Naglakad palabas ng isang remmitance center si Joaquin, tangan sa kanan na kamay nito ang isang piraso na puting papel. Tiningnan ni Joaquin ang hawak na resibo sa kanyang kamay. Resibo iyun ng money transfer, na ipinadala niya sa kanyang mga magulang sa probinsiya ng General Nakar, sa Quezon. Isang magsasaka ang kanyang tatay, sa kapirasong lupa na kanilang hinuhulugan sa isang mayaman na taga-Maynila. Oo, sa edad na treinta anyos, ay ngayon pa lang siya nakapag-aral ng kolehiyo, at sa kanyang sariling pagsisikap ay ngayong semester ay makapagtatapos na siya sa kursong accountancy, sa isang state university sa Maynila.
Kinuha niya ang kanyang wallet sa likurang bulsa ng kanyang maong na pantalon. Isang daan na lang ang laman nito. Napabuntong hininga siya at kumunot ang noo, kailangan pa naman niya bukas ng pambayad ng tuition at enrollment na niya. Napakamot si Joaquin sa kanyang ulo, at napabuntong-hininga.
"Paano kaya ito?" ang bulong niya sa kanyang sarili, habang nananatili siyang nakatayo sa harapan ng remmitance center. Kumunot ang kanyang noo sa pag-iisip, hindi naman siya pupwedeng bumale ulit sa pinagtatrabahuan niya, napabuntong hininga ulit si Joaquin. Pinisil niya ang buto ng kanyang ilong, habang nag-iisip, saka niya sinuklay ng kaliwang kamay ang kanyang malagong buhok.
Kailangan niyang kumita ng pera sa araw na iyun, marami pa siyang nakapilang mga bayarin, magbabayad pa siya sa bed space na inuupahan niya malapit sa unibersidad. Kung di siya nagpadala sa kanila sa probinsiya ay kakasya pa ang kanyang pera, pero di niya iyun pinagsisihan. Kahit kailan ay di niya pagsisisihan ang pagtulong sa mga magulang at kapatid na nag-aaral. Obligasyon niya iyun bilang panganay na anak. Huli man, ay pangarap niyang makapagtapos na ng kolehiyo at maiangat ang antas ng pamumuhay ng kanyang pamilya. Walang pagkukulang ang kanyang mga magulang, ang mga ito ay naghirap at nagpursige na makapagtatapos siya ng pag-aaral, pero, iba ang pinili niya. Nagkamali na siya noon at nagdulot ito ng hinanakit sa pamilya niya kaya ngayon ay bumabawi na siya sa mga ito. At hanggang ngayon, sa tuwing maaalala niya ang mga ginawa niya at nangyari sa kanya noon, ay nagdudulot pa rin ito ng sakit sa kanyang dibdib. Minsan talaga yata, kailangan mong dumaan sa labis na sakit, para mapagtanto mo ang landas na tatahakin, ang sabi ni Joaquin sa kanyang sarili.At muling bumalik ang isipan ni Joaquin sa problema na kinakaharap niya ng mga sandali na iyun. Kaya naman niyang magtiis ng gutom at hindi kumain, ang problema talaga niya ay ang pambayad ng tuition niya bukas. Saan kaya siya kukuha ng pera? Hindi naman niya magawang isangla ang kanyang cellphone dahil sa bukod sa ginagamit niya iyun, ay lumang modelo pa ito, at baka ang halaga nito ay hindi pa makabayad man lang ng tuition niya, ano pa kaya ng upa sa bahay.
