Part Seventeen: A Vice Mayor's Offer

722 36 8
                                    

"...Talaga ang una kong tinitingnan sa guys. Malapad na balikat ta's pa-V yung shape ng katawan? Mmmmm!" bulong ng nasa unahan niya na si Candidate Number Six sa katabi nitong si Candidate Number Seven.

Nilingon niya si Yasmin para alamin kung naririnig nito ang pinag-uusapan ng dalawa ngunit abala ito sa pagre-retouch ng makeup nito kaya hindi na niya ito inabala pa.

"Kaya lang, sekyu pa rin 'yan kahit na anong mangyari. Ikaw, willing ka ba do'n?"

"Non-negotiable ko 'yan, girl. Kailangan mas malaki ang kinikita sa 'kin ng guy. Kaya nga ako sumasali sa mga beaucon eh, pampataas ng value, girl!"

"Oh, natapos na rin ang acceptance speech ni Vice."

"Akala ko aabutin na tayo ng eleksyon dito, girl!"

"In fairness, cutie din 'tong si Vice, 'no?"

"Kay Kuya Guard pa rin ako, girl."

Napailing na lamang siya bago muling ibinaling ang atensyon sa unahan nila. Naghanda na muli ang mga bata na mag-animate ng ikalawang kanta nila. Tumugtog ang kantang "You Raise Me Up" ni Josh Groban. Nang sabay-sabay na nag-animate sa chorus ang mga bata at kumanta, nagsimula nang mag-iyakan ang mga nasa paligid niya. Maski si Yasmin ay tuloy-tuloy ang mahinhing pagpahid ng luha sa mga pisngi nito. Nag-iwas siya ng tingin nang lapitan ito ng isang taga ABC-GMN at picture-an. Kailangan na rin ba niyang umiyak?

Nang matapos ang kanta ay nagsipagpalibutan sa kanila ang mga bata at nagmano sa kanila, ang iba ay yumakap pa. Si John Lloyd ay hindi na umalis sa tabi niya, habang ang ibang nagsisipaglapitan ay panay ang tanong sa kanya kung ano'ng pangalan niya, saan siya nakatira, ilang taon na siya. Paminsan-minsan ay sinusulyapan niya si Yasmin na siyang may pinakamaraming nakapalibot na mga bata at mga camera.

"Miss Patricia? Miss Patricia Santos?"

Isang lalaking nakasalamin at tadtad ng tigyawat sa magkabilang pisngi ang pinanggalingan ng boses.

"Ako po 'yon, si Patricia Santos. Bakit po?" Sa tingin niya ay ka-edad ito ni Mac kaya nag-po na lamang siya.

"Ahm, I'm Anthony Jubelag, isa ako sa staff ni Vice-Mayor Rosende. Pwede ba kitang makausap saglit?"

"Okay lang naman, Sir. Tungkol saan po ba?"

"Pwede ka bang makausap privately?"

Kumunot ang noo niya sa narinig. Sinulyapan niya si Yasmin na kasalukuyang may nakatutok na video camera at ini-interview ng isang TV reporter. Si Mac ay nasa pwesto pa rin nito, maging si Barbadillo, Salvacion, at Copino. Siguro naman ay ayos lang kung iwan niya saglit ang post niya?

Tumango siya sa lalaki at sumama rito papunta sa may sulok na bahagi ng hall. At dahil mukhang personal na bagay iyon at walang kinalaman kay Yasmin ay in-off niya ang microphone ng earpiece niya. Hindi na siguro siya masisita doon ni Mac.

"Tungkol saan yung pag-uusapan natin, Sir?"

"Ahm, kasi Miss Santos, I'll be direct na ha, gusto ka sana imbitahan ni Vice-Mayor sa bahay niya."

"Kaming candidates? Dapat organizers ang kinakausap mo, Sir, hindi—"

"I-Ikaw lang, Miss Santos. Ganito, pwede ka naming sunduin sa hotel n'yo mismo, pagkatapos ng mga pre-pageant activities n'yo. Kung okay lang kuhanin 'yung number mo—"

"Bakit ako lang?" May nararamdaman na siyang hindi maganda sa sinasabi ng lalaking ito sa harap niya.

"Ahm, let's just say that the Vice-Mayor really finds you very charming and... exquisite."

"Ayoko."

Bumakas sa mukha ng kaharap ni Armie ang pag-aalala sa narinig na sagot niya.

