Love. Sex. Insecurity.
[Book 2 : Chapter 23]
By: Crayon
****Kyle****
10:36 pm, Saturday
July 11
Last day na namin sa isla ngaun. Bukas ng umaga ay babalik na kami sa Maynila. Pipirmahan na ni Aki ang resignation letter ko. Makikita ko na uli si Renz. Hahanap ako ng ibang trabaho. Hindi na muli pa kaming magkikita ni Aki. Iyan ang original plan ko bago kami tumungo dito. Hindi ko akalain na sa napakaikling panahon ay madaling mababago ni Aki ang isip at nararamdaman ko.
Ang totoo ay ayaw ko pang umalis. Kung maaari lamang ay mas nais ko na dito na lamang kami ni Aki sa isla habang buhay. Simple lang at tahimik pero masaya kami. Sobrang masaya. Pero alam kong hindi ko pwedeng takbuhan na lang ang mga bagay at taong naiwan ko sa Maynila.
Hindi ko maipaliwanag ang sakto kong nararamdaman ng mga sandaling iyon habang tahimik akong nakaupo sa duyan sa ilalim ng puno ng mangga. Habang pinapanood ko ang pagsayaw ng mga alon at pagkinang ng bituin ay sinasariwa ko ang nagdaan sa maghapon.
Nakakatawa na para kaming linta ni Aki na di mapaghiwalay. Hindi nakaligtas sa akin ang mga tingin ni Manang Delia sa amin. Tila natutuwa ito sa pagiging malapit namin ni Aki. Pagkagising ko pa lamang nung umaga ay agad kong napuna ang kakaibang lambing ni Aki. Nabungaran ko siyang nakatingin sa akin habang natutulog ako at hinihimas ang buhok sa aking ulo. Nang makitang gising na ako ay agad akong ginawaran ng mabilis na halik sa aking labi na nagpamula sa aking mga pisngi.
Hawak kamay naming tinungo ang kubo kung saan kami nag-almusal. Pagkatapos noon ay sabay kaming naligo sa dagat at naglakad sa paligid ng isla. Matapos kumain ng pananghalian ay pinili naming manatili na lamang sa loob ng tree house. Kapwa kami nakahiga sa kama. Yakap niya ako habang nakaunan ako sa kanyang dibdib. Masarap sa pakiramdam na may yumayakap ng ganoon sa iyo, parang walang sinuman ang makakapanakit sayo. Kuntento kong pinapakinggan ang paulit-ulit na pagtibok ng puso ni Aki, ang pagtaas-baba ng kanyang tiyan habang humihinga, at ang pakiramdam ng kanyang kamay sa aking katawan.
Napabuntong-hininga ako sa isiping iyon. Alam kong hahanap-hanapin ko iyon kapag bumalik na kami sa Maynila.
Nakalimutan ko ng i-text si Renz o mas tamang sabihing pinili kong hindi na lang siya i-text upang makaiwas. Ayaw kong masira ang mga natitirang sandali namin sa isla ni Aki.
Hindi ko alam kung malas lang ako o sadyang tanga lang ako pagdating sa pag-ibig kaya lagi na lang kumplikado ang mga bagay para sa akin. Nakakapagod na din kasi. Tanda ko pa kung gaano ako nabaliw noon dahil sa pagkagusto ko kay Renz. Kung gaano ako kasaya sa tuwing magkasama kami. Kung gaano kalakas ang tawa ko sa tuwing nagkukulitan kami. Kung gaano ako kabwisit sa tuwing iinisin niya ako at kung gaano ako natutuwa sa tuwing aamuhin niya ako. Naaalala ko pa kung paano ako namanhid nang makita ko siyang may kasamang iba. Ramdam ko pa yung sapak niya sa akin dahil kay Alvin. Tanda ko rin ang bawat salitang sinabi ko sa kanya noon sa tapat ng bahay nila nung magpaalam ako na aalis.
Sa mga panahon na iyon ay kasama ko si Aki siya ang naging kakampi ko noon. Siya ang gumanti kay Renz ng suntok nung mga panahong hindi ako makagalaw dahil sa sakit na nararamdaman ng puso ko. Siya yung matyagang naghanap sa akin nung maaksidente ako sa Antipolo. Siya yung una kong pinagsinungalingan na boyfriend ko si Lui kahit na hindi naman. Sa kanya ko nakita yung sakit na madalas kong nakikita sa mata ko sa tuwing humaharap ako sa salamin. Siya yung nag-alaga sa akin nung may sakit ako. Tinuruan ako kung paano bumangon at magsimula uli.
After two years, malaki ang pinagbago naming tatlo. Nakatapos ako sa aking pag-aaral, nagtransform din ang itsura ko, at naging mas tiwala sa sarili. Iniwan ko na ang social whore na image, sinubukan ko nang magpakabait.
![](https://img.wattpad.com/cover/181898153-288-k960031.jpg)