"DON'T tell me gagawin mo talaga akong driver?"
Tumingin si Mutya kay Raniel na nakakunot ang noo. Ang binuksan kasi niya ay ang pintuan para sa upuan sa likod ng kotse.
"Dito ka sa passenger seat." Ang pintuan sa tabi ng drayber ang binuksan ni Raniel. Tahimik naman siyang sumunod sa gusto nito. Pumasok siya ng kotse at kiming pinagsalikop ang mga kamay sa kandungan niya. Umikot naman si Raniel sa unahan ng sasakyan at pumasok sa kabilang pintuan.
Hindi naman niya intensyon na pagmukhain itong drayber niya kaya niya gustong sa likuran maupo. Naisip niya kasi na baka ayaw siyang makatabi nito kaya doon na lamang siya sa likuran. Malay ba niyang magmumukha pala itong drayber niya kapag gano'n?
Wala siyang alam sa mga ganoong rules and regulations ng mayayaman dahil unang-una, hindi naman sila mayaman. Ito nga ang unang beses niyang makakasakay ng kotse. Katulad ng labas ng kotse, malinis ang loob nito. Malinis, mabango, mukhang mamahalin at malambot ang upuan, at high-tech tingnan ang mga ilaw-ilaw at radyo nito.
"Wear your seatbealt," utos pa sa kanya ni Raniel. Mabilis nitong naisuot ang seatbelt nito. Siya naman ay luminga-linga dahil hindi niya makita ang seatbelt niya dahil madilim ang loob ng kotse. Iyong mga kakarampot na ilaw lang na parang mga mukha ng orasan ang nagsisilbing ilaw niya habang kinakapa-kapa ang kinaroroonan ng seatbelt niya.
Nasaan ba iyon? Kinapa niya ang ilalim ng upuan niya. Wala. Sinulyapan niya si Raniel na nakatutok ang mga mata sa pagmamaneho. Tiningnan kung saan galing ang seatbelt nito. Sa bandang itaas pala sa kanan niya. Kinapa niya iyon at hinila. Nahawakan niya ang bakal na bahagi niyon. Muli niyang sinulyapan ang seatbelt ni Raniel. Kailangan niya yata iyong hatakin para makarating sa kabila—
"Ay, kabayong bungal!" Napasigaw si Mutya nang bigla niyang mabitiwan ang seatbelt at humataw iyon pabalik sa pintuan ng kotse.
Napalingon agad sa kanya si Raniel. "What happened? Are you alright?" Ipinarada nito sa gilid ng kalsada ang sasakyan.
"Ah—kasi—yung seatbelt ho. Ahm—hindi ho kasi ako marunong magkabit. Tapos ang dilim pa." Kinakabahang sagot niya rito. Hinanda niya ang sarili na masigawan ni Raniel. Bakas kasi sa mukha nito ang pagkainis sa sinabi niya.
Ngunit hindi naman siya sinigawan nito. Sa halip ay bumuntunghininga ito, at pagkatapos ay dumukwang papunta sa kanya.
Napahigit siya ng hininga dahil sa sobrang pagkakalapit ng mga katawan nila ni Raniel. Akala niya ay yayakapin siya nito, iyon pala ay aabutin lamang nito ang seatbelt na nabitawan niya kanina. Walang anuman nito iyong hinila at ikinabit sa kung saan sa may kaliwang bahagi ng upuan niya.
"S-Salamat ho," nahihiya niyang sabi. Ramdam na ramdam niya ang malakas na pagtibok ng puso niya.
Hindi na nagsalita pa si Raniel. Bumalik lamang ito sa pagmamaneho, nakatiim-bagang. Matagal ding namayani ang katahimikan sa loob ng sasakyan.
Hindi siya nakatiis. Lumunok muna siya bago naglakas-loob na magsalita. "Sir Raniel, ahm, galit ho ba kayo sa 'kin?"
Sinulyapan siya nito saglit bago nito muling ibinalik ang tingin sa kalsada. "Sa tingin mo, dapat ba 'kong magalit sa 'yo?" balik-tanong nito sa kanya.
Muli siyang napalunok. "Sa... sa tingin ko ho, ahm, hindi dapat. Sa tingin ko ho kasi, wala naman akong ginagawang masama. Pero kung sa pananaw ninyo ay may ginagawa akong masama at dahil d'on kaya kayo nagagalit sa 'kin, pasensiya na ho kayo. Sorry ho talaga. Hindi ko sinasadya."
"Hindi mo sinasadya na mag-bibo kaninang dinner? Hindi mo sinasadya na ikaw at ikaw na lang ang kinakausap ng lahat, na para tuloy hindi nag-eexist sa table na 'yon si Savannah? Hindi mo sinasadya na kuwentuhan sina Mama na may nagsaksakan sa inyo para maisip niya na ako ang maghatid sa 'yo? Tell me, ano pa ang hindi mo sinasadya? Na gustuhin ka ng Mama ko na maging manugang?"
