PASIMPLENG sinulyapan ni Mutya ang dibdib ng kaharap. "Ahm... sure ka na thirty-two B, ha? Baka mamaya papalitan mo na naman ng size. Ang tanda ko talaga thirty-two A 'yung inorder mo dati."
Inirapan naman siya ni Teresita, kasama niya sa trabaho at inaalok niya na umorder sa kanya ng Avon. Nasa may karinderya sila sa likod ng St. Roch's Medical Center, ang pinakamalaking ospital sa bayan ng Puerto Princesa. Magkasabay sila ng lunch break, at nagyaya itong kumain sa Jolli-jeep, ang tawag nila sa karinderya na katabi ng terminal ng mga jeepney. Habang naglalakad sila papunta roon ay abala ito sa pagtingin ng brochure ng Avon.
Kakasuweldo lang nila kahapon kaya kinuha na niya ang pagkakataon na alukin itong umorder sa kanya. Kaya kahit na may baon siyang kanin at daing ay sumama siya rito at humingi na lamang siya sabaw mula sa tindera.
Iniabot naman sa kanya ni Teresita ang tasa ng sabaw na hiningi niya. "Basta, thirty-two B niyang push-up bra. Maganda ba talaga 'yang printed na pink at itim?" Nakakunoot ang noo nitong tanong. Magkabila silang naupo sa mahabang bangko, sa gitna nila ay plastik na mesa na kulay berde.
"Oo. Mabenta 'yan. Uso kasi ang kulay. Kaya nga pinapasiguro ko sa'yo yung size, baka kasi maubusan ka ng stock kapag nagpapalit ka." Binuksan na rin niya ang baunan at sinabawan ang kanin niya. "Kunin mo na yung katernong panty. Isandaan na lang dahil kumuha ka nung bra, kaya 50% off."
Umiling naman si Teresita. "Isang kahon pa 'yung Veronica's Secret na mga panty ko."
"Mas seksi kapag magkaterno. Parang uniform 'yan. Kapag saliwa, masagwa," aniya sa pagitan ng pagnguya. "Matutuwa si Redentor mo, sinisigurado ko sa 'yo."
"Ano namang alam mo, 'Neng? Sa edad mong 'yan ni hindi ka pa nakakapag-lips-to-lips, 'no."
"'Wag mo nang ipagngalandakan," saway niya rito "Eh sa bawal eh. Bakit ba. Gusto ko ng lips-to-lips kapag mag-asawa na kami nung mahal ko. Ano'ng masama do'n?"
"Ang masama do'n, nakaka-tatlo ka ng boypren, lahat sila iniwan ka at naghanap na ng ibang babae."
"Sila ang may problema, hindi ako. Nanliligaw pa lang sila, alam na nila ang patakaran. Eh kaso, ang mga damuho, umaasa palang mae-engganyo akong makipaglaplapan sa kanila. Mga neknek nila. Eh 'di adios!"
--
IBINABA ni Mutya ang bag sa kawayang sofa. Sinalubong siya ng kaniyang Lola Andeng. Kinuha niya ang kanang kamay ng matanda at nagmano.
Isang ikot lamang ng paningin niya sa kabuuan ng bahay ay alam na niyang hindi pa umuuwi ang nakababatang kapatid. Wala pa kasing nakakalat na mga gamit at damit. "Si Bikoy, 'La?"
"Hesus ko, apo! Sumama sa anak ni Lilia't paroroon daw sa bayan. Manonood daw sila ng libreng konsert. Hinayaan ko na. Binilinan ko na lang na agahan ang pag-uwi."
Napahawak siya sa kanyang pisngi. Mukhang masama talagang impluwensya sa kapatid niya ang panganay na anak ni Aling Lilia. Imbis na inaasikaso nito ang pag-aaral ay hayun at manonood ng rock concert sa bayan. Pa'no kung magkagulo roon?
"Ba't n'yo naman pinayagan, 'La? Kuu. Babatukan ko nga 'yon ng buong giliw pag-uwi," aniya habang naglalakad papuntang kusina. Iniangat niya ang takip ng kaldero. Mayroon pa silang natitirang pinangat na tulingan. May ulam pa sila ngayong gabi.
"Malaki na 'yong kapatid mo, Mutya. Tuli na nga, eh."
Nagsandok na siya ng kanin sa pinggan at kinuha ang apat na pirasong tulingan. Dalawang plato na lamang ang inilagay niya sa mesa. "Naku, 'La. Paano n'yo naman maaasahan yung si Bikoy na alagaan ang sarili niya? Kung hindi siya nakagat ng baliw na aso, lamok na alagad ng dengue naman ang kumagat sa kanya. Ano kayang susunod na kakagat sa kapatid kong 'yon? Manananggal? Nakupo naman."
