SABADO at nagmartsa tungo sa altar si Celestina suot ang traje de boda na hinangaan ng lahat ng nakakita roon. Hindi siya hangal upang naniniwala sa sumpa ng isang muchacha. Ngunit sa gabi ng kasal kung kailan dapat na magkaulayaw silang mag-asawa ay kaulayaw ng lalaki ang isang bote ng alak.
Lumaki nang lumaki ang kanyang tiyan at dumami rin nang dumami ang boteng itinutumba ng kanyang asawa at nagtuluy-tuloy iyon hanggang sa makapanganak siya. Sa ikawalang kaarawan ng kanilang anak, dala ng labis na kalasingan nito, ay nadulas ito sa hagdan na naging dahilan ng kamatayan nito.
Ang kanilang anak na nagngalang Agustina ang siyang tumulong sa kanyang pamahalaan ang mga negosyo ng pamilya sa siyudad at nang dumating ang mga Hapon ay siya namang pagdating sa kanya ng isang malubhang sakit. Habang nakaratay ay malaking tanong sa isip niya kung totoo nga kaya ang sumpa ni Sion. Sinabi niya iyon sa kanyang anak na tinawanan lamang nito. Isang kuwaderno ang siyang pinaglahadan niya ng kuwento upang mabasa ng mga susunod na henerasyon. Kung may lakas lamang siya ay susunugin na niya ang traje, ngunit naitago na iyon ni Agustina na labis ang naging paghanga sa kagandahan niyon.
Ikinasal si Agustina sa isang sundalong Amerikanong nagpatibok sa puso nito, suot ang napakagandang traje de boda na unang ginamit ng ina nito. Ngunit ang pinangarap nitong masayang pamilya ay tila napakahirap makamit sapagkat bukod sa pumanaw ang ina nito isang linggo matapos ang kasal ay hindi rin ito mabiyayaan ng anak. Iyon ang dahilang ginamit ng asawa nito upang mambabae. Isa iyong bagay na tiniis ni Agustina at iniyakan halos gabi-gabi sa loob ng apat na taon. Sa wakas, nagdalang-tao ito. Nang gabing plano nitong sabihin sa asawa iyon ay naaksidente sa daan ang lalaki.
"Beatrice" ang pangalan ng anak nito na sa awa ng Diyos ay lumaking matalino at mahusay sa buhay, sa kabila ng kapabayaan dito ni Agustina na nalulong sa malabis na pagluluksa at kalungkutan. Sa edad na beinte-dos, inanunsiyo ni Beatrice na ito ay mag-aasawa na sapagkat sa panahong iyon ay nagawa na nitong ibangon ang negosyong napabayaan ng ina. At ang pakakasalan nito ay ang lalaking nakatulong nitong ibangon ang negosyo, ang manager ng kompanya.
"Hindi na uso ang mga sumpa," bulong ni Beatrice nang mabasa ang kuwaderno ng abuelang si Celestina na naglalahad tungkol sa sumpa ng isang babaeng sawi na nagngangalang "Anunciacion Geronimo."
Tulad ng ina at ng abuela, suot ni Beatrice ang traje de boda sa paglalakad tungo sa altar. At sa gabi ng kasal ay nagbuntis siya. Ngunit isang linggo matapos niya iyong sabihin sa kanyang asawa ay bigla itong nawala, dala ang lahat ng mga gamit nito. At kalaunan, natuklasan niyang tinangay din nito ang kanyang salapi.
Ang marangyang buhay ay nawalang parang bula sa kanya. Ikaapat na buwan ng pagdadalang-tao niya ay pumanaw ang kanyang ina. Sa ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao niya ay halos hindi na siya nakakatayo sa kama sa laki ng kanyang tiyan at tanging si Juaning, ang bago at nag-iisang kawaksi, ang siyang nag-aasikaso sa kanya. Dahil wala na ang marangyang bahay sa Maynila ay nagtiyaga siya sa lumang bahay ng pamilya sa bayan ng Pelaez. Doon ay walang sawa niyang hinintay magbalik ang kanyang asawa.