Napaawang ang labi niya sa narinig. Hindi siya makapaniwala na ganoon pala ang iniisip ni Raniel sa kanya. Nag-init ang mga mata niya, ngunit agad niyang kinagat ang pang-ibabang labi. Ayaw niyang umiyak sa harap ni Raniel. Tinipon niya ang kakaunting lakas ng loob na natitira sa dibdib niya at sumagot dito.
"Sir Raniel, unang-una ho, aksidente lang ang pagkakakilala namin ng Mama ninyo. At hindi ko ho inimbita ang sarili ko na maghapunan sa mansion ninyo. Hindi ko lang ho matanggihan ang Mama ninyo dahil mabait siya sa 'kin. At kung sa tingin ninyo ho ay sinasadya kong mag-bibo, sige ho, baka nga totoo iyon. Oho, mahirap lang ako, mababa ang pinag-aralan ko, excited ho akong makakausap at makasama sa hapunan ang isang sikat na artista, may-ari ng istasyon ng radyo, may-ari ng hotel, may-ari ng napalaking mansion. Pasensiya na ho kung kanina, hindi ako 'yung naging isang basang sisiw na natakot sa mayayaman at may mga pinag-aralan na mga tao, na nagmukmok na lamang at nanahimik sa kinauupuan ko. Pero kung sinasabi n'yo ho na sinasadya kong magmukhang balewala ang girlfriend n'yo, hindi ho totoo 'yon. Alam ko hong wala ako ni sa kalingkingan niya, at wala kong karapatan ilusyunin na gugustuhin ako ng Mama n'yo na maging manugang." Sa huli niyang kataga ay hindi na niya napigil pa ang pagpatak ng mga luha niya.
Narinig niya ang pagbuntunghininga ni Raniel. Hindi na ito sumagot pa sa mga sinabi niya.
Pinahid niya ng kamay ang basa niyang mga pisngi. Maya-maya ay iniabot ni Raniel sa kanya ang panyo nito, habang patuloy pa rin ito sa pagmamaneho at hindi inaalis ang tingin sa kalsada. Kinuha naman niya iyon. Nagpasalamat siya rito sa mahining tinig.
"I'm sorry, Mutya," ani Raniel na nagpalingon sa kanya rito. "It's plain wrong that I've let my anger be directed to you. It's just that... there's a lot that had happened tonight. Again, I'm sorry." Sumulyap ito sa kanya pagkasabi niyon.
Bumuntunghininga siya. "Hindi ko ho masabing 'okay lang ho', kasi hindi naman ho talaga okay ang parakiramdam ko. Pero sige ho, tinatanggap ko ho yung sorry ninyo."
Nakita niya ang bahagyang pagtaas ng sulok ng labi ni Raniel sa sinabi niya. "Salamat." Luminga-linga ito. "Sa may San Rafael daw kayo sabi ni Mama. Sa'n dito ang bahay n'yo?"
Itinuro naman niya ang direksyon dito. Nang matumbok nito ang bahay nila ay nauna itong bumaba at pinagbuksan pa siya ng pinto.
Nakita nito na inaaninag pa niya sa dilim kung paano tatangalin ang seatbelt niya ay muli itong dumukwang at tinulungan siya. Hindi siya halos huminga sa ilang segundong iyon. At katulad kanina, muli na namang bumilis ang pagtibok ng puso niya.
Inihatid pa siya nito hanggang sa may pintuan ng bahay nila. "Ahm, lalabhan ko muna ho itong panyo ninyo bago ko isauli."
"No need. You can keep it if you want to," sabi nito.
Ilang saglit ding namagitan sa kanila ang katahimikan. "I'll go ahead," maya-maya ay sabi nito.
"Mag-iingat ho kayo."
Tinanguan siya nito at naglakad na pabalik ng kotse. Hinintay niyang makalayo ang kotse at tuluyan itong mawala sa paningin niya bago siya pumasok ng bahay. Sumandal siya sa nakasaradong dahon ng pinto at hindi niya napigilan ang sarili na amuyin ang panyo ni Raniel. Nakapagkit doon ang amoy nito.
Bumalik sa ala-ala niya ang pagkakalapit nila kanina sa dalawang beses na tinulungan siya nitong ayusin ang seatbelt niya. Kahit pinaiyak pa siya nito, gusto pa rin niyang hilingin na sa panaginip niya ngayong gabi ay kasama pa rin niya ito. Kahangalan man, ngunit hindi pa rin niya pipigilan ang sarili na pangarapin ito. Pangarap lang naman iyon. Alam naman niya na suntok sa buwan na magkatotoo.
BINABASA MO ANG
The Knight of My Life (COMPLETED)
RomanceIsang simpleng elevator operator si Mutya Atregenio na nakatanggap ng kakaibang offer mula sa Amerikanong si Keith Grisham. Mas lalong gumulo ang mundo niya nang maging ka-close ang may-ari ng Palazzo Arrastia na si Cynthia Arrastia. Ipinag-novena b...