Napakagat labi si Joaquin at kumunot ang kanyang noo, na sa tingin niya ay makakalikha na ng linya ang kanyang noo, sa kanina pa niya pagkunot nito. Naalala niya ang isang kakilala na may trabaho na pang-gabi at malaki ang kinikita. Naisip ni Joaquin na puntahan na lang sa bahay ang nasabing kakilala niya, baka mahiraman niya muna ito ng pera o di kaya'y baka sakali na mabigyan o maipasok siya ng trabaho, kahit panandalian lang, kahit man lang sa araw araw o gabi na iyun, para lang kumita siya ng pera sa araw na iyun at bukas ay may pambayad siya ng matrikula. Oo nga't mababa lang ang tuition niya, pero kailangan din niya ng panggastos para sa mga susunod na araw hanggang sa susunod niyang sahod. Iyun ay kung may sasahurin pa siya, ang sabi ni Joaquin sa sarili, dahil sa puro bale na siya, at mabuti na lang at mabait ang kanyang boss. Kahit pa may kinikita siya na extra sa mga tips sa customer, iyun naman ay ginagamit niya para sa pagkain at pamasahe niya sa araw-araw, sa tuwing papasok siya sa trabaho. Hindi na siya dapat mag-aksaya ng panahon, ang sabi niya sa sarili. Napagdesisyunan ni Joaquin na maglakad na lang papunta sa bahay ng kakilala, di na rin niya nagawang mananghalian dahil inisip niyang mamayang gabi na lang siya kakain, hanggat wala pa siyang nakukuha na makukunan ng pera sa araw na iyun, ang dati ng mahigpit na sinturon, ay mas hihigpitan pa niya.Halos isang oras ding naglakad si Joaquin, bago narating ang bahay ng kakilala nito na si Oliver. Umakyat siya sa second floor ng inuupahang bahay nito at kumatok. Ilang minuto pa siyang naghintay sa labas ng pinto bago pa siya napagbuksan.
"Joaquin? O tol anong kailangan mo?" ang tanong ng kaibigan nito na tila inaantok pa at kagigising lang.
"Oliver, eh, pwede ba akong makahiram ng pera sa iyo? pambayad ko lang sana ng tuition ko bukas enrollment ko na kasi" ang nahihiyang tanong ni Joaquin.
Napakamot ng ulo si Oliver, "naku pasensiya ka na tol, alam mo namang nagpapadala rin ako sa pamilya ko sa probinsiya, manganganak na rin kasi ang misis ko roon kaya naipadala ko na lahat ng naitabi kong pera" sagot nito kay Joaquin.
"Ganun ba" napabuntong hininga si Joaquin, "tol wala ka bang trabaho na pwede mo maibigay sa'kin ngayon, para lang magkapera ako kasi kailangan ko talaga bukas, kahit ano, di naman ako mapili. Kahit mamasura ako pwede" umaasang tanong ni Joaquin na matulungan siya ng kakilala.
Tiningnan siyang maigi ni Oliver, matangkad ito, mga 6'1 ang height, moreno, mapupungay ang mga mata, matangos ang ilong, maganda ang labi, at higit sa lahat, maganda ang pangangatawan nito. Malapad ang mga balikat nito at mukhang toned din naman ang katawan. Mukhang pwede ito sa trabahong nasa isip niya, maayusan lang niya ito ng kaunti at maturuan ay pasok itong si Joaquin.
Nagtaka si Joaquin dahil hindi sumagot ang kakilalang si Oliver at tiningnan lang siya nito mula ulo hanggang paa. Napataas ang dalawa niyang kilay, sandali, nababakla na ba ito? Tanong ni Joaquin sa sarili.
"Ah, sige tol, pasensiya ka na at naistorbo kita" ang sabi ni Joaquin bago ito tumalikod at akmang aalis na sana, nang matigilan siya.
"Talaga bang gusto mo ng trabaho?" tanong ni Oliver na nagpalingon kay Joaquin at muling pumihit ang kanyang katawan para humarap sa kaibigan. Gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi bago nagsalita.
"Oo tol, gusto ko ng trabaho" ang mabilis na sagot niya."Kahit ano?" ang tanong nito sa kanya at naghalukipkip pa ito ng mga braso sa dibdib at tinaasan siya ng isang kilay, tila ba naninigurado ito sa kanyang sagot.
"Kahit ano, basta huwag lang iligal" ang mariin na sagot ni Joaquin kasabay ng pagtango niya.
"Legal na legal ito tol, at malaki ang kita, tara pasok ka sa loob, at ipaliliwanag ko sa iyo" ang sabi nito kay Joaquin at mabilis ang kanyang mga paghakbang, para pumasok na sa loob ng apartment na puno ng pag-asa ang kanyang dibdib.
BINABASA MO ANG
The Accidental Callboy [ Completed] © Cacai1981
Romance(for mature readers only! 18+) "Joaquin, I'm demanding you to not go any further" ang sabi ni Robyn habang naglalakad paatras at nakaturo ang kanyang index finger kay Joaquin. She's afraid of what she's feeling towards him. Para bang sasabog ang kan...