Love. Sex. Insecurity.
[Chapter 25 : Final Chapter]
By: Crayon
****Kyle****
5:07 pm, Saturday
July 28
Nakaupo ako sa isa sa mga benches sa open field ng university. Naisipan kong dumaan sa loob ng campus matapos kaming mag-gym ni Lui.
Maraming pamilya ang nakaupo sa malawak na damuhan ng open field, may ilan ring nagtatakbuhan sa paligid ng open field. Isang tipikal na sabado sa Unibersidad ng Pilipinas.
Tuwing ganitong mag-isa ako ay hindi ko mapigilan ang mahulog sa malalim na pag-iisip. Medyo magaan na ang pakiramdam ko ngayon kumpara noong mga nakaraang buwan. Ginugugol ko halos lahat ng oras ko sa pag-aaral. Nagsimula na kasi ang mga exams ko. Madalas rin ang ginagawa ko ngayong pag-takbo at pagpunta sa gym. Medyo bumaba na ang timbang ko dahil sa mga ginagawa ko.
Madalas kong kasama si Lui. Alam niya na halos ang schedule ko sa buong linggo kaya madalas ay pinupuntahan niya ako sa apartment ko kapag alam niyang wala akong klase. Tulad ng napag-usapan na namin ay nanatili lamang kami na magkaibigan. Natutuwa naman ako sa kinalabasan ng pag-uusap namin na iyon dahil naging mas komportable ako sa kanya. Malaya ko na ngayong nasasabi sa kanya ang mga saloobin ko. Sa madaling sabi ay naging mas maganda ang aming pagkakaibigan.
Gayundin ang nangyari sa amin ni Alvin. Naging mas maayos na ang pakikitungo namin sa isa't-isa. Hindi niya na ako gaano iniinis. Kapag wala si Lui ay siya ang kinakausap ko sa tuwing nalulungkot ako. Mabuti naman pala talaga siyang tao at masarap pang maging kaibigan.
Alam kong hindi pa ako completely nakaka-move on mula sa kalungkutan pero kahit papaano ay natututo na akong mabuhay muli.
Wala akong balita kay Renz o Aki. Alam kong nagkikita sila Alvin at Renz kung minsan pero hindi naman ako kinukwentuhan ni Alvin ng anuman tungkol kay Renz. Minsan nga ay nae-engganyo ako na magtanong pero pinipigilan ko ang aking sarili. Mas ok siguro na mag-focus muna ako sa pag-aaral.
Sinubukan kong balikan ang mga nangyari sa nakalipas na dalawang taon. Nakakalungkot lang isipin na may mga taong hindi ko na kasama ngayon. Pero natutuwa ako dahil madami akong natutunan sa mga nangyari. Ilang beses akong nagkamali, at natuto ako sa mga pagkakamali ko na yon. Nararamdaman kong mas matatag ako ngayon.
Aaminin ko sa sarili ko na namimiss ko si Renz at Aki.
Namimiss ko ang minsan ko naging bespren na si Renz. Namimiss kong uminom at pumarty kasama siya. Namimiss ko ang makipagkulitan sa kanya. Hinahanap ko yung mga titig niya na para siyang batang paslit. Namimiss ko siyang awayin.
Di ko mapigilang ngumiti habang inaalala ko yung mga bagay na pinagdaanan namin noon. Yung mga panahong masaya pa kaming magkaibigan.
Paminsan-minsan ding pumapasok sa isip ko si Aki. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa kanya at hindi pa ako nakakahingi ng tawad. Namimiss ko si Aki sa tuwing nalulungkot ako. Kahit na sabihing andyan si Lui at Alvin tuwing nalulungkot ako. Namimiss ko pa rin yung sasandal ako sa dibdib ni Aki at kukwentuhan niya lang ako hanggang sa maging okay na ako. Namimiss ko yung pag-aalaga niya sa akin at pilit na pagpapatawa sa akin sa tuwing nakasimangot ako.
Bumuntong hininga ako.
Kapag okay na ako. Aayusin ko ang mga gulong ginawa ko. Hindi naman pwedeng habang buhay ko na lang sila pagtaguan. Kasi at some point namimiss ko din naman sila bilang kaibigan ko.
Hindi man kami magkatuluyan ni Renz, pwede pa din naman siguro kami magkaibigan. Maging mag-bespren uli.
Alam kong nasaktan ko si Aki at gusto ko humingi ng tawad.
![](https://img.wattpad.com/cover/181898153-288-k960031.jpg)