"BREAKFAST para sa aking prinsesa." Inilapag ni West ang hawak na tray sa ibabaw ng mesa. Toasted bread, pritong itlog, bacon, brewed coffee. Pinagmasdan lamang niya si Anne habang pilit nitong binubuksan ang mga mata. Napangiti ito nang makita siya at ang nakahaing almusal.
Tinitigan lamang niya ito. Hinding-hindi siya magsasawang tingnan ito at hindi na niya mahintay ang araw na ang maamo nitong mukha ang mabubungaran niya paggising niya tuwing umaga.
Mapungay ang mga mata nito, mamula-mula ang mga labi. Magulo ang mahaba nitong buhok pero hindi nito iyon alintana. Sabi nila, malalaman mo kung talagang maganda ang babae sa itsura nito paggising at ngayon, sigurado siyang si Anne na ang pinakamaganda sa lahat.
"W-what time is it?" mahinang tanong nito.
Hinalikan pa muna niya ito sa noo bago sumagot. "Eight o-clock," nakangiti niyang sabi. "Kumain na muna tayo bago kita ihatid pabalik ng Manila."
Hindi nito naituloy ang dapat sanang pag-higop sa umuusok na kape. Muli nitong ibinaba ang tasa sa mesa. "H-hindi naman kailangan, West. Kaya ko namang bumalik mag-isa."
Lumapit siya sa kasintahan at naupo sa tabi nito. Niyakap niya nito nang mahigpit na parang batang naglalambing. "Sigurado ka? P'wede naman akong tumawag sa opisina, p'wede akong mag-leave kahit hanggang bukas."
"Positive," sabi nito sabay higop ng mainit na kape. "I'll just take a shower then ituloy natin itong breakfast afterwards, okay?"
Tumango siya at muling napangiti nang gawaran siya nito ng isang marahang halik sa labi. Ah, ano nga ba ang nagawa niya at pinagpapala siya nang ganoon?
Pinanood lamang ni West si Anne palayo. Nahiga siya sa sofa, ginawang unan ang kanang kamay samantalang nakahawak ang kaliwa sa kanyang dibdib. Malaki ang ngiti sa kanyang mga labi dahil sa napakaraming bagay. Nananaginip ba siya? Dahil kung gayon, ayaw na niyang magising pa. Totoo bang kasama niya ngayon si Anne? Totoo bang hinalikan siya nito kagabi at muntik nang may mangyari sa kanilang dalawa? Kung p'wede lang sumigaw sa sobrang kaligayahan, kanina pa niya ginawa.
Napaupo siya nang may maramdaman siyang gumagalaw sa kanyang paanan. Naroon ang malaking itim na bag ni Anne at may umiilaw sa loob - cellphone nito iyon, sigurado siya. Wala sa personalidad niya ang makialam sa gamit nang may gamit pero hindi niya napigilan ang kuryosidad. Baka importante, naisip niya. Bahagya niyang iniangat ang bukas na bag at sinilip ang nagba-vibrate pa ring telepono. Nang maaninag ang pangalan kung kanino galing ang text message ay agad niya iyong kinuha at binasa ang kabuuan.
Where are you? Need to talk. Was able to take a 2-day leave for your New York flight tonight. See you later, take care. - Cesar
"West, I can't find my earrings, nilapag ko lang kagabi sa may sink but I'm not sure if..."
Mula sa cellphone ay nagtaas siya ng tingin. Nakapag-shower na si Anne, nakabihis na rin at maayos na ang buhok. Mula sa kinauupuan ay amoy na amoy niya ang pabango nito. Gusto niya itong lapitan, yakapin at halikan, at ituloy ang gusto nitong mangyari kagabi pero natabunan ng galit ang nararamdaman niya nang mga oras na iyon.
"Did you see my earrings?"
"Pupunta ka ng New York?" sa halip ay tanong niya.
Literal na napanganga si Anne nang mapansin nitong hawak niya ang cellphone nito. "W-West-"
Padabog na inilapag ni West ang cellphone nito sa sofa bago tumayo. "Aalis ka na mamayang gabi nang hindi mo sinasabi sa akin?" mahinahon ngunit matigas niyang tanong. Galit na galit siya pero hindi niya magawang saktan ang kasintahan.
BINABASA MO ANG
When Anne Meets West Again (ebook under PHR)
Romance(RAW/UNEDITED) released in digital form by Precious Hearts Romances Bilang isang matagumpay na accessory designer sa bansa, wala nang mahihiling pa ang isang tulad ni Anne Natalie kundi ang makawala sa mga alaala ng isang lumang pag-ibig. At ngayon...