Chapter Seven
D e n n i s e
Hindi ko masyadong inisip 'yong hindi pag-reply kaagad ni Alyssa sa usual 'good morning' text ko sa kanya kaninang umaga. Baka nga kasi pagod pa siya dahil sa mga nangyari kahapon at napahaba ang tulog. Nakainom din siya kagabi. Inalala ko 'yong mga nangyari at gaano kasaya 'yong araw na iyon dahil magkasama kami. Nakasama niya ang pamilya ko tapos mag-kasundo pa sila ng Dad ko (na hindi ko kasundo). Lalo pa akong sumaya noong nakilala ko ang friends niya. Lumalalim na talaga ang relasyon naming dalawa. Kinilig ako naisip kong 'yon.
Lumipas ang isang oras at hindi pa rin siya nag-rereply. 1 hour ago mula noong usual na gising niya. 2 hours kasi bago siya pumasok sa work ay gumigising na siya. Ngayon ay 1 hour nalang, kaya tinawagan ko na siya baka sakaling ma-late siya. Matagal pa naman 'yon maligo. Kaso ring lang ng ring. Walang sumasagot. Baka nga tulog pa siya. Mga tatlong beses siguro ako tumawag pero hindi pa rin niya 'yon sinasagot. Wala akong magawa kung hindi ang asikasuhin nalang ang sarili dahil may klase rin ako ngayon. Lumilipad ang utak ko habang may nagsasalita sa harapan. Panay ang silip sa phone kung may text na ba siya. Pero wala, eh. Magpapaalam naman 'yon kung mayroon siyang gagawin. Imposible namang walang load. At grabe naman kung natutulog pa siya hanggang ngayon. Baka. Siguro nga. Gahaman 'yon sa tulog minsan, eh.
Kalahating araw na ang nakalilipas ngunit wala pa rin talaga. Nahihiya naman akong tumawag sa kanya kasi baka kung nasaan siya at naka-istorbo pa ako. Nakaalis ako ng school ng ala-cinco. Nag-simula na akong mag-alala. Naisipan kong pumunta sa Seaside. Mag-babaka sakaling nandoon siya. May mga hindi magagandang bagay ang pumapasok sa isip ko ngunit lahat 'yong ay itinataboy ko. Pinaaalalahan ko ang sarili kong kumalma lang. Ilang oras pa lang naman, eh.
Pag-dating ko sa Seaside, nabigo na naman ako dahil wala siya doon. Napahinga ako ng malalim. 'yong puso ko nag-uumpisa nang kumirot. Hindi 'yan, Den. Sabi ko sa sarili ko. Kalma ka lang. Huminga ulit ako ng malalim at umupo kung saan kami madalas nakaupo noon. Panay pa rin ang tingin ko sa phone ko upang tignan kung mayroon na siyang text, o tawag. Malapit na mag-ala siete. Isang oras na siyang nakalabas sa trabaho. Nakaupo pa rin ako rito. Nag-hihintay. Sinubukan ko ulit tumawag, for the second time ngayong araw, pero nakapatay na 'yong phone niya.
Kumakabog-kabog na iyong puso ko. Lumalakas at pabilis na nang pabilis ang tibok. Natatakot na ako.
Tinext ko si Mona kahit medyo nahihiya pa ako. Sinabi ko sa kanya na hindi nagpaparamdam si Alyssa sa akin mula kaninang umaga. Tinanong ko kung anong nangyari kagabi, kung bumalik pa siya. Kasi medyo narinig ko 'yong sinabi ni Aly bago kami lumabas noong gabing iyon. Ang sabi niya naman ay oo raw, bumalik si Alyssa pero nakauwi naman daw siya dahil tinext niya pa si Mona n'un. Medyo nakahinga ako ng maluwag. Kaso hindi pa iyon sapat kaya tinext ko rin si Synj na ka-trabaho niya. Tinanong ko kung nakita niya si Aly ngayon sa trabaho. Tinanong ko kung ayos lang ba siya. Ang sagot niya ay:
Yes, pumasok siya. Sabay pa nga kami nag-lunch kanina and she looks okay naman. Why? May problema ba kayo?
Hindi ko alam kung dapat ako maging masaya o malungkot sa text na iyon ni Synj. Masaya dahil ayos lang siya. Malungkot dahil sa nangyayaring ito na hindi ko maintindihan. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito. Kung bakit hindi niya ako itenetext, tinatawagan. Pero ayokong mag-alala at lalong mas ayokong mag-isip nang kung anu-ano. Umuwi ako sa bahay nang pinipigilang mag-isip ng hindi maganda. Napahiga lang ako sa kama ko at pilit na kinakalma ang sarili. Relaks, Den. Sabi ko. Gumagana naman 'yong pag-kalma ko sa katawan ko at isip ko. Nakakapanibagong feeling. At ayon, nakatulog ako nang steady lang ang kalmado. Ganoon pa rin ang mood ko kinabukasan. Steady. Kalmado. Kaso wala pa rin siyang text pag-gising ko. Wala pa ring kahit anong tawag. Pero kahit ganoon, tinext ko pa rin siya. Malay ba natin na ano lang ang nangyari sa kanya kahapon, hindi ba. Miss ko na siya. Gusto ko nang marinig 'yong boses niya. Gusto ko na makita 'yong mukha niya. Gusto ko nang mahawakan 'yong mga kamay niya. Gusto ko nang maramdaman 'yong katawan niya. Gusto ko na siyang makita at yakapin na sobrang higpit.