Chapter 9

3.2K 49 10
                                    

PAGKATAPOS ng shift ni West sa ospital ay sinadya niya si Cherrie sa trabaho nito. Kasalukuyan itong kinukunan para sa isang men's magazine. Maraming tao sa pool area ng hotel na iyon, maraming ilaw, maraming damit, maraming camera at kung anu-ano pa. Ang tema ng photo shoot – summer. Kaya naman karamihan sa mga modelo roon ay walang ibang saplot sa katawan kundi bikini, kabilang na si Cherrie.

Kung mayroon lamang sanang libreng oras si Cherrie, kung may pagkakataon lamang sana siyang kausapin ito tulad noon, hinding-hindi siya pupunta roon. Pero ilang linggo na itong abala sa umuusbong nitong career. Dapat ay masaya siya para sa dalaga sa tagumpay nito pero hindi niya iyon maramdaman dahil sa nangyayari rito ngayon.

Nang tingnan niya si Cherrie ay kapansin-pansin ang pagbabago rito – mula sa pananamit, ayos ng buhok, ang mukha at kahit sa pagkilos. Minsan, kapansin-pansin rin ang pag-iba ng paraan ng pananalita nito.

"P-p'wede tayong mag-usap?" deretso niyang tanong. Tumango lang into habang nakaupo at inaayusan ng buhok ng isang maliit na lalaki. May isa pang babae sa tabi nito na abala naman sa pagme-make-up rito at sa malaking salamin na nasa harapan ni Cherrie lamang niya nakikita ang mukha nito. "P'wede bang 'yung tayo lang?"

"West, sorry, ha. Minamadali kasi itong photoshoot. Pero kung okay lang sa'yo na maghintay, p'wede ako sa break time. Sa coffee shop na lang doon sa ibaba tayo magkita, okay?"

Okay, dahil wala naman siyang magagawa. Hindi na nahintay pa ni Cherrie ang sagot niya at bigla siya nitong iniwan nang tawagin ng photographer na iyon. Ngayon, naisip ni West na sana ay hindi na lamang siya pumunta roon dahil parang hindi niya kayang makita ang dalaga sa ganoong ayos.

Hinubad ni Cherrie ang malaking bathrobe at tumambad ang halos hubad nitong katawan. Isang two-piece white bikini lamang ang suot nito at wala nang iba. May mga sinabi rito ang isang lalaki at isang mukhang babae, at pagkatapos ay nakangiti itong sumunod sa mga iyon. Kung ano ang mararamdaman niya nang mga oras na iyon ay hindi niya alam. Dapat ay proud siya pero kabaligtaran ang nararamdaman niya – nahihiya siya, hindi siya komportable para kay Cherrie. At lalo pa iyong nadagdagan nang may lumapit na isang lalaking modelo at nag-pose kasama nito. Masyadong malapit ang katawan ng lalaking iyon kay Cherrie para sa kanya, at nang ilapit pa nito ang mukha sa dalaga ay hindi na niya iyon natagalan. Umalis siya sa lugar na iyon nang hindi na nagpaalam kay Cherrie.

At nadagdagan pa ang iritasyon niya nang matanaw niya sa di kalayuan si Anne, na masayang nakikipag-usap kay Cesar, ang gobernador. Minsan, hindi na niya maiwasang magduda kung gobernardor nga ba talaga iyon dahil parang napakarami naman yata nitong libreng oras at parati iyong nakabuntot kay Anne na parang aso.

Aaminin niya na pagkatapos ng muli nilang pagkikita ni Anne at matapos niyang muling matikman ang matamis nitong mga labi ay hindi niya maiwasang muling maramdaman ang pag-ibig niya para rito at kahit paano'y nagkaroon siya ng lakas ng loob na subukang iparamdam muli ang pag-ibig niya rito. Plano na sana niya itong kausapin tungkol sa kanilang dalawa, hihingi siya ng tawad at magmamakaaawa ritong muli siyang mahalin pero nang makita niya ang gobernador, ang kaunting lakas ng loob niya ay biglang naglaho. Ano nga naman ba ang laban niya sa isang gobernador?

