Ang Paghihiwalay ng Landas

12.4K 424 9
                                    

"NABABALIW ka ba?! Gusto mong sabihin sa pulis na namatay sa panganganak itong babaeng ito? Paano natin makukuha ang alahas? Ililibing natin siya sa labas!"

Bahagyang napayuko si Pabling sa sikmat ni Juaning, ang kanyang asawa. Pawisan ito, karga sa kamay ang ikatlong sanggol ni Beatrice, ang amo nito. Batid niyang limang buwan itong hindi sumuweldo at nangako si Beatrice na pagkapanganak nito ay magbebenta ito ng alahas upang mabayaran si Juaning. Ngunit wala nang buhay ngayon si Beatrice. Milagrong maituturing na lumabas ang huling sanggol sa sinapupunan nito gayong asul na ang mga labi ng babae sa mga sandaling iyon.

"Paano ang mga bata?" tanong niya sa asawa.

"Minsan ay napakatanga mo, Pabling! Natural, iiwan natin sa ibang lugar!"

"Para mamatay?! Kapapanganak pa lang sa kanila, ni hindi sila napasuso!"

"Iisa lang ang anak natin at halos magdildil na tayo ng asin. Ano'ng gusto mo, ampunin ang tatlong ito?! Tandaan mo, dumayo tayo rito sa Pelaez para sana sa magandang buhay. Anim na buwan pa lang tayo rito, lalo na tayong nalubog. Ito na ang pagkakataon natin. Wala tayong kakilala rito. Makakaalis tayo nang walang bakas."

"Sabihin natin sa pulis ang nangyari. Hindi naman nila alam na may alahas dito."

"Paano ka nakakatiyak na hindi babalik dito ang asawa nitong ganid kapag nalamang patay na siya? Siyempre, alam noon na may mga alahas siya. Tiyak, maghahanap iyon." Bumuga ito. "Alam kong malambot ang puso mo pero nakakaawa tayo kung hindi natin kukunin ang alahas. Ilang buwan akong hindi pinasuweldo ng babaeng ito. Makinig ka sa akin at kahit paano, giginhawa ang buhay natin. Hindi tayo kriminal. Hindi natin siya pinatay. Ililibing natin siya sa labas, walang makakakita sa kanya. Kukunin natin ang alahas at magpapakalayu-layo na tayo."

Napilitan siyang tumango. Dinala nila ang labi ni Beatrice sa likod-bahay. Magkatulong silang nagpala ng lupa saka ihinimlay doon ang babae. Binalikan nila ang tatlong sanggol sa silid na nakatulog nang nanglilimahid sa dugo.

"Anong pangalan nila?" sambit niya.

"Malay ko? Ikaw na ang bahalang mag-iwan sa dalawa. Iuwi mo ang isa," ani Juaning, hawak na ang mga alahas ni Beatrice. "Hindi ko tiyak kung alam ng doktor ni Beatrice na tatlo ang magiging anak niya, pero nagpatingin siya roon noong minsan. Para makaiwas tayo sa problema, paghiwa-hiwalayin mo ang tatlo. Iyong isa sa San Simon mo iwan, iyong isa sa San Felipe. Ang isa nga, dadalhin natin para iwan sa malayo. Ikaw ang may dalang tricycle kaya ikaw na ang mag-uwi. Baka may makakita pa sa akin. Hihintayin kita sa bahay, bilisan mo."

Tumango siya. Lumabas na ito. Nilinisan niya ang mga sanggol at binihisan. Kumuha siya ng tatlong kahon ng sapatos na inilagay niya sa isang malaking bag. Ilalagay na niya ang mga bata roon nang maisip niyang pangalanan man lang ang mga ito. Sinulatan niya ang lampin ng mga sanggol, isinama ang totoong apelyido ng mga ito kahit tiyak na magagalit ang kanyang asawa kapag nalaman iyon: Charo Atilio, Vilma Atilio, Nora Atilio. Isa-isa na niyang inilagay ang mga sanggol sa kanya-kanyang kahon. Tiniyak niyang nakabukas ang zipper ng bag, sa gayon ay makakahinga ang mga ito. Para bang napakabait ng tatlo, hindi man lamang umiiyak, walang kamalay-malay na wala na ang ina ng mga ito at magkakahiwa-hiwalay na rin ang mga ito.

"Patawarin n'yo kami ni Juaning," sambit niya, naluluha. Hindi man siya lumaki sa rangya ay hindi madali para sa kanyang gawin ang ganito para sa salapi. Ngunit mahal niya si Juaning at sa isang banda ay tama ito. Kailangan nilang gumawa ng paraan para sa kanilang pamilya.

Sakay sa tricycle na hiniram lang niya sa kapitbahay ay dinala niya si Nora sa simbahan at doon iniwan. Si Vilma ay dinala niya sa bayan ng San Simon, sa plaza kung saan mayroong perya. Si Charo ay kanyang iniuwi. Nakahanda na si Juaning, nakaempake na ang kanilang mga gamit. Ora mismo, nagtungo sila sa pier. Karga nito ang kanilang anak, habang karga niya ang ikatlong sanggol ni Beatrice.

Beinte-dos oras silang bumiyahe sa laot at gabi nang makarating sila sa pier. Nasa karton na ang sanggol, nasa loob ng bag na siya ang may bitbit. Nauna si Juaning sa labas ng pier, habang siya ay humanap ng paraan para maiwanan ang sanggol. Ipinatong niya ang bag sa bubong ng isang kotse na nakaparada malayo sa karamihan. Hindi niya napigilan ang maluha. Hinanap na niya ang kanyang mag-ina.

"Ayos na?" tanong ni Juaning.

Tanging tango ang kanyang naitugon, napakabigat ng kalooban. Napakalaki ng kasalanan nilang mag-asawa sa tatlong anghel. Hindi nila iyon mababayaran kailanman.

Traje de Boda Trilogy 1: Charo (COMPLETED)Where stories live. Discover now