"TAGAYTAY," mahinang sagot ni Anne sa makailang ulit nang tanong ng matalik na kaibigang si Cess kung saan siya pupunta nang gabing iyon. Katatapos lamang ng kanilang meeting sa kanilang interior designer para sa finishing touches ng boutique. Isinara niya ang kanyang laptop at inilagay iyon sa itim na bag. Nang tumingin siya sa labas ng salaming bintana ng boutique, nakita niyang malapit nang lamunin ng dilim ang liwanag.
"Tagaytay?" muling tanong ni Cess. Hindi pa rin ito makapaniwala sa desisyon niyang umalis nang gabing iyon. Naroon si Cess, nakatayo malapit sa bintana, nakahalukipkip. Mas matangkad ito sa kanya ng dalawang pulgada, mas maputi.
Tulad ni Anne, magaling rin magdala ng sarili si Cess at bagay rito ang kahit na ano'ng suotin nito. Pareho silang mahilig magbihis kahit noong nasa high school pa lamang sila at ang pagkahilig nila sa mga damit at aksesorya at sa kung ano ang uso ang nag-udyok sa kanilang dalawa na simulan ang boutique na iyon pagkatapos nila ng kolehiyo – ang Tata's Closet of Accessories. Si Cess ang tumutulong sa kanya sa lahat ng bagay lalo na sa tuwing kailangan niyang pumunta sa New York o kung saan man – mula sa magma-manage ng pagpapagawa ng boutique hanggang sa pagpa-plano ng eclectic design. Utang lahat niya kay Cess at kung hindi dahil dito, hindi niya makakayanang mag-isa.
Kaibigan na niya si Cess simula noong first year high school at alam nito ang lahat nang tungkol sa kanya – mula sa kanyang mga kahinaan at lalo na sa mga bagay na nakapagpapa-baliw sa kanya, tulad ng pag-ibig niya kay West.
Ipinagpatuloy ni Anne ang pagliligpit ng gamit sa kanyang mesa. Kailangan niyang makauwi agad para muling makita si West.
"At ano'ng gagawin mo sa Tagaytay? Teka, may accessory design internship na ba doon?" taas-kilay nitong tanong. Naroon si Cess, nakahalukipkip, pinapanood siya sa kanyang ginagawa.
Bumuntung-hininga siya at tumingin sa kaibigan. Hindi siya tumugon dahil hindi na naman kailangan. Sinundan siya nito hanggang sa labas ng boutique at kasunod niya ito hanggang sa parking area kung saan nakaparada ang kanyang pula'ng kotse. Nakasukbit sa kanyang kanang balikat ang isang malaking itim na bag, dala ng kanyang kaliwang kamay ang isa pang malaking itim na shopping bag.
"Oh well, bakit pa nga ba ako tanong nang tanong, isang tao lang naman ang kilala kong dinarayo mo sa Tagaytay," anito.
Ngumiti lamang siya nang tingnan siya ni Cess - iyong tingin na ibinibigay nito sa kanya sa tuwing gumagawa siya ng bagay na hindi dapat. Hindi naituloy ni Anne ang pagbukas ng pinto ng kotse. Naging abala ang buhay niya nitong mga nakaraang taon, lalo na ngayon na sinusubukan niya ang kanyang s'werte bilang isang intern ng isa sa mga sikat na accessory designers sa New York.
Anne Natalie Claveria is rich, beautiful. At the age of 22, she literally has everything and she can have anything she could ever wanted, except one – ang makasama ang tanging lalaking minahal niya.
Iyon si West Ramirez. Nakatabi niya ito minsan sa isang classroom activity, bahagyang nakakuwentuhan at simula noon ay hindi na ito naalis sa kanyang isipan. That was many years ago, when they were in first year high school. West wasn't the popular type pero matalino ito at maabilidad. At kahit pa magkaiba ang estado nila sa buhay at kabaligtaran niya ito sa halos lahat ng bagay, hindi iyon naging hadlang para mahalin niya ito.
Pero pagkatapos ng kanilang high school graduation ay magkaiba na sila ng unibersidad na pinasukan. Si West sa isang nursing school, at siya, sa isang fashion institute. At kahit pa gustuhin nilang magkita nang madalas ay hindi nila magawa dahil mayroon siya noong driver at bodyguard. Simula noon ay napansin niya ang ilang pagbabago sa binata. Naging insecure ito at malungkutin at sa tuwing nakakausap niya ito sa telepono o kahit sa mga palitan nila ng e-mail ay wala itong ibang sinasabi kundi kung gaano ka-miserable ang buhay nito nang dahil sa sitwasyon nila.
BINABASA MO ANG
When Anne Meets West Again (ebook under PHR)
Romance(RAW/UNEDITED) released in digital form by Precious Hearts Romances Bilang isang matagumpay na accessory designer sa bansa, wala nang mahihiling pa ang isang tulad ni Anne Natalie kundi ang makawala sa mga alaala ng isang lumang pag-ibig. At ngayon...