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nababayaran ang mga utang nila dahil sa halos magkasunod na pagkakasakit ni Bikoy. Sampung injection ang kinailangang iturok dito ng makagat ng asong may rabies. Wala pang isang buwan ang nakakalipas ay na-dengue naman ito at kinailangang salinan ng ilang bag ng dugo. Ilang araw din ang inilagi nito sa Ospital ng Puerto Princesa. Kahit na humingi pa sila ng tulong sa mayor, mga konsehal, at sa PCSO, naubos pa rin ang lahat ng naipon nila. Naibenta rin ng wala sa panahon ang mga alagang baboy ng lola niya.
Sa ngayon ay lilimang manok ang nasa loob ng kulungan nito ng baboy hanggang sa hindi pa sila nakaka-ipon muli pambili ng biik.
Napapalatak ang lola niya. "Apo, may dahilan kung bakit ang lahat ng iyon ay kailangang pagdaanan ni Bikoy. Pinatatatag lamang siya ng tadhana. Ikaw, pinatatatag ka lamang din ng tadhana."
Ngumiti siya. "Naku, 'La. Bakit naman parang paborito yata tayong patatagin ng tadhana? May tawag daw d'yan sa Ingles 'La, 'favoritism'." Magkapanabay silang naupo ni Lola Andeng sa hapag-kainan para maghapunan.
"Hesus ko! Que ano pa 'yang peborit-peborit na iyan, ito ang tandaan mo, apo. Iyang pagkain natin ng tatlong beses isang araw, mayroon tayong masisilungan, at wala tayong karamdaman, biyaya na iyan na dapat nating ipagpasalamat sa Maykapal."
Tumango siya bago sumubo ng pagkain. Kahit naman madalas ay kinakapos sila sa pera, busog naman sila sa pangaral ng Lola Andeng nila. At kahit na iniwan na silang magkapatid ng mga magulang nila, buong pagmamahal naman silang inaruga ng nanay ng tatay nila.
Dose anyos siya ng pumanaw ang tatay nila sa sakit na TB. Ang nanay naman nila, sa kagustuhang maahon sila sa hirap ay pumuntang Hongkong para maging isang domestic helper. Noong unang dalawang taon ay nakakapagpadala pa ito sa kanila ng pera, kaya naman napaayos nila ang bahay na dating gawa sa kawayan, nakabili ng mga alagaing baboy ang Lola Andeng nila, at nadoble ang baon nilang dalawa ni Bikoy sa school.
Ngunit sa kasamaang palad, nasawi ang nanay nila sa isang aksidente sa kalsada kasama ang mga amo nito. Nabangga ang kotseng sinasakyan ng mga ito sa isang trak na puno ng mga motorsiklo at scooter. Naiuwi naman sa Pilipinas ang labi ng nanay nila, at magkatabi ang huling hantungan nito at ng tatay nila. Tuwing may pagkakataon ay dinadalaw niya ang puntod ng mga magulang niya.
"'La, napanood n'yo ba yung Wowowin kanina? May nanalo daw ng house and lot, ah." Pag-iiba niya ng usapan.
Kumislap naman ang mata ng matanda pagkarinig ng paborito nitong palabas sa telebisyon. "Ay, oo. Kagaling nga, eh. Ay, basta ako, makapanood lang ako nang personal ng Wowowee eh para na akong nanalo ng bahay at lupa."
Tumawa siya. "'Yaan n'yo, 'La. Balang araw, matutupad din 'yang pangarap n'yong 'yan. Makakapunta kayo ng Wowowin—"
Ito na ang nagpatuloy ng dapat ay ililitanya niya. "—Mararating ko na iyong bantayog ni Rizal, iyong Intramuros, at iyong pinagdausan ng mapayapang rebolusyon sa EDSA." Ngiting-ngiti ito, nakalabas pa ang mangilan-ngilang ngipin dahil hinubad nito ang suot na pustiso.
"Oo, 'La. Pasasaan ba't makakarating din kayo ng Maynila. Pangako 'yan." Kinindatan pa niya ito bago muling sumubo ng kanin at maliit na piraso ng isda.
BINABASA MO ANG
The Knight of My Life (COMPLETED)
RomanceIsang simpleng elevator operator si Mutya Atregenio na nakatanggap ng kakaibang offer mula sa Amerikanong si Keith Grisham. Mas lalong gumulo ang mundo niya nang maging ka-close ang may-ari ng Palazzo Arrastia na si Cynthia Arrastia. Ipinag-novena b...