ILANG beses na nag-inhale-exhale si Armie habang hinihintay nila ang hudyat ng stage director kung kelan sila pwedeng lumabas at maglakad papunta sa pool area ng Palazzo Arrastia. Dalawampu't tatlo silang kandidata ng Miss Global Beauty na pawang ang suot ay magkahalong pink at black na one-piece bathing suit. Nakasuot din sila ng heels na five-inches ang taas na tinatantiya pa rin niya kung paano ang tamang paglakad nang hindi nadadapa.
"Patty, you okay?" tanong sa kanya ni Yasmin.
Tumango siya, kahit malayo siya sa pagiging 'okay.'
"How do I look?" tanong muli sa kanya ni Yasmin bago umikot sa harap niya at nag-pose.
"Ang ganda-ganda... at ang seksi-seksi mo," sabi niya nang walang halong pagsisinungaling. Maganda talaga ang hugis ng katawan ni Yasmin. Twenty-three inches ang waistline nito habang siya, twenty-five. Kaya kailangan niyang matagal-tagal na mag-stomach-in chest out para hindi naman siya magmukhang bundat kumpara sa mga ibang kandidata.
Nilibot niyang muli ang tingin sa paligid at napansin ang pagbubulungan ng contestant number 13 at 15 habang nakatingin sa direksyon nila ni Yasmin. Nang mapansin ng mga ito na nakatingin siya ay nag-iwas ang mga ito ng tingin.
"Okay, girls! I need you to come out of here!" pumapalakpak na sabi ng isa sa mga nakaitim na staff ng Miss Global Beauty. "Line up according to your numbers, please! Saka na 'yung according to beauty, ha? Here we go, we're moving! Go, go, go!"
Number 20 si Yasmin, habang number 19 naman siya. Iyon ang isa sa mga pinagbigyang request ng pageant organizers, bukod sa sila ni Yasmin ang magkasama sa hotel room na iyon, at ang hindi na niya pagdaan sa selection committee. Basically, "binili" ni NBI Director Ignacio ang slot niya para mabantayan ang kaisa-isang anak nito.
Nakapila na sila ni Yasmin nang lumingon siya at nakatagpo ng tingin si Gravamen na abala sa pag-aayos ng mga makeup at ilang mga gamit na nakakakalat sa kwartong iyon. Si Barbadillo naman ay may dalang makeup brush at face powder para mag-retouch ng makeup sa mga nagre-request na lagyan ng powder ang mga nangingintab na ilong.
Sinadya na siya ang maunang number kay Yasmin para ma-assess na niya agad ang paligid sa posibleng panganib. Nang magsimula nang umandar ang pila ay bahagya siyang nagpanic. Malalaki at mabibilis ang hakbang ng mga kandidatang nasa unahan niya. Hindi naman 100-meter dash itong sinalihan nila, ah?
"Go, go, go! Double time, girls! Tumbling na if you need to be!! Go, go, go!" pumapalakpak pa rin ang staff ng pageant habang nakatingin na sa kanya at nakataas ang kilay. Inalis niya ang tingin dito at hinabol ng tingin ang Contestant Number 18 na kumanan sa may mga hala-halaman. Iyon nga yata ang papuntang pool area.
Napatda siya nang makita sa pinaglikuan si Mac na nakasuot ng blue-polo shirt at sunglasses na uniform ng mga security officer ng hotel na iyon. Inalis niya ang tingin dito. Stomach-in, chest out, wag itupi ang tuhod—
"PUUUUT—" Hindi niya napansin ang isang hakbang pababa!
Isang malakas na pwersa ang humawak sa braso't likod niya na pumigil sa kanyang tuluyang mawalan ng balanse.
"Pangatlo mo na 'yan. Why do you keep on falling when I'm around?"
Kahit hindi lumingon si Armie ay alam niyang si Mac ang nagsalita at siya ring nakaalalay sa kanya ng mga oras na iyon.
"Make that your last, Mananquil. If you fall in front of the media, they will have their claws dig into who you are, where you're from, what's your background. And we don't want that, do we? So you better keep both feet on the ground, literally." Pagkasabi noon ay binitawan na siya nito.
Huminga siya ng malalim bago tumango-tango ng mabilis bilang sagot dito. Nagpatuloy siya sa paglakad. Bahagya niyang ikiniling ang ulo at nasulyapan niya si Mac na inaalalayan si Yasmin sa bahagi kung saan siya muntikan nang madulas kanina.
"Smile and wave, girls! Smile and wave!" sigaw sa kanila ng isa sa mga staff.
Smile and wave-in mo mukha mo, inis na sabi nang isip niya. Ngunit nang makita ang dagat ng mga camera na nakatutok sa kanya at sunud-sunod ang pagkuha ng litrato niya ay biglang nag-flash sa isip niya ang seryosong mukha ni Mac, parang teacher na handa na naman siyang sermunan at ipahiya dahil sa mga kapalpakang pinaggagagawa niya...
Napa-'smile and wave' na rin tuloy siya.
![](https://img.wattpad.com/cover/192506437-288-k59436.jpg)
BINABASA MO ANG
The Queen of Shields
RomanceFrom being a PNPA cadet to a Beauty Pageant contestant slash undercover agent. Will Armie survive the training? Parang mas mahirap pa para sa kanya na maglakad ng naka-high heels kaysa mag-martsa sa ilalim ng nakaka-tustang init ng araw. At paano ba...