---💛---
MAARAW sa kanilang sakahan ngayong hapon kaya naisipan ni Raphael na gawan ng saranggola ang kambal sa likod-bahay, gaya ng ipinangako niya dito kanina. Nagugol siya ng kalahating oras para doon at nang matapos ay mabilis niyang tinawag si Dill at Dolly na nasa sa loob ng bahay.Kumaripas ng takbo ang dalawa niyang bulilit nang lumabas ito nang bahay at mahagilap siya. May nakapaskil na ngiti sa labi ng kambal nang lumapit ang mga ito sa kanyang tabi at agad na dinampot sa lamesang bato ang mga saranggolang gawa niya.
"Papa, galing mo po. Thank you!" maligalig na pagpapasalamat ni Dolly na sinundan pa ng paghalik nito sa kanyang pisngi.
Si Dill ay tahimik lang na kinakalikot ang saranggola na para bang pinag-aaralan kung paano ito ginawa. Napangiti na lamang si Raphael sa nasaksihan at giniya na ang dalawa sa kanilang pick-up. Natigilan siya sa pagbukas ng pinto ng sasakyan nang marinig mula sa kanyang likuran ang boses ni Dulce. Nilingon niya ang asawa habang ito'y bumabagtas palapit sa kanilang kinaroroonan. Nakasuot ito ng dilaw na bestida at ang nakalugay na buhok ay tinatangay ng hangin. Hindi niya mapagkakailang nagagandahan siya sa pagiging simple nito.
"Saan ang lakad niyong mag-ama?" tanong nito nang tuluyang makalapit, may kuryosidad sa tono nito.
"Doon lang sa sakahan. Paglalaruin ko lang ng saranggola itong mga bata," kalmadong sagot ni Raphael sabay haplos sa ulo ni Dill.
"Mama, maglipad po itong saranggola mamaya."
Tumango lamang si Dulce, senyales na pumapayag itong umalis sila saglit. Tipid na ngumiti si Raphael at inalalayan na ang dalawang bata sa pag-akyat sa backseat ng pick-up.
"Ay teka..." Natigilan si Raphael sa pag-aayos sa mga anak sa likod at agad na napalingon sa gawi ni Dulce nang magsalita ito sa kanyang tabi. "Igagawa ko muna kayo ng sandwich."
Iyon lang, at bigla na itong nawala sa kanyang paningin. Pagbalik nito, may dala-dala na itong mga sandwich na binalot ng tissue, kasama pa ng isang litro ng tubig. Agad naman itong sinalubong ni Raphael at tinanggap ang hinanda ng asawa para sa kanila.
"Salamat..." kaswal na sabi ni Raphael. "Babalik din kami agad."
Napatango si Dulce sa narinig. Gustuhin man niyang sumama, hindi naman siya inimbitahan ng asawa.
"Sige, mag-ingat kayo," wika ni Dulce at mula sa nakabukas na bintana ng sasakyan ay hinagkan ang mga batang kanina pa umaatungal na tumungo na sila.
Pumasok naman si Raphael sa pick-up at tinanguan siya. Nakatayo siya sa gilid ng pula nilang sasakyan at kinakawayan ang dalawang anak, piping humihiling na sana maisipan ni Raphael na pasamahin siya sa gala ng mag-ama. Pero ano pa bang aasahan niya?
"Huwag ka nang magpupunta kung saan, ha, Raphael," huling paalala niya bago nito pinasibad ang sasakyan.
Hindi na magawang sundan ni Dulce ang naging reaksyon nito. Bahala na, basta alam nito kung anong ayaw niya. Nanatili siya sa kanyang kinatatayuan habang tinatanaw ang mabilis na paglayo ng pick-up hanggang sa tuluyan itong mawala sa kanyang paningin. Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga bago naisipang pumasok na sa loob at abalahin ang sarili sa pagluluto ng kanilang hapunan.
"Ma'am..." Sumalubong sa kanyang pagpasok ang kanilang katulong sa bahay, si Dita. "May tumatawag po sa cellphone doon sa sala."
Mabilis na nangunot ang noo ni Dulce sa kanyang narinig, nagtataka kung sino ang tumawag. Ngunit nang may imaheng sumulpot sa kanyang isipan ay nandilim ang kanyang tingin at mabigat ang bawat hakbang na tinungo ang sala.
