Chapter 1

5.5K 77 1
                                    

“HOPE...sigurado ka bang gusto mo na talagang umuwi?” malungkot ang mukhang tanong ng tiyahin niyang si Aling Layla sa kanya habang ikinakarga na niya sa trunk ng kotse ang kanyang baggage bag. Nakatatandang kapatid ng ama niya si Layla at alam na alam niyang siya ang paborito nitong pamangkin.

“Sorry Tita pero kailangan ko na po talagang bumalik, two months leave lang po ang paalam ko sa ospital, kung tutuusin ay overtime na ako.”

“Pero paano kung magkasakit na naman ako? Alam mo naman na ikaw lang ang nag-aalala sa akin.”

“Oh, come on Tita!” Isinara niya ang trunk. “Nandiyan naman ang mga pinsan ko, si Ara Grace,” aniyang sinulyapan ang pinsan na pinatirikan siya ng matang nakangiti.

“Pero nurse lang siya, ikaw doctora.”

Hindi na niya patuloy na kinontra ang tiyahin. Nilingon nalang niya ito at niyakap. “Hayaan mo Tita babalik ulit ako dito sa probinsiya kapag muli akong makahingi ng leave. At sa susunod ay isasama ko po si Joey at nang makilala mo siya”

Si Joey ay ang naiwan niyang fiancé sa Maynila. Tulad niya ay isa din itong doctor sa ospital na kanyang pinagtatrabahuan. Gusto sana niyang sumama sa kanya ang nobyo noong mabalitaan niyang lumubha ang sakit ng tiyahin niya na nagsimula lang sa trangkaso, pero tumanggi si Joey. Ang dahilan nito ay maiikling panahon lang naman daw ang ilalagi niya sa probinsya at magtawagan nalang raw sila ng madalas. Subalit hindi naman niya inaasahan na masyadong mababa ang signal ng cellphone sa lugar ng tiyahin niya. Hindi rin ito gumagamit ng internet, ‘ni wala ngang computer. Lahat ay makaluma sa tahanan nito, palibhasa ay may edad na ito, isa pang matandang dalaga kung kaya walang mas bata-bata ang hihiling ng mga makabagong gamit.

Nakakapagod din para sa kanya ang maglakad ng halos tatlong kilometro patungo sa bayan para lang makapag-internet. Ayaw din niyang gamitin ang kotse dahil sa lubak-lubak na daan. Kung kaya nagpadala nalang siya ng sulat sa nobyo ngunit sa dinami-dami ng ipinadala niya ay wala kahit isa man lang sa mga ito ang sinagot ni Joey.

Nag-aalala na siyang baka hindi nakarating ang mga sulat niya, pero dahil sa wala namang bumabalik, naisip niyang siguro ay marami lang ginagawa ang nobyo. Isa kasi ito sa mga resident doctor sa ospital, at labis din ang paghahanda nito para sa nalalapit nilang kasal.

Kahit nang naruon pa siya sa tabi nito ay halos wala na silang oras, kaya nga excited na siyang makasal sila at nang makasama na niya ito sa bawat libreng oras, tulad ng pagtulog, pagkain... at marami pang ibang normal sa mag-asawa.

Hindi na rin masasabing masyadong maaga para magpakasal siya, twenty-eight na siya at twenty-nine naman si Joey, at kung ang tagal ng pagiging magkasintahan nila ang pag-uusapan ay masasabi niyang dapat ay matagal na silang nakasal. Isang taon na silang engage at magkasintahan na simula pa ng graduating sila sa high school.

Buntong-hiningang patuloy na lumipad ang isipan niya sa mga oras na maging misis na siya ng nobyo.

Mrs. Hope Regala-Vegas... Ahh, I like the sound of it...

Natigil lang ang pagpapantasya niya ng mamataang titig na titig sa kanya ang pinsan at tiyahin.

“Ah! Sorry,” humahagikhik na paumanhin niya sa dalawa.

Pilyang ngumisi lang si Ara at tinukso-tukso siya, samantalang nakasimangot namang pinag-krus ng tiyahin niya ang mga braso sa harap ng dibdib nito. “Sigurado ako ang Joey na ‘yan ang dahilan kung bakit hindi kita mapigil-pigil sa pag-uwi,”

“Ding. Ding. Ding! Binggo!” patuloy naman na pambubuska sa kanya ni Ara na kinakingiti lang niya.

“Siya, siya. Umalis ka na bago pa kita igapos at ikulong sa loob ng bahay!” patuloy ng tiyahin niya na pinagtutulakan na siya patungo sa driver side ng kotse.

