Ang Sumpa

14K 501 9
                                    

NAKANGITI si Sion habang ginugupit ang sinulid. Senyales iyon na tapos na ang pagbuburda niya sa kanyang traje de boda. Halos walong buwan niyang ibinurda ang maselang bulaklak na disenyo niyon. Kahit noon pa ay mahilig na siyang magburda at dahil sa ilang taon niyang panonood kay Señor Ovidio ay napakarami niyang natutunan na siyang ginamit niya sa pagtahi ng sarili niyang traje de boda.

"Napakaganda, anak," wika ni Inang.

"Kumusta po ang inyong pakiramdam?"

"Naku, ako'y huwag mong alalahanin." Nilapitan nito ang trajeng nakasabit sa barandilyang malapit sa kisame. "Sadyang napakahusay ng iyong kamay. Napakaganda nito, nararapat lamang isuot sa araw na iyong kasal. Napakatagal kong nanalangin na sumapit ang araw na iyon." Nag-init ang kanyang mukha. Sa edad na beinte-otso at matandang-dalaga na siya kung ituring ng marami. "Kunin mo ang aking baul, anak."

Ibig niyang tumutol; nasa baul ang lahat ng gamit nito sa pangungulam at panggagamot na ipinatabi na niya rito, ngunit hindi niya ito makuhang tanggihan. Tumalima siya. Inilabas nito mula sa baul ang isang pilak na sisidlan at mga kandila. Nagpakuha ito ng tubig sa kanya. Gamit ang mga tuyong dahon ay gumawa ito ng tsaa na ipinainom sa kanya, saka nito binasa ang dahong naiwan sa sisidlan.

"Diyos ko... Isang trahedya. Kailangan natin itong pigilan. Mabilis, ilabas mo ang lahat ng laman ng baul. Sumunod ka na lamang sa akin, nakikiusap ako sa iyo, anak."

Sa pakiwari niya ay mapapaiyak ito kung hindi siya tatalima kaya't sinunod niya ang gusto nito. Hindi pa nagtagal at mas maraming kandila na ang may sindi. May isinulat ito sa isang papel na inorasyunan nito, saka ipinasok sa isang maliit na botelya. Nagluto ito ng mga dahon at langis na sa huli ay inabot nito sa kanya.

"Kailangan mo itong ipainom kay Agustin. Lahat ng laman nito."

Tumango na lamang siya kahit hindi niya iyon maaaring gawin sa lalaki. Mukhang napanatag na ito at nagtungo na rin sa silid nito. Tahimik lang siya, iniisip kung ano ang posibleng nakita ng kanyang inang sa tsaa. Natutukso siyang itanong dito ngunit sa huli ay pilit niyang inisip na lipas na ang panahong umaasa sa ganoon ang mga tao. Makabago na ang mundo.

Pinagmasdan na lamang niya ang kanyang traje at napangiti. Ikakasal na sila ni Agustin sa susunod na buwan. Bakit magkakaroon ng masamang pangyayari? Nakatulog siyang iyon ang laman ng isip at kinabukasan nang magising siya ay dala niya ang ngiting iyon, hanggang sa mga sumunod na mga araw. Ang langis na ibinigay ni Inang ay kanya nang itinapon.

Isang gabi, tatlong linggo bago sumapit ang araw ng kanyang kasal ay nagtungo sa kanilang bahay ang kawaksi sa tahanan nina Agustin, hinahapo.

"Ano ang problema, Concha?" tanong niya rito.

"Madali, sumama kayo sa akin doon kina Celestina!"

Agad nga siyang sumama rito, panay ang tanong kung ano ang problema ngunit ayaw nitong sabihin. Siya na lamang daw ang makakakita noon. Lakad-takbo sila patungo sa hacienda nina Celestina at nang makarating doon ay nakita niya si Pino.

"Ano ang nangyayari?" tanong niya rito.

"Tara sa kamalig nang makita mo," wika ng lalaki na agad tumakbo. Agad siyang sumunod dito at nang makarating na sila sa kamalig ay nagtaka siya sapagkat wala namang kakaibang nagaganap doon.

"Ano ba talaga ang nangyayari, Pino?" May galit na ang tinig niya.

"Napakaganda mong tunay, Sion," wika nito, hinawakan ang latigo nito.

Nakadama siya ng kilabot. "A-ano ang ibig nitong sabihin, Pino?"

Ngumiti ito, iginalaw ang kamay at napasinghap na lamang siya nang makita ang latigong gumuhit sa ere. Sa isang iglap, nabiyak ang kanyang bestida. Dalawang igkas pa ng latigo ay tumambad ang kanyang kahubdan dito.

Traje de Boda Trilogy 1: Charo (COMPLETED)Where stories live. Discover now