SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon ay na-late si Mutya sa pagpasok. Tatlumpong minuto makalagpas ang alas-siyete ng umaga ng makapag-time-in siya kaya't panay ang hingi niya ng paumanhin sa supervisor niya.
Kasalanan naman kasi niya. Imbes na bumangon na siya sa nakatakdang oras niya ng pagbangon, muli siyang bumalik sa pagtulog. Gusto niya kasing matuloy ang naputol niyang panaginip.
Magkahawak-kamay daw silang naglalakad ni Raniel sa dalampasigan. Pinagkukuwentuhan nila kung gaano kaganda ang papalubog na araw, ang nag-aanyayang tubig, at ang malakas na hangin. Maya-maya ay huminto sila sa paglalakad at niyakap siya ni Raniel. Pagkatapos ay lumuhod ito sa harap niya. Nang ibibigay na nito sa kanya ang isang singsing ay 'tsaka naman siya naalimpungatan.
Dahil nabitin ay pinilit niya ang sariling matulog muli. Hindi na nagpatuloy ang panaginip niyang iyon. Sa halip, ay ang napanagininpan naman niya ay isa siyang prinsesa ng isang kaharian, at si Raniel ay isa sa mga knight na may uniporme pang gawa sa bakal. Nakikipagtagpo raw siya rito ng lihim dahil ayaw daw dito ng kanyang amang hari.
Tuluyan na siyang nagising nang tapikin siya ng malakas ng Lola Andeng niya at sabihin sa kanya na mahuhuli na siya sa trabaho. Sakto namang naabutan pa siya sa daan ng parada ng mga estudyante sa elementarya para sa buwan ng nutrisyon. Mga naka-costume ang mga bata ng iba't ibang prutas at gulay habang naglalakad sa kalye, ang ilan ay kuntodo payong pa ang mga nanay ng mga ito. Kapag minamalas ka nga naman.
Naging maayos naman ang umaga niya, at ng magtanghalian ay nag-alok siya at naningil sa mga kasamahan na kumuha sa kanya ng mga produkto ng Avon. Kahit naman sinuwerte siyang mabigyan ng lagpas dalawangdaang libong piso, hindi ibig sabihin noon ay pepetiks na lamang siya sa kanyang buhay. Pangarap niyang maging dealer ng Avon, at ang Lola Andeng naman niya ay magkaroon ng piggery na may limampu hanggang isangdaang alagang baboy. Paunti-unti, alam niyang maisasakatuparan niya ang mga pangarap niya para sa sarili at sa kaniyang pamilya.
Papatapos na ang shift niya ng araw na iyon ng mayroong isang hindi inaasahang tao ang nabungaran niya sa ground floor ng ospital sa pagbukas ng pinto ng elevator.
Si Savannah Milano. Naka-ternong coat at itim na palda, pulang panloob na blusa, at pulang sapatos na tatlong pulgada yata ang taas ng takong. May kausap ito sa cellphone.
"Good afternoon, Ma'am." Bahagya siyang yumukod ng batiin ito.
Hindi naman siya pinansin nito. "Yes, Ninong, what floor ka nga ba ulit?" Narinig niyang sabi nito sa kausap. "Okay, that's 9th floor, and I'll just ask around where the executive director's office is. Great. I'll see you in a while. I'm already at the elevator. Yes, Ninong, the elevator. Okay, thanks! Bye."
Pinindot na niya ang button para sa ika-siyam na palapag. Bumaba at sumakay na ang ibang mga tao ngunit hindi pa rin sila nagpapansinan ni Savannah, na parang hindi sila magkasamang naghapunan kagabi lamang sa mansion ng mga Arrastia.
Nang makarating na sa 9th floor ang elevator ay nilingon siya ni Savannah.
"Yes, Ma'am?" tanong niya rito.
"You're pathetic. And what's even worse is that you don't even know what that word means." Mahina ang tinig ngunit naniningkit ang mga mata nitong sabi sa kanya. Pagkatapos ay walang lingon likod na iyong naglakad papalabas ng elevator.
Hindi siya agad nakahuma sa nangyari. Sa tono ng pananalita ni Savannah ay nilalait siya nito. Ngunit nakalayo na agad ito bago pa man siya makaisip ng isasagot dito. Tama naman ito, hindi nga niya alam ang ibig sabihin ng "pathetic". Kamag-anak ba iyon ng "sympathetic"?
Ngunit kahit ano pang "tic" iyon, hindi niya maintindihan kung bakit siya animo inaaway ni Savannah. Tungkol pa rin ba iyon sa sinabi ni Raniel na nangyari sa mansion ng mga Arrastia kagabi? Na na-dedma ang presensiya ng pinagkakapitagang newscaster ng ABC-GMN dahil sa isang hamak na elevator operator?
BINABASA MO ANG
The Knight of My Life (COMPLETED)
RomanceIsang simpleng elevator operator si Mutya Atregenio na nakatanggap ng kakaibang offer mula sa Amerikanong si Keith Grisham. Mas lalong gumulo ang mundo niya nang maging ka-close ang may-ari ng Palazzo Arrastia na si Cynthia Arrastia. Ipinag-novena b...