"Kailan mo ba titigilan ang asawa ko? Ha, Rosalinda?" pambungad niya sa taong nasa kabilang linya, puno ng ngitngit ang boses niya sa kasiguraduhang ang babaeng iyon ang tumatawag para makipagkitang muli kay Raphael.
"Dulce..."
Tila nabuhusan siya ng malamig na tubig nang mapagtantong boses-lalaki ang nasa kabilang linya at ito ay nasundan ng halakhak, tila ba tuwang-tuwa ito sa pinagsasabi niya kanina.
"Si Lazaro ito."
Mariin siyang napapikit sa kahihiyan. Kahit papaano ay naging kalmado siya at humupa na ang inis na bumalot sa kanyang sistema kanina.
"Akala ko si Rosalinda," naibulalas ni Dulce, at sa mababang tono ay tuloy nagtunog sumbong ito.
"Nagkikita pa rin ba sila?" may himig ng pag-aalala ang boses ni Lazaro sa kabilang linya.
Nakagat niya ang ibabang labi. Ang huling bagay na ayaw niyang maramdaman ngayon ay awa ng kanyang matalik na kaibigan. Hindi siya dapat nito kaawaan dahil siya mismo ang nag-udyok sa sarili niya sa lugar kung saan siya ngayon. Hindi siya tumutol noon nang matuklasang pinagkasundo silang dalawa ni Raphael ng mga magulang nila. Kaya tama lang ito sa kanya. Ito ang buhay na nararapat sa isang tulad niyang mapilit sa gusto.
"Hindi ko alam at hindi ko pa naman sila nahuhuling magkasama pero kasi halos araw-araw na wala si Raphael sa bahay," sambit niya. "Malay ko ba kung anong pinaggagawa noon."
"Baka ikaw lang din ang nag-iisip niyan," makahulugang ani nito. "Huwag ka munang mang-akusa kung wala kang pruweba."
Nagpakawala siya ng isang irap. Kung bakit kasi sobrang matalino itong kaibigan niya, ang dali nitong barahin ang pinaggagawa niya.
"Oo na. Teka, kumusta ka diyan sa Amerika?"
"Maayos naman." Hindi nakaligtas sa kanyang pandinig ang marahas nitong buntong-hininga sa kabilang linya. "Ikaw ang kumusta? Nami-miss na kita."
Sa sinabi ng kaibigan ay tila kiniliti ang pisngi ni Dulce, dahilan ng pag-inat nito sa isang matamis na ngiti. Sa likod ng kanyang isip ay pinagpapasalamat niya na may Lazarong nagpaparamdam sa kanya na kahit papaano ay mahalaga siya.
"Umuwi ka na kasi," tugon niyang may halong saya. "Ikaw lang mag-isa diyan sa Amerika, marami kami dito. Sila Tita at Tito, mga kapatid mo."
"Oo na, huwag mo namang ipamukha sa aking mag-isa lang ako dito," tumatawang sagot nito.
Naging mahaba pa ang pagkukumustahan at kwentuhan nila sa cellphone ngunit si Dulce ang pumutol sa linya.
"Basta, Lazaro, ha. Tawag ka lang kapag gusto mo ng kausap o kung may kailangan ka. Sige na, magluluto pa ako ng hapunan. Ingat diyan," pagpapaalam niya sa kaibigan at ibinaba na ang cellphone.
Matapos iyon, nagtungo siyang muli sa kusina at ganadong nagluto para sa mag-ama niya. May bahid ng ngiti sa kanyang mukha sa buong oras ng kanyang paghahanda ng kanilang hapunan. Masaya lang siya. Siguro ay nakakagaan din sa pakiramdam na may kaibigan siyang nakakausap at nalalabasan ng sama ng loob, libong milya man ang layo sa isa't isa.
---💛---
BINABASA MO ANG
This Love Is Golden
General FictionMasakit. Hindi iyon maipagkakaila ni Dulce. Masakit na makitang may sinisintang iba ang iyong asawa. Buong puso, buong kaluluwa, buong buhay niya, ibinuhos niya kay Raphael simula nang maikasal sila. Pero tanging sukli nito sa kanya ay ang kanilang...