Halos dalawang oras rin siyang naghintay sa coffee shop, pangalawang order na niya ng kape at masakit na ang puwitan niya sa pagkakaupo. Pero kailangan niyang hintayin si Cherrie, kailangan niyang kausapin ito tungkol sa nangyayaring malaking pagbabago rito. Tatayo na sana uli siya para muling um-order ng isa pang tasa ng kape pero nakita niyang pababa na ng escalator si Cherrie. Maganda at halatang mamahalin ang suot nitong loose red blouse at maiksing white shorts. Mataas rin ang taking ng sapatos nito.

"So, what is this about?" tanong nito sabay upo sa harap niya. Maingay sa loob ng coffee shop na iyon at maraming dumaraan sa kanilang harap at likod kung saan sila nakapuwesto. Wala itong anupamang in-order dahil mayroon raw itong espesyal na diet na sinusunod. May kung ano itong kinuha sa loob ng bag at ilang sandal pa ay nagsindi ito ng sigarilyo at hinithit iyon.

"Kailan ka pa natutong manigarilyo?" matigas niyang tanong.

"West naman...nagpunta ka rito para itanong lang sa akin 'yan?"

"Tigilan mo 'yan, alam mong makakasama 'yan sa'yo 'yan, hindi ba?"

Narinig niya itong bumuntung-hininga at pagkatapos ay muling humithit ng sigarilyo. Ngayon lamang niya itong nakitang nanigarilyo sa tagal ng pagkakakilala nila pero parang buong buhay na nito iyong ginagawa. At naisip niya na marahil, pati iyon ay itinuturo na rin sa mga personality development courses at training na sinasabi ng kapatid.

"Ano ba ang nangyayari sa'yo?"

Isa pang hithit ng sigarilyo at inilagay na nito ang upos noon sa ash tray na nasa mesa at nagsindi pa ito ng isa pa. "West, ito ang pangarap ko, alam mo 'yan. Akala ko ba susuportahan mo ako sa kahit anong gusto kong gawin sa buhay ko? Bakit ngayon, parang pinipigilan mo ako?"

"Hindi kita pinipigilan, Cherrie. Ang gusto ko lang, maibalik 'yung dating ikaw. Ngayon, parati kang busy sa trabaho mo o sa mga parties kasama ng mga kaibigan mo, parati kang wala kang oras, hindi na kita ma-contact. At sa tuwing nati-tiyempuhan kita sa apartment mo, parati kang lasing. Nag-aalala na ako sa iyo, Cherrie. Alam mo namang responsibilidad kita, hindi ba?"

Inaasahan na ni West na ang kasunod niyon ay ang paghingi nito ng tawad pero hindi iyon dumating. Nakayuko lang ito, madalas ang pagtingin sa relong pambisig. "West, I'm old enough, okay? I can take care of myself."

"'Yan ba ang natututunan mo sa Anne na 'yon, ha, ang sirain ang buhay mo?"

Natawa ito. "Are you kidding me? Si Miss Anne ang dahilan kung bakit naabot ko ang mga pangarap ko. Siya ang tumulong sa akin simula pa lang."

'Tulong? Sa tingin mo ba tulong pa 'yang ginagawa niya sa'yo? Sinisira ka niya, Cherry.

"Come on, West. Bakit naman niya gagawin 'yon?"

"Dahil girlfriend kita...'yun ang pagkakaalam n'ya, hindi ba?"

Mula sa hawak na sigarilyo ay kunut-noo'ng napatingin sa kanya si Cherrie. "Ginagawa niya ang lahat, binabago ka niya para masira niya tayo. Gusto niyang maging katulad ka niya na ambisyosa para iwan mo rin ako tulad ng ginawa niya sa akin noon."

~~

When Anne Meets West Again (ebook under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon