MAG-IISANG taon na si Mutya bilang operator ng elevator sa St. Roch's Medical Center. Kulang-kulang dalawang linggo na lamang ang hihintayin niya at sasabihin na sa kanya kung pipirma siya ulit ng panibagong kontrata, at naka-depende rin iyon kung irerekomenda siya ng supervisor niya. Sana naman. Ni minsan ay hindi pa siya umabsent o na-late; kahit noong maysakit si Bikoy ay pumapasok siya kahit wala pa siyang tulog dahil sa pagbabantay sa kapatid. Mabuti na lamang at hindi rin siya natural na sakitin. Nakatulong rin siguro iyong bakuna na ibinigay sa kanya noong magsimula siya roon, kaya kahit nakikihalubilo siya sa mga may sakit ay nananatiling malakas ang resistensiya niya.
Tatlumpung minuto bago mag-alas siyete ay nakapag-time-in na siya at naghihintay na lamang ng oras ng out ng karelyebo niya. Sinasadya niyang pumasok lagi ng maaga para makapagbasa-basa siya ng dyaryo sa employee lounge ng mga taga-facilities and maintenance. Isa lamang iyong maliit na kuwarto kanugnog ng kwarto ng supplies. At kahit pawang mga upuan at mesang plastik lamang ang naroroon, na kabaliktaran ng lounge ng admin at medical staff na pawang malalambot na sofa ang mga upuan at mayroon pang TV, ay tumatambay siya roon para magbasa ng dyaryo, broadsheet man o tabloid.
Kahit naman high school lang ang natapos niya, hindi naman ibig sabihin noon na ayaw na niyang pagyamanin ang kaalaman niya. Nung una ay may ilang nang-aalaska sa kanya dahil nagsasayang lang daw siya ng oras niya sa pagbabasa ng mga balita at opinyon ng mga nagdudunung-dunungan tungkol sa gobyerno, showbiz at sosyedad sa Pilipinas. Ngunit dahil hindi siya natinag at sa halip ay ginagantihan na lamang ng ngiti ang mga komento ng mga ito, ay nasanay na rin ang mga ito sa nakagawian niya bago magsimula ang shift niya.
Ilang minuto bago magsimula ang shift niya ay pumunta na siya sa may central wing kung saan siya naka-assign. Tatlo ang elevator sa siyam na palapag na ospital. Siya, si Teresita, at si Mando ang mga operator.
Bumaba siya gamit ang hagdan at sa basement na niya inabangan ang elevator. Nakasabay pa niyang maghintay doon ang dalawa sa mga nurse ng ospital.
"Good morning," nakangiting bati niya sa mga ito.
"'Morning, Mutya. Makakasama ba kayo sa Golden anniversary party? Sa makalawa na 'yon sa may Palazzo Arrastia," tanong sa kanya ng isa.
Tumango siya. May nakapagsabi na nga sa kanya na sa sikat na hotel na iyon sa bayan gaganapin ang party. "Oo, kasama raw kahit kaming mga contractual. Ang babait talaga ng mga big boss nitong ospital. Kaso, kawawa naman iyong mga hindi makakasama dahil may shift, no?"
Nagkibit-balikat ito. "Ganun talaga. Hindi naman puwedeng mawalan ng tao dito sa ospital, s'yempre."
"Meron naman daw silang special loot bag," singit naman ng isa.
Nang bumukas na ang elevator ay pinauna niya ang mga itong pumasok. Pinindot na niya agad ang buton na may letter 'G'para umakyat ang elevator sa ground floor.
"Third floor ako, Mutya."
"Fifth ako."
Pinindot nama niya ang mga buton para sa mga nasabing palapag.
Nang makabalik na ang elevator sa basement ay bahagya siyang napatda ng pagbukas ng pinto ng elevator ay isang Amerikano ang nabungaran niya. At hindi lang basta Amerikano, isang matangkad at guwapong Amerikano. Parang iyong mga napapanood niya sa pelikula na blonde ang buhok, blue ang mga mata, at nagliligtas ng sangkatauhan mula sa babagsak na asteroid o kaya kay Godzilla.
Tumutok sa kanya ang asul na mga mata nito. "Wow. Good morning, beautiful."
Kinailangan niyang tumingala ng ngumiti siya rito at bahagya pa siyang nautal ng magpasalamat rito at binati rin ito ng 'good morning'. Itinanong niya ang destinasyon nito.
"Ninth please," sagot nito. "Can I get your name, beautiful?"
Iniharap niya rito ang name plate. "Mutya, sir."
"What?"
"Mut-ya, sir."
Kumunot ang noo nito. "Your name is Moo-chah?"
Napatawa siya. Puwede na rin. "Yes, sir." Bumukas na ang pinto ng elevator sa ground floor.
Isang grupo ng mga dalaga at isang yaya na may tulak-tulak na wheel chair kung saan nakasakay ang isang batang lalaking naka-face mask ang nag-aabang na sumakay ng elevator. Lahat ng mga ito ay napatingin sa Amerikanong nakasakay ng elevator. Impit na nagtilian ang apat na babae at nagtutulakan pa para mapatabi sa Amerikano.
Hindi siya sinagot ng mga ito ng tanungin niya kung saan ang mga ito bababa, habang ang yaya naman ng bata ay nagsabing sa eight floor ang kanilang destinasyon. Pangiti-ngiti lamang ang Amerikano sa mga dalaga na panay ang tanong rito ng pangalan nito, kung taga-saan ito, ilang taon na, at kung anong ginagawa nito sa Puerto Princesa. Nalaman niya tuloy sa mga ito na Keith Grisham ang pangalan nito, treinta anyos, taga-California at naroroon sa Puerto Princesa para magbakasyon. Dadalawin din nito si Dr. Cabrera na naging kaibigan nito ng mag-aral ng medisina sa bansa nila ang nasabing doktor.
Kaya na niyang palagpasin ang kaguluhan at kaingayan ng mga babae, ngunit nang nasiko na ng isa sa mga ito ang batang nasa wheelchair dahil sa kagustuhan nitong magpakuha ng picture kasama ang Amerikano gamit ang telepono nitong may kamera ay nagsalita na siya. Hindi kasi pumalag ang yaya ng bata, tiningnan lang nito ng masama ang sumanggi sa ulo ng alaga nito.
"Ma'am, excuse me lang ho. Ipapaalala ko lang na nasa elevator ho kayo ng ospital, may mga nakakabay ho kayong maysakit," aniya na tiningnan pa ang bata sa wheelchair. "Nasiko n'yo na yung bata ng hindi n'yo napapansin."
Sabay-sabay na nagsipag-taasan ang mga kilay ng mga babae. Tiningnan siya ng mga ito mula ulo hanggang paa.
"Elevator girl ka lang 'te, 'wag kang epal," sabi sa kanya ng isa.
"Ireklamo natin sa management. Nagre-reyna-reynahan," sabat ng katabi nito.
Tumawa naman ng may pang-uuyam ang pinakamatangkad sa apat. "Talagang magpi-feeling reyna 'yan. Eh itong elevator ang kaharian niya, eh." Sabay-sabay na naghagalpakan ng tawa ang mga ito.
Sasagot na sana siya ngunit nauna na ang pagtikhim ng Amerikanong si Keith bago ito nagsalita. "Girls, it seems to me that you're not bein' nice. C'mon, she's just doin' her job."
Sumagot ang pinakamatangkad sa mga ito. "But she's—she's pakialamera. Whatever. Let's not mind her. She's nothing. Can you go with us to dinner?"
Pinili na lamang niyang huwag pansinin ang mga babae. Hindi niya hahayaang ang mga ito ang sumira sa malinis niyang record pagdating sa customer service. Kailangan niyang ma-regular sa kanyang trabaho.
Nakarating na sila sa eight floor at bumaba na ang yaya at ang alaga nitong naka-wheelchair.
Nang dumating sila sa ninth floor ay sumabay sa pagbaba ni Keith ang apat na babae na panay pa rin ang pa-cute dito.
"Bye, Moocha," ani Keith na kumaway pa sa kanya.
Ngumiti siya rito. Panay irap naman ang nakuha niya mula sa mga mga babaeng nakabuntot dito.
Napabuntunghininga na lamang siya ng sumara na sa wakas ang elevator at nawala na sa paningin niya ang mga ito.
BINABASA MO ANG
The Knight of My Life (COMPLETED)
RomanceIsang simpleng elevator operator si Mutya Atregenio na nakatanggap ng kakaibang offer mula sa Amerikanong si Keith Grisham. Mas lalong gumulo ang mundo niya nang maging ka-close ang may-ari ng Palazzo Arrastia na si Cynthia Arrastia. Ipinag-novena b...