Binuksan niya ang pinto at minsan pa niyang nilingon at niyakap ang tiyahin na noon ay tila iiyak na binalikan siya ng mahigpit na pagyakap. Nang pakawalan siya ng babae ay ibinilin muna niya kay Ara na huwag pababayaan ang kanilang tiyahin bago siya tuluyang umalis.

*****

SA KAMA agad ang bagsak ni Hope nang makarating siya sa pag-aaring condo sa Quezon. Subalit kahit na pagod na pagod siya, nakahiga sa kamang idenayal pa rin niya ang cellphone number ni Joey.

Ring lang nang ring ang narinig niya sa kabila pero naghintay pa rin siya at sa tagal ay nakatulogan na niyang nasa tainga ang awdotibo ng telepono.

Sa himbing ng kanyang pagkakatulog hindi na niya narinig na tinig ng isang inis na babae ang sumagot sa privadong numero ng nobyo.

Alas tres na kinaumagahan nang magising si Hope, katabi ang telepono.

Excited siyang bumangon sa kama, naligo at naghanda ng almusal. Ibinalot at maingat niyang nilagay sa dalawang lunch boxes ang mga pagkaing inihanda, tapos ay nagmamadali na siyang umalis patungong ospital.

Hindi na siya tumawag pa sa nobyo, siguradong tulog pa ito, kung kaya su-sorpresahin na lang niya ito sa kanyang pagdating, magkasama na nilang pagsasaluhan ang inihanda niyang pagkain. Iyon ang planong nasa isip niya nang kanyang katukin ang private quarter nito sa ospital.

Ang hindi niya inaasahan ay siya pala ang masosorpresa nang nakatampi ng tuwalya nitong buksan ang pinto at masulyapan niyang may babaeng nakahiga sa kama nito sa loob. At sigurado siyang hubad ang babae sa ilalim ng kumot na nakatakip sa katawan nito.

“Kaylan ka pa dumating?” kalmadong tanong ni Joey sa kanya bahagya pa siyang itinulak palayo sa pinto at lumabas at isinara ang pinto.

“Kagabi. Dumating ako kagabi. Tinawagan kita pero hindi mo nasagot ang cellphone mo kaya nakatulog ako sa kahihintay,” sagot niya, sinilip ang pintuan ng quarter nito bago tingalain ang nobyo. “Now, bakit dito tayo nakatayo sa labas? Pumasok tayo sa loob at nang sabay na tayong nakapag-almusal,” aniya na hindi pa rin makombinse na pinagtataksilan nga siya ng fiancé kahit na naruon na ang maraming senyales at ibidensya sa harapan niya. Hanggang hindi niya muling nakikita ang silid ng binata ay hindi niya magagawang paniwalain ang sarili.

After all it could only be my illusion, sabi muli ng isipan niyang mariing itinatanggi ang nakita. Baka naman dahil sa antok kung kaya may anu-ano akong nakikita.

“Pero—” balisang nagpalinga-linga si Joey.

“Come on, palagi naman akong nakakapasok sa silid mo! Hindi mo na kailangang mahiya sa akin,” nangingiting wika niya at medyo sapilitan nang hinawi ang nobyo palayo sa harapan ng pinto para iyon ay buksan. Subalit bago pa niya iyon magawa ay maagap na siyang napigilan ni Joey. At dahil sa ginawa nito ay lalong unti-unti na talaga siyang nakakadama ng insecurities.

Nakipag-agawan siya sa nobyo hanggang sa tapikin na nito ng marahas ang kamay niya. Tumalbog ang dala niya lunch boxes at tumama sa pader ng coridor, nabuksan at pataob na lumanding iyon sa sahig ng ospital.

“Ano bang nangyayari sayo!” malakas ang tinig na singhal niya sa nobyo. “Bakit ba ayaw mo akong pumasok sa silid mo! May tinatago ka ba sa loob?”

“Joey? What’s going on?”

Sabay silang napalingon sa babaeng malambing na nagtanong mula sa bumukas na pinto ng quarter ng binata at parang istatwang nanigas si Hope ng makita ang nakababata niyang kapatid.

“C-Charity…?” Nanghihina ang tuhod na nalugmok siya sa kinatatayuan bago tuluyang mandilim ang paligid sa paningin niya.

_________________________________________________________________

AN: How's the story? Please comment or vote! Thank you for reading!

I'm Not Gonna Cry (Filipino romance) [complete- to be edited]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon