---💛---
Bilang ni Dulce ang mga araw ng pamamalagi niya sa Amerika. Ngayon ay Sabado, at ang pang-apat na buwang paninirahan niya sa bahay na nirentahan ni Lazaro. Mahirap para sa kanya ang buhay dito, lalo pa't sa bawat gabi ay inaatake siya ng labis na pangungulila sa mga anak niya. Minsan nga ay naiisipan niyang umuwi na lang at lunurin na lang ang sarili sa kabiguang makalimutan ang pag-ibig para kay Raphael.
"Ehem."
Mula sa malalim na pag-iisip ay nabalik si Dulce sa reyalidad nang may maramdaman siyang presensiya sa kanyang tabi, sa itim na sofa dito sa sala.
"Tulala ka na naman," seryosong komento ni Lazaro nang lingunin niya ito.
Hindi niya namalayang dumating na pala ang kaibigan, suot pa rin nito ang uniporme ng pinagtatrabahuan nitong factory. Siguro'y dumiretso ito sa kanyang pwesto ngunit hindi niya lang iyon napansin dahil sa layo ng nilakbay ng kanyang isipan, pilit bumabalik sa iniwan niya sa Pinas. Napabuntong-hininga na lamang si Dulce at isinandal ang likod sa sofa. Sinundan lamang siya ng tingin ni Lazaro ngunit halata sa mga mata nitong nag-aalala ito sa estado niya.
"Hindi ko lang mapigilang... Alam mo na..." Napapailing siya habang nagku-kwento. "Hindi ko mapigilang isipin na mali ang pagpunta ko dito."
"Normal lang naman ang mangulila, Dulce. Naranasan ko na rin iyan dito," tugon naman ni Lazaro at nag-abot sa kanya ng isang burger.
Wala sa sariling tinanggap niya iyon at nagpasalamat. "Hindi lang ito bastang pangungulila lang, Lazaro. May mga anak akong iniwan doon, mga anak na nangangailangan pa ng aruga at gabay ng isang nanay."
Napatango-tango si Lazaro, tila ba nagpapahiwatig ng pag-iintindi. "Batid kong inaalala mo lang ang kalagayan ng mga anak mo, Dulce, pero naroon naman si Raphael. Tiyak na hindi niya pababayaan ang mga anak ninyo."
"Alam ko naman iyon," mahinang wika ni Dulce at umayos ng pagkakaupo. "Pero hindi noon mababago ang katotohanang napakawalang kwenta kong ina dahil nagawa kong iwanan ang mga anak ko. At... at para saan lang ba itong paglayo ko?" Biglang nabasag ang kanyang boses at tuluyang kumawala ang hikbi na kanina niya pa pinipigilan. "Para lang... para lang sa sarili ko."
Natahimik si Lazaro sa kanyang tabi, at pinagpasalamat niya iyon. Nagpatuloy lamang siya sa paghikbi at ibinuhos sa pagkakataong iyon ang lahat ng kipkip sa puso. Makaraan ang ilang segundo'y naramdaman niya ang palad ng kaibigan sa kanyang balikat. Marahan itong humagod roon at dahan-dahan siyang isiniksik sa dibdib nito.Lalo siyang napahagulgol at nawalan ng inhibisyon sa katawan.
"Hindi ko na alam," napasinghot si Dulce at muli niyang paglalahad ng saloobin. "Pagbalik ko, ano... Baka... Baka may sama ng loob na ang kambal sa akin. Baka hindi na nila ako kilalanin bilang ina."
Dahan-dahang bumitaw si Lazaro sa yakapan nilang dalawa ngunit nanatili ang mga kamay nito sa magkabila niyang braso at ipinaharap siya dito. "Dulce, maayos ang naging paghihiwalay ni Raphael kaya walang rason upang siraan ka niya sa mga bata. Isa pa, hindi lang ito para sa sarili mo, Dulce, kahit iyan pa ang paniniwala mo. Sa nakikita ko, ang paglayo mo ay isang sakripisyo para sa kanila. Para pagdating ng panahon ay mas madali sa kanilang tanggapin na magkahiwalay na ang kanilang mga magulang."
BINABASA MO ANG
This Love Is Golden
General FictionMasakit. Hindi iyon maipagkakaila ni Dulce. Masakit na makitang may sinisintang iba ang iyong asawa. Buong puso, buong kaluluwa, buong buhay niya, ibinuhos niya kay Raphael simula nang maikasal sila. Pero tanging sukli nito sa kanya ay ang kanilang...