"Ahm, Miss Santos, ganito na lang, the Vice-Mayor is willing even to pay for the hours you'll spend with him—"

Hindi na inintindi ni Armie ang sunod nitong mga sinabi dahil kinailangan niyang kalmahin ang sarili, kahit ang gusto niyang gawin ay sapakin ang kaharap at sapakin din ang Vice-Mayor na mula sa gilid ng mga mata niya ay alam niyang pasulyap-sulyap sa direksyon nila. Napaisip siya kung nakilala ba niya ang Vice-Mayor na iyon sa Olongapo. Alam ba nito ang nakaraan niya kaya nito naisipang pwede siya nitong 'bilhin'?

Umiling-iling siya. Imposible. Matatandaan niya ang lalaki kung naging customer niya iyon sa Olongapo. At iyong mga ganoong pulitiko't VIP, ang mga star sa club nila ang tini-table ng mga iyon, hindi ang mga nene na katulad niya noong mga panahong nagta-trabaho pa siya sa club.

"Sir," aniya sa kaharap na nakalimutan na agad niya ang pangalan. "Pakisabi sa Vice-Mayor n'yo, hindi po ako for sale. Salamat!" Pagkasabi noon ay tumalikod siya at bumalik sa grupo ng magkakahalubilong bata, media at mga kapwa niya kandidata. Ambilis-bilis ng tibok ng puso niya at parang hinahabol niya ang paghinga. Isa sa mga staff ng foundation ang pinagtanungan niya kung saan ang CR at pinasamahan siya nito kay John Lloyd na agad namang sumunod. Inakay siya nito papunta sa CR.

"Thank you, John Lloyd! Sige na, balik ka na dun, 'wag mo na 'ko hintayin," aniya rito na nakangiti. Tumango ito at tumakbo pabalik sa activity area.

Pinihit na niya ang seradura ng pinto ng banyo nang makita sa gilid ng mga mata niya na may sumunod sa kanya. Ang lecheng alipores pa rin ba 'yon ng lecheng Vice-Mayor?

Nakahinga siya nang maluwag nang makitang si Mac iyon.

"What happened back there? You don't look okay."

Walang pag-aalinlangan na isinumbong niya dito ang lahat ng napag-usapan nila ng staff ni Vice-Mayor Rosende. Tuloy-tuloy lamang siya sa pagkukuwento at nanatili lamang nakikinig si Mac. Ngunit hindi nakaligtas sa kanya ang pagtiim-bagang at pagkuyom ng kanang kamay nito.

Nang matapos ang kwento niya ay saka lamang ito muling nagsalita. "As much as I'd like to crush that vice-mayor's skull with my bare hands, you know very well I can't do that now, right?"

Tumango siya.

Huminga ng malalim si Mac. "You're shaking," pansin nito habang nakatingin sa mga kamay niya.

Tiningnan niya ang mga kamay. Nanginginig nga ang mga iyon.

"Do you want me to get you water? O gusto mong samahan kita pabalik ng bus n'yo? Tell me what you need."

Hindi niya pinag-isipan ang naibulalas niyang sagot. "Payakap na lang, Kuya Mac."

Inilang hakbang lamang nito ang espasyo sa pagitan nila at saka siya ikinulong sa mga bisig nito. Ipinatong niya paikot ang ang mga braso sa mga balikat nito bago niya isinandal ang ulo sa balikat nito. Pumikit siya at ninamnam ang pakiramdam na walang pwedeng makapanakit sa kanya sa mga sandaling iyon. Noon kasing niyakap siya nito sa may fire exit, na-shock siya sa nangyari. Pero ngayon na siya ang humiling kay Mac na yakapin siya nito, at agad naman siya nitong pinagbigyan... parang pangarap lang iyon na biglang natupad. Ang sarap sa pakiramdam.

Siya na ang nagkusang unang bumitiw sa kanilang dalawa. Naramdaman niya ang mga bisig nito na dumadausdos sa tagiliran niya, tanda ng pagbitiw rin ito mula s apagkakayakap sa kanya. "S-Salamat, K-Kuya Mac," aniya bago siya pumihit at nagmamadaling pumasok ng CR.

Nakita niya ang sarili sa salamin na naroroon. Bukod sa bahagyang pamumula ng mga pisngi niya, kung titingnan ay mukha namang walang nangyari sa kanyang kakaiba.

Instant pala ang bisa ng yakap-sule ni Mac. Nawala bigla ang bigat sa dibdib niya.

The Queen of ShieldsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon