"ATE, 'di ba sabi mo matatanggal ka na sa trabaho? Bakit may pera ka pa pambili ng mga biik ni Lola Andeng? 'Tsaka bakit nakakapag-ulam na tayo ngayon ng manok 'tsaka baboy?"
Itinigil niya saglit ang pagliligpit ng plato at nilingon niya si Bikoy na nasa harap ng TV. "Bakit parang imbes na magpasalamat ka at matuwa eh ganyan ang reaksyon mo? Gusto mo ba ulit na araw-araw, isda ang ulam natin?"
"Sabi kasi nina Wendell..."
Tuluyan na siyang humarap rito at namewang. "Bakit? Ano'ng sabi ng anak ni Aling Lilia?" Batikang tsismosa ang matandang babae sa lugar nila.
"Sustentado ka daw nung lalaking naka-kotse na mukhang mayaman na naghatid sa 'yo nung isang gabi. Sabi pa nila, buntis ka daw. Buntis ka nga ba, ate?"
Naramdaman niya ang pag-akyat ng litro-litrong dugo sa ulo niya. Napatungo siya sa kanyang impis na tiyan. Gusto niyang mag-amok at habulin ng taga ang mga tsismosang walang magawa sa mga buhay nila. Huminga siya ng malalim bago sinagot ang kapatid. "Hindi ako buntis. At wala kaming relasyon ni Sir Raniel. Mabait lang sa 'kin iyong nanay niya. Siguro dahil walang babaeng anak kaya magaan ang loob sa 'kin." Iyon lamang ang naisip niyang dahilan kaya natutuwa sa kanya si Doña Cynthia. "Huwag mong pansinin iyong mga makakating dila nating kapitbahay. Mga inggitera lang ang mga 'yan."
"Sino'ng mga inggitera?" ani Lola Andeng niya na pumasok galing sa likod ng bahay. Pinainom nito ng tubig ang mga alaga nitong biik na nagsisipag-ingitan kanina.
"'Yung mga kapitbahay ho nating tsismosa." Sigurado siyang nakarating na iyon sa Lola Andeng niya, ngunit hindi lamang nito sinasabi sa kanya dahil ayaw nitong mag-alala siya.
"Hayaan mo na sila. Binabato talaga ang mga punong hitik sa bunga," sagot na lamang nito.
"Tama ka d'yan, 'La." Pagsang-ayon naman niya. "Kaya Bikoy, iyong mga kaibigan mo, sabihin mo huwag masyadong tsismoso, wala kamong nararating sa buhay ang mga taong pinag-uusapan ang buhay ng ibang tao. Sabi nga nung kinabisado kong text message, 'Great minds discuss ideas, average minds discuss events, and small minds discuss people'. Sabihin mo sa kanila 'yan."
"Masyadong mahaba, ate. 'Tsaka English, mahirap i-memorize. I-translate mo nga sa Tagalog."
"Ha? Mahirap 'yan. Dito na lang kay Lola, ipa-translate natin sa Español." Inginuso niya si Lola Andeng.
"Tigilan n'yo nga akong magkapatid," ang sagot nito sa kanila bago ito naglakad patungo sa silid. Nagkatawanan na lamang sila ni Bikoy. Hinarap na niyang muli ang mga hugasin.
Nang matapos niyang ligpitin ang plato ay siya namang pag-"Tao po," ng isang pamilyar na tinig. Napahigit siya ng hininga. Alam niyang boses iyon ni Raniel. "Bikoy, yung pinto," utos niya sa kapatid. Mabilis niyang inayos ang pagkakapusod ng buhok niya at sinulyapan niya ang sarili sa salamin sa may tokador nila.
Hindi siya nagkamali, si Raniel nga ang bisita nila. Bahagya siyang napatda ng pumasok ito ng bahay nila. Una ay dahil nakaramdam siya sa panliliit dahil sa presensiya nito. Parang hindi ito bagay sa bahay nila. Pangalawa, ngayon lang niya ito nakitang naka-simpleng t-shirt, shorts at rubbershoes. Pero kahit ganoon ka-simple ang suot nito, mukha pa rin itong mayaman. Kahit pa yata ang isuot nitong damit ay de-color na natuluan ng Zonrox at butas ang kili-kili, magmumukha pa rin itong mayaman.
"I came from a basketball game," anito na animo nababasa ang tumatakbo sa isip niya.
Natauhan naman siya. "Ah, upo ho kayo." inilahad niya ang kamay sa direksyon ng kawayang sofa nila. "Gusto n'yo ho ng tubig, kape o juice?" mabuti na lamang at medyo asensado na sila ngayon at nakakabili na sila ng Tang na powdered juice, may dagdag na siyang maiaalok sa bisita.
"No need, saglit lang naman ako. You had your last day in St. Roch's today, right? I just dropped by to tell you that you'll be starting your training in Palazzo Arrastia tomorrow, eight o'clock AM, sharp."
Napanganga siya. Sa sagutang nangyari dito at sa Mama nito noong isang gabi, hindi na niya inaasahang mabibigyan pa siya ng trabaho sa hotel. Ang naging ending kasi ng usapan ng gabing iyon ay pag-uusapan daw nilang mag-anak ang magiging desisyon sa kaso niya. Wala kasing agad na kinampihan si Don Ramoncito Arrastia kay Doña Cynthia at Raniel.
"And I was also asked to give you this." Iniabot nito sa kanya ang isang paper bag.
Takang inabot naman niya iyon. Nang silipin niya ang laman ng bag ay isang kahon ng Nokia cellphone ang nakita niya. "Ano hong gagawin ko dito?"
"Iluto mo. Gawin mong afritadang cellphone," sarkastikong sabi nito. Bumuntunghininga ito ng makitang napamaang siya. "No, pinabibigay 'yan ni Mama para mas madali kang ma-contact. If you had a cellphone, I didn't have to drive all the way here just to tell you about your sched. Besides, my Mom wants to easily get in touch with you. Bakit ba kasi wala kang cellphone? Don't tell me wala kang ipon?"
Bakit ba ang init ng ulo ng lalaking 'to at pati ipon ko eh kinukuwestyon? "Mayroon ho kasi akong ibang mas mahahalagang pinaggagamitan ng pera kaysa sa luho ng cellphone." Iniabot niya ang bag muli rito. "Hindi ko ho ito matatanggap. Sobra-sobra na ho ang tulong ninyo sa 'kin at sa pamilya ko."
"We both know by now kung ga'no katigas ang ulo ng Mama ko. If you'd give that back to me, it will just find its way back to you tomorrow. So to spare my Mom from the effort of trying to convince you, added the tiring ride she has to bear, just keep the phone. I have to go." pagkasabi niyon ay tumalikod na ito sa kanya at lumabas na ng bahay nila.
Naiwan naman siyang nakatunganga sa salas ng bahay nila. Ibinalik niya ang tingin sa cellphone. Kung tutuusin, tama naman si Raniel, kaya naman niyang bumili ng cellphone, may pera naman siya. Pero sa kabila nga ng lahat ng mga pag-iingat niya, natsi-tsimis pa rin pala na sa mga Arrastia galing ang perang pinanggagastos nila.
"Ate, iyon ba 'yung lalaking natsi-tsismis sa 'yo?"
Napatingin siya kay Bikoy na ngayon lang niya napansin na naroroon pa rin pala sa harap ng TV. Ni hindi man lang niya ito naipakilala kay Raniel. "Oo. 'Yun si Raniel Arrastia, manager nung Palazzo Arrastia."
"Hindi kayo bagay. Tisoy na tisoy naman pala 'yon. Mukha kayong kape't gatas."
"Oo na, alam ko naman 'yon. 'Wag mo nang ipagdikdikan."
"May lumapit nga sa 'king gustong dumiskarte sa 'yo eh. Kaso umurong nung makitang de-kotse 'yang si Tisoy."
"Sabihin mo dun sa lumapit sa 'yo, kung 'di lang din siya kasing yaman ng mga Arrastia, 'wag na siya kamong magtangkang manligaw."
"Ate, ang pananaginip, ginagawa dapat 'pag tulog, hindi 'pag gising."
Inirapan na lamang niya ang kapatid. Naupo siya sa pang-isahang sofa nila at inilabas ang kahon ng cellphone sa loob ng paper bag. Kumpleto iyon mula sa sim card, charger, at 1000 peso load na call and text card. De-kamera pa ito at may FM station din. Samantalang ang dati niyang cellphone, ang tanging puwedeng ipagmalaki ay puwede rin itong gawing flashlight, na agad ding napundi ng minsang mabagsak niya iyon.
Gusto pa sana niyang butingtingin ang iba pang kayang gawin ng cellphone ngunit naalala niya na maaga nga pala ang pasok niya bukas. Baka kapag na-late lang siya ng isang minuto ay sisantehin na agad siya ni Raniel. Halata naman ditong masama ang loob nito sa naging desisyon ng pamilya nito.
Ngunit wala ng magagawa ang kaniyang prince charming, magiging boss na niya ito. At sisiguruhin niyang wala itong makikitang butas sa klase ng kanyang pagtatrabaho.
BINABASA MO ANG
The Knight of My Life (COMPLETED)
RomanceIsang simpleng elevator operator si Mutya Atregenio na nakatanggap ng kakaibang offer mula sa Amerikanong si Keith Grisham. Mas lalong gumulo ang mundo niya nang maging ka-close ang may-ari ng Palazzo Arrastia na si Cynthia Arrastia. Ipinag-novena b...