NANG magising si Anne kinabukasan ay wala na si West. Ang nadatnan na lamang niya sa ibabaw ng coffee table ay ang orange juice, isang piraso ng saging at mga gamot. May kalakip pa itong maliit na papel na halatang pinilas lamang sa maliit na notebook...
Hindi na kita ginising para makapagpahinga ka nang maigi. Huwag mong kalimutang uminom ng gamot tuwing ika-apat na oras. Magpahinga ka, babalik na lang ako mamaya. - West
Hindi maiwasan ni Anne na paminsan-minsang mapangiti kahit pa natapos na siyang magbihis at maghanda sa pagpunta sa boutique. Bigla, parang gusto niya itong muling makita para kahit paano ay makapagpasalamat.
Pero naisip niyang kalabisan na iyon. Hindi dapat niya bigyan ng anupamang kulay ang ginawa nitong pag-aalaga sa kanya dahil katulad ng sinabi nito, bilang isang nurse ay katungkulan nito ang tumulong sa isang tao'ng may sakit. Noon pa man ay mabait at matulungin na si West at siguro, kahit sino ay tutulungan nito kung kinakailangan. She's not that special to him anymore, and she should keep that in mind.
"Good morning."
Muntik na niyang maisara ang kabubukas pa lamang niyang pinto nang makita kung sino ang bisita niya nang umagang iyon. He's in his usual white scrubs uniform and his usual straight face. Nanlaki ang mga mata niya at napahawak siya sa kanyang bibig.
Seryoso ito nang tingnan siya mula ulo hanggang paa. "Hindi ba dapat nagpapahinga ka ngayon? Saan ka pupunta?" nakakunot ang noo nitong tanong.
"I-ikaw, ano'ng ginagawa mo rito?" balik niyang tanong.
"Hindi ba sabi ko, babalik ako? Heto, dinalhan kita ng lugaw," sabi nito sabay taas ng dalang paper bag.
Gusto'ng magtatalon ang puso ni Anne sa narinig. Gusto niya itong sunggaban at yakapin nang mahigpit. Ito na ba ang karugtong ng naunsiyami nilang pag-iibigan? Ito na ba ang pinakahihintay niyang sandali kung saan hihingi ng tawad ang dating kasintahan at magpapahayag na ito ng pag-ibig na walang hanggan?
"Kumakain ka naman ng lugaw, hindi ba?" pagkadaka'y narinig niyang tanong nito.
Tumango siya at nilakihan ng awang ng pinto. Kasunod niyang pumasok si West at kasunod niya ito hanggang doon sa kusina. Ito pa mismo ang nag-ayos ng dining table para sa kanya na para bang sanay na sanay ito roon. Gustong itanong ni Anne kay West kung bakit nito ginagawa ang lahat ng iyon, kung bakit siya nito inaalagaan ng ganoon. Paraan ba nito iyon para makabawi sa kanya sa mga nagawa nito noon? Ipinilig niya ang ulo. Ano ba iyo'ng naiisip niya?
"Kailangan pa ba kitang bantayan para makasiguro na kakain ka?"
Nang ngitian siya nito ay hindi rin niya napigilan ang sarili na mapangiti. "N-no need. Kakain ako, promise."
Promise. That's what she always used to say to each other. Promise, they will love each other forever...promise, walang iwanan...promise. Napabuntung-hininga siya, hindi pa rin makapaniwala na nakatayo sa harap niya ngayon si West. Halos tatlong taon nang huli silang magkita, mga panahon na pilit niya itong nilimot. Pinagmasdan na lamang niya ito habang naghihiwa ng dala nitong hinog na mangga.
"Hey, thank you." Mahina iyon dahil parang bigla ay nawalan siya ng lakas lalo na't ganoon kalapit si West sa kanya dahil halos isang dangkal lamang ang pagitan nila. Tama nga yata ang binata, na dapat ay nagpapahinga pa siya ngayon.
He smiled the sweetest smile she had ever seen. Nakakapagpagaan sa pakiramdam ang mga ngiti nito at hindi niya alam kung ikatutuwa niya iyon o hindi. Maya-maya pa'y lumapit ito sa kanya at dinama nang marahan ang kanyang noo para malaman kung may lagnat pa siya.
Nang mga oras na iyon ay hindi niya napigilang titigan ang mga mata nito. Ngayon lang niya napagtanto na talaga nga palang mas gumandang lalaki si West. Kumikislap ang mga mata nito, na ngayon ay sa kanya lamang nakatingin. Sa mga oras na iyon, walang anupaman siyang maisip kundi si West, ang maamo nitong mukha, ang maningning nitong mga mata. Parang sasabog ang puso niya sa sobrang tuwa. Gusto niyang-
BINABASA MO ANG
When Anne Meets West Again (ebook under PHR)
Romance(RAW/UNEDITED) released in digital form by Precious Hearts Romances Bilang isang matagumpay na accessory designer sa bansa, wala nang mahihiling pa ang isang tulad ni Anne Natalie kundi ang makawala sa mga alaala ng isang lumang pag-ibig. At ngayon...