Chapter 12

2.1K 45 5
                                    

"H-HI."

Agad na nilingon iyon ni West at nagulat pa siya nang makita si Anne na nakatayo sa pintuan. Kasalukuyan siyang may hinahanap na mga dokumento sa cabinet sa klinika ni Doc Oren at hindi niya inaasahan ang isang bisita na katulad ni Anne. Natigilan siya sa ginagawa at tiningnan lang ito.

Pagkatapos ng event noong isang gabi ay gusto niyang puntahan ang dalaga sa unit nito pero nalaman niya mula kay Doc Oren na naka-confine raw si Anne sa kanilang ospital. Kinailangan nitong dumaan sa ilan pang pagsusuri upang masigurado na maayos na ang lagay nito at wala nang iba pang epekto ang nangyari ritong aksidente noon.

Gusto man niya itong kausapin ay hindi siya maka-ipun-ipon ng lakas ng loob, lalo pa't hindi naging maganda ang naging eksena sa pagitan nila ng gobernador. Kaya naman nagkasya na lamang siya sa paminsan-minsang pagsilip sa kuwarto nito sa loob ng dalawang araw na naroon ito sa ospital at manalangin na sana ay maging maganda ang resulta ng mga pagsusuri rito.

Handa siyang magmakaawa kay Anne, handa siyang gawin ang lahat para balikan siya nitong muli pero sa tuwing naiisip niya ang tungkol kay Gov. Cesar dela Vega ay tumitiklop ang buntot niya.

Hinubad ni Anne ang suot nitong mamahaling sunglasses na lalo lamang nagpalakas ng tibok ng kanyang puso. Napakaganda nito na nakatayo lamang sa kanyang harapan. Halos hindi siya makatulog nitong mga nakaraang gabi dahil sa kaiisip ng kung anu-ano tungkol kay Anne, tungkol sa mga nangyari sa kanilang dalawa at kung ano na ang mga maaaring mangyayari. Marami siyang gustong itanong rito pero ngayon, parang nawala na ang lahat ng mga iyon. Isang tingin lamang mula rito ay nawawala na siya sa sarili.

"K-kumusta ka na? K-kumusta ang resulta ng mga tests mo?" Iyon ang unang lumabas sa kanyang bibig kahit pa iba ang nais sabihin ng puso niya.

"O-okay naman. Kailangan na lang raw ng regular medication for my headaches."

Tumangu-tango siya at lihim na nagpasalamat sa Diyos. "M-may kailangan ka ba kay Doc Oren? L-lumabas lang siya sandali," sabi pa niya.

"I-ikaw talaga ang gusto kong makausap, W-West."

Nginitian lamang niya ito dahil iyon lang naman ang kaya niyang gawin sa mga oras na iyon. Ibinalik niya ang mga folders sa dati nitong lalagyan at humarap kay Anne. Bagay na bagay rito ang suot na black overalls na may white tank top. Nakalugay ang mahaba at malambot nitong buhok at bigla, parang gusto niya itong lapitan at haplusin iyon.

"West, I owe you an apology." Yumuko ito bago nagpatuloy. "M-mali 'yung mga itinuro ko kay Cherrie. Kasalanan ko kung bakit siya nagkagano'n...sana mapatawad mo pa 'ko. I'm willing to do anything para makabawi sa lahat. I'll talk to her...kung kailangan kong magmakaawa sa kanya para lang-"

"Hindi na kailangan, Anne," simple niyang sabi. Hindi niya napigilan ang sariling mapangiti. "Noon pa man, mataas na talaga ang pangarap ni Cherry at ang pagmo-modelo ang buhay niya."

"I-I want to undo everything but I don't know how..."

Bahagyang umiling si West dahil naiintindihan niya ang ibig nitong sabihin. Na ito ang naging dahilan ng malaking pagbabago ni Cherrie. "Don't worry. Pinagsabihan ko na siya at kapag hindi niya itinigil ang mga bisyo niya at kapag hindi siya bumalik sa dati, ako mismo ang maghahatid sa kanya pabalik ng Canada at habang-buhay na siya roon."

"I'm sorry..."

Nanatili lamang itong nakatingin sa kanya at kung wala lang sigurong dapat isaalang-alang, malamang ay nasa labi na nito ang mga labi niya. Lumapit siya rito, at pagkatapos ay ngumiti – 'yung ngiting makahulugan na madalas niyang gawin sa tuwing gusto niyang biruin si Anne. "Tatanggapin ko ang sorry mo kung sasabihin mo sa akin na...mahal mo pa rin ako."

"W-West!" pagulat na sabi ni Anne. Agad nitong isinuot ang salamin sa mata kaya hindi niya nakita ang mga mata nito. "Alam naman nating hindi na p'wede. Paano si-"

"S-si Governor?" kunut-noo niyang tanong.

"Si...Cherrie. Paano si Cherrie?"

Napangiti siya at mas lalong lumapit sa dalaga. Nang tingnan niya ang mga mata nito ay nagtalo ang isip niya kung itutuloy ba niya ang pagsasalita o hahalikan na lamang niya ang mga labi nito. Nang subukan niyang hawakan ang mga kamay nito ay agad itong umiwas, pero hinuli niyang muli ang magkabila nitong kamay, na nagpagulat rito.

"West, a-ayokong magkahiwalay kayo ni Cherrie dahil sa akin."

Natawa siya at umiling. "Hindi namin kailangang maghiwalay, Anne.

"H-huh? Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Dahil hindi naman naging kami." Hinaplos niya ang pisngi nito, na kanina pa niya gustong gawin habang nakatingin lang ito sa kanya na tila hindi siya nito naiintindihan. "S-sorry, Anne...a-ang totoo kasi, pinlano namin ni Cherrie na ilihim sa lahat na...magkapatid kami. A-anak siya ni Nanay sa Canadian na inalagaan niya noon."

Literal na napanganga si Anne.

Inilahad ni West sa dating kasintahan ang lahat, simula sa kanilang paghihiwalay tatlong taon na ang nakararaan. Sinabi niya noon sa kanyang sarili na may kailangan siyang gawin, na dapat may mapatunayan siya kay Anne at sa kanyang sarili kaya kinain niya ang kanyang pride at kinontak niya ang Nanay niya sa Canada. Simula noon ay madalas na niyang maka-chat si Cherrie online. Madalas out-of-the-country si Cherrie dahil na rin sa mga modeling gigs nito kaya parating walang kasama ang kanyang ina, na nagkataong may sakit na kaya pinapunta siya sa Canada at doon na niya ipinagpatuloy ang Nursing habang inaalagaaan ang mahina nang ina. Nang makatapos siya sa kolehiyo ay panahon rin nang pumanaw ang Nanay niya at noon lamang niya nakita nang personal si Cherrie.

"'Yung sinabi ni Cherrie sa'yo na destiny na nagkakilala kami, totoo 'yon. Dahil nang magsimula ako sa St. Peters, madalas ko na siyang makasabay sa shift. Alam namin ang mga pangalan ng isa't-isa, pero hindi namin alam na magkapatid pala kami. Intern pa lang ako no'n, siya, junior nurse sa Pediatrics Department."

"Bakit hindi mo sinabi agad sa akin?" kunut-noo'ng tanong ni Anne,

"S-sorry. Noong nagkita tayo uli, noong nahalikan kita uli, akala ko may pag-asa na magkabalikan tayo kaya no'ng biglang dumating si Governor sa unit mo, sobrang nagalit ako...sinabi ko sa sarili ko na hindi ako basta-basta susuko dahil alam ko, naramdaman ko sa mga halik mo na ako pa rin ang mahal mo. Nagkataon na kadarating lang ni Cherrie mula Canada, at nalaman ko na magkakilala kayo, kaya ginamit ko 'yung oportunidad para pagselosin ka, para mapaamin ka na ako ang mahal mo at hindi si Governor."

Napangiti si Anne pero wala siyang anupamang narinig mula rito. Agad lamang siya nitong niyakap ng mahigpit, na tinugunan naman niya ng mas mahigpit pang yakap. At dahil doon, nakasigurado siyang mahal pa rin siya nito. Hindi niya mapigilan ang sariling bigyan ito ng halik sa pisngi pero bago pa man niya iyon nagawa ay mabilis na lumapat ang mga labi nito sa labi niya. Tinanggap ni West ang mga halik ni Anne nang buong puso. Ramdam niya ang init ng bawat dampi ng mga labi nito at hindi niya maaaring itanggi na mahal pa rin niya ito hanggang ngayon.

Muntik na nilang malimutan na naroon sila sa ospital nang mga oras na iyon. Unti-unting naging marahan ang paghalik niya sa dalaga, labag man iyon sa kanyang kalooban.

"Mahal kita, Anne." At muli niya itong niyakap nang mahigpit. Hinalikan niya ito sa noo, sa pisngi, at muli, isang maiksing halik sa labi. "Sorry sa lahat. Sorry kung nasakal ka sa relationship natin noon, sa pagiging demanding at controlling ko. Wala e, pakiramdam ko kasi noon ikaw lang ang meron ako at kapag nawala ka pa, ikamamatay ko. Sorry rin kung masyado akong kinain ng insecurities ko noon. Sinubukan ko naman talagang hindi magselos, pero pagdating talaga doon sa governor, hindi ko mapigilan, e."

Bahagya itong sumimangot pero agad ring ngumiti. "Kaibigan ko lang talaga si Cesar."

"H-hindi mo siya naging boyfriend?" taka niyang tanong. Kailangan niyang pigilan ang puso'ng tumalon mula sa kanyang dibdib.

"Ikaw lang ang naging boyfriend ko, West. At ikaw pa rin hanggang ngayon."

Mas lumiwanag ang mukha ni West dahil sa narinig. "Hanggang ngayon? Ibig sabihin-"

Hinalikan siya ni Anne sa mga labi bilang tugon at para kay West, ang halik na iyon ang simula ng napakarami pang halik na kanilang pagsasaluhan habang-buhay.

~~

When Anne Meets West Again (ebook under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon