Napamahal na rin sa kanya si Cherrie kahit pa halos tatlong taon pa lang niya itong nakikilala. Mabait ito, maaalahanin, makulit at tulad niya, hopeless romantic. Noon.
Sa edad na beinte-uno, wala sa itsura nito ang pagiging modelo sa unang tingin, liban na lamang sa tangkad at sa balingkinitan nitong katawan. Pero kapag naayusan ito at lumakad, maaari itong ihalintulad sa mga sikat na supermodels ngayon.
Napaka-simple nito at napakamapag-kumbaba nito noong una niya itong nakilala. Certified nurse rin ito tulad niya at pareho sila ng ospital na pinapasukan kaya naman nagulat siya nang sabihin nito na matagal na nitong pangarap na maging isang sikat na modelo. Sinuportahan niya itong gawin ang gusto nito dahil alam niyang iyon lang ang makapagpapaligaya rito – ang pumunta sa iba't-ibang lugar at ang sumali sa mga modeling competitions at kahit labag sa kalooban, pinayagan na niya itong sumunod sa kanya sa Maynila.
At ngayon ay parang gusto niyang magsisi sa desisyong iyon dahil unti-unti, parang hindi na si Cherrie ang dating dalagang nakilala niya.
~~
"COME on in, they're here."
Bahagyang napailing si West. "P'wede bang next time na lang?" bulong niya. Oo nga't siya ang may ideya na dalhin siya ni Cherrie sa boutique na iyon pero ngayong mangyayari na ay parang gusto na lang niyang umuwi na lang.
Umiling ito at ngumiti. "What if wala nang next time? Sige na, please," sabi pa nito sabay papungay ng mga mata. "O, ayan na pala sila," bulong nito.
Napahigpit ang pagkakakapit niya sa braso ni Cherrie, na nagpangiti sa huli. Wala naman talaga siyang balak na pumunta roon at sunduin ang dalaga nang gabing iyon pero tinawagan siya nito dahil sa isang importanteng bagay – at kung alam lang niya na iyon pala ang dahilan, hindi na lang sana siya pumayag. Tuluyan na siyang walang nagawa nang hilahin na siya nito sa loob.
BINABASA MO ANG
When Anne Meets West Again (ebook under PHR)
Romance(RAW/UNEDITED) released in digital form by Precious Hearts Romances Bilang isang matagumpay na accessory designer sa bansa, wala nang mahihiling pa ang isang tulad ni Anne Natalie kundi ang makawala sa mga alaala ng isang lumang pag-ibig. At ngayon...