Chapter 2

12.2K 433 2
                                    

"DADDY, you look funny."

Napangiti si Genaro sa sinabi ng sanggol na kinupkop niya noon, si Charo. Hindi na ito sanggol ngayon, isa nang dalagita sa gulang na walo. Ang ibang kaedad nito marahil ay nakikipagpatintero pa, ngunit iba ito. Maaga itong naging dalagita, marahil dahil na rin sa ang itinuring nitong ina ay ang kung sino ang nobya niyang iuwi sa bahay. Sa loob ng nakaraang walong taon ay hindi na niya mabilang kung ilang ina-inahan ang nakilala nito.

Napakagandang bata ni Charo. Isinunod niya ang pangalan nito sa pangalang nakasulat sa lampin nito, bagaman ang apelyido nito ay isinunod niya sa kanya. Ipinarehistro niya ito bilang kanyang anak at sinabi sa bata na pumanaw na ang ina nito. Bakit kailangan nitong malaman na iniwan ito ng mga magulang sa pier? Sasama lang ang loob nito. Isa pa, ito ang anak niya. Ito ang tagapagligtas niya, ito ang suwerte sa buhay niya.

Ito rin ang siyang malaking dahilan kung bakit ang mga ilegal niyang negosyo ay naisipan na niyang talikuran. Hindi maaaring lumaki ang batang ito na parating nakalingon sa likod nito dahil sa mga kasalanang siya ang gumawa.

"Come here, sweetie," aniya rito. Agad itong tumalima. "Are you getting good grades at school?"

"Of course, Daddy!"

Hinagod niya ang ulo nito. Hindi na niya mailarawang-diwa ang buhay kung wala ang batang ito. Sa mga susunod na taon ay haharapin niya ang panibagong hamon sa buhay niya---ang paglalagay sa legal ng mga bagong negosyong kanyang papasukin, lahat para sa kanyang pinakamamahal na anak. Hindi man siya biniyayaan ng Diyos ng abilidad na magkaroon ng anak at napakabuti pa rin Nito sa kanya upang ipagkaloob sa kanya ang isang tulad ni Charo.

"Are you going to be home for dinner?"

"No. No tonight."

Umismid ito, humalukipkip. Alam niyang nagtatampo ito. "Parati ka namang hindi nagdi-dinner dito, Daddy. Nagtatampo na ako sa 'yo."

Hinaplos niya ang pisngi nitong mamula-mula. "Bukas at sa mga susunod na araw, dito na ako maghahapunan. Parati na tayong magkakasama. Pero ngayong gabi, may aasikasuhin akong importante."

"Promise 'yan, ah, Daddy?"

"Promise."

Mukhang masayang-masaya ito at mayroong humagod na init sa kanyang puso. Ang batang ito, ang inosenteng batang ito, ay tinanggap siya nang buong-buo. Para rito ay mabuti siyang tao. Mahal na mahal siya nito at wala itong hinihinging kapalit kundi ang pagsasalo nila ng hapunan gabi-gabi. Iyon ang totoong pagmamahal. Iyon ang hindi niya nakukuha sa mga tauhan niya, tulad na lamang noon kay Ernesto.

Mabilis niyang naayos ang gulo noon, ipinaubaya ang pag-aayos sa mga pulis na nasa empleyo niya, maging sa mga opisyal ng gobyerno. Ni hindi nabalita sa mga pahayagan ang pangyayari bilang barilan kundi sunog. Sapagkat sinunog ng mga tauhan niya ang isang bahagi ng pier upang mapagtakpan ang krimen. At ang bise-alkaldeng ang pakay lamang ay ang "makatulong" sa sunog subalit nadamay roon ay inilibing na animo isang bayani.

Hinagkan niya sa noo ang bata at nagpaalam na rito. Sinenyasan niya ang mga bodyguard at driver niya na lalakad na sila. Iyon ang huling selyo ng pagtatapos ng masamang gawain niya. Mayroon lamang siyang unfinished business sa dati niyang tauhan, si Diego. Nawala ito isang taon na ang nakalilipas at inakala niyang napaslang ito noong nakaraang taon sa isang rob out. Salamat sa mga taga-gobyernong nasa bulsa niya, nalaman niyang lumapit ito sa isang mataas na tao at balak siyang ilantad. Hindi niya iyon inasahan mula rito sapagkat ito ang nagligtas sa kanya noon mula sa katraiduran ni Ernesto. Ngunit marahil sadyang ganoon ang mga tao, hindi mapagkakatiwalaan. At hindi maaaring masabit siya. Lalo na ngayong nililinis na niya ang kanyang negosyo. Lalong higit dahil nariyan na ang kanyang munting anghel na si Charo.

Traje de Boda Trilogy 1: Charo (COMPLETED)Where stories live. Discover now