Kabanata IX

1K 22 5
                                    

---💛---

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

---💛---

"NAGKITA kayo ni Rosalinda," maanghang na salubong niya sa kababalik lang na si Raphael, ang boses ay mahina ngunit nagsusumigaw ng uyam.

Kalahating oras itong nawala. Kalahating oras siya nitong pinaghintay. Sa tagal ay nainip na rin ang kanyang mga luha at nagsituyuan na lang ito sa kanyang nanlalagkit na pisngi. Hindi niya alam kung nagtungo si Raphael at Rosalinda sa ibang lugar dahil hindi na siya muling sumilip sa dalawa. Hindi siya tanga para hayaan ang sariling mabulag sa sakit.

"Nagkataon lang na naroon siya kaya kinausap ko na lang din," ani Raphael habang pinapaandar ang makina ng sasakyan.

Hindi napigilan ni Dulce ang pag-alpas ng sarkastikong tawa sa kanyang bibig. "Lang? Para mo namang sinasabing hindi mo iyon ginusto, eh, ang tagal mo ngang nakipagkamustahan."

"Hindi ko alam na humahaba na pala ang usapan. Nadala lang ako," paliwanag nito na may diin sa bawat bigkas ng salita.

"Kasi sabik kang makasama siya," diretso niyang sambit, tila kinaklaro sa asawa kung ano ang totoo nitong nararamdaman.

Inihinto ni Raphael ang kotse. Abot sa kanyang pandinig ang marahas nitong buntong-hininga bago humarap sa kanya nang nangungunot ang noo. Tila kutsilyong tumatarak sa kanyang mga mata ang titig nitong sobrang talim.

"Ano ngayon?' matigas nitong sambit. "Ano ngayon kung gusto ko siyang makasama? Kahit pa buong araw. Kahit pa buong buhay ko. Ano ngayon?"

Hindi napigilan ni Dulce ang pag-angat ng kamay. Isang nakakabinging sampal ang lumapat sa pisngi ni Raphael. Napabaling ang tingin nito sa bintana. Umawang ang labi ni Dulce sa pagkabigla sa nagawa.

Nais niyang haplusin ang pisngi ng asawa nang masaksihan ang pagpinta ng dugo sa parteng markado ng kanyang palad. Kinakain siya ng konsensiya at awa ngunit pinangungunahan din siya ng galit. Parehong nagtaas-baba ang kanilang dibdib, tila ba parehong kinakapos ng hininga mula sa tensiyong pumapaligid sa loob ng kotse.

"Ano, ayos na, Dulce?" sarkastikong sambit ni Raphael. "Tapos ka na?"

Humugot si Dulce ng lakas mula sa kaibuturan ng kanyang pagkatao. Lumaki siyang hindi nagpapakita ng takot. Ngayon pa ba? May karapatan din naman siyang magreact ng ganoon dahil kahit tanggihan man ni Raphael ang katotohanan, siya at siya pa rin ang asawa nito. At hindi gugustuhin ng isang may utak na asawa na ibang babae ang ginugusto ng kanilang mister.

"May pamilya ka na, Raphael! May pamilya ka na. Isipin mo naman ang mga anak mo," mariin niya ring sambit, at kahit na nalulula sa mga titig nito ay nanatili ang tapang sa sistema.

"Kaya nga, Dulce! Nandito pa rin ako!" Napaigik si Dulce nang hampasin ng kamao ni Raphael ang manibela ng kotse. "Nandito nga lang ako. Kayo iyong pinili ko. Ano pa bang gusto mo, ha, Dulce?"

Namumula na ngayon ang pares ng mga mata ni Raphael. Tagos sa kanyang pagkatao ang galit na ipinapakita nito sa kanya ngayon.

Akmang ibubuka niya ang kanyang naninigas na bibig upang magsalita nang mapahikbi siya. "Nandito ka nga pero hiling mo naman ang kalinga ng iba. Iyon ba ang depinisyon mo sa pagpili, Raphael? Pinili mo kami, sabi mo, pero sa nakikita ko, sa nararamdaman ko, pilit lang ang lahat."

"Paulit-ulit nalang tayo, Dulce," mariin nitong sambit sa mahinang boses, tila ba napapagod nang bumwelo sa ganitong usapan. Isinandal nito ang ulo sa upuan at pikit-matang hinilot ang sariling noo. "Nakakapagod na. Nakakasawa na, Dulce. Walang mangyayari sa takbo nitong relasyon natin kung ganito na lang palagi. Ilang ulit ko bang sasabihin iyon sa'yo?"

Naging hagulgol ang kanina lamang ay hikbi.

Sa naninikip na puso ay pinilit niya itong sagutin. Nagtataas-baba ang kanyang dibdib sa bawat salitang tinatapon, "Limang taon, Raphael. Limang taon kitang pinagsilbihan pero may nahita ba ako? Kahit katiting lang sana, Raphael!"

Napadilat si Raphael at isang blangkong tingin ang ipinukol sa kanya. "Wala akong hiningi sa'yo, Dulce. Wala akong sinabing mahalin mo ako kaya huwag mo akong singilin ng kung ano man."

Isang malakas na singhap ang kumawala sa labi ni Dulce nang biglang umandar ang sasakyan at mabilis itong pinaharurot ni Raphael pabalik sa kanilang bahay. Sa biyahe ay tahimik lamang si Raphael ngunit pansin niya ang pagpipigil nito ng galit mula sa ugat na bahagyang gumagalaw sa leeg nito at ang higpit ng kapit nito sa manibela ng kotse. Pumepreno ito kahit wala namang kakompetensiya sa daan. Habang siya ay pahikbi-hikbi lang sa tabi at piniling huwag nang magsalita.

Nang dumating sila sa bahay, walang sabing lumabas si Raphael sa kotse. Napaigik siya nang padabog na isinara ng asawa ang pinto nito. Sinundan ng kanyang nanlalabong tingin ang likod ni Raphael at natanaw ang paghinto ng pagwawalis ni Dita nang dumaan ang asawa niya sa gilid nito. Ni hindi man lang nilingon ang kawawang si Dita. Humugot siya ng malalim na hininga at lumabas na rin sa kotse. Agad siyang sinalubong ni Dita ng nag-aalala nitong mukha.

"Nag-away na naman po kayo, Ma'am?" diretsong tanong nito.

Napailing na lamang si Dulce at mapait na ngumiti. "Kailan ba hindi, Dita?"

Matapos iyong sambitin ay iniwan na niya doon si Dita at mabilis na umakyat sa silid nilang mag-asawa. Naabutan niya doon si Raphael na nakaupo sa gilid ng kama, nakayuko, ang mga paa ay magkalayo at ang mga kamay ay nakasiklop sa pagitan nito. Hindi niya mabatid kung anong nasa isip nito.

"Raphael," pagkuha niya sa atensiyon nito.

Marahas itong tumayo nang mapansin ang presensiya niya at tumungo sa nakabukas na bintana. Tumayo ito doon, nakakrus ang mga braso sa dibdib. At sa halip na bigyang-tuon siya nito ay nasa malayo ang tanaw nito. Pigang-piga ang puso ni Dulce habang pinagmamasdan ang asawa. Nilunok niya ang lahat ng kaya niyang lunukin bago ito nilapitan at kinulong sa kanyang yakap.

Natigilan si Raphael at mabilis na lumipad ang tingin sa babaeng bigla na lamang yumakap sa kanya. Ang babaeng kinaiisan niya ngayon at ayaw makita ay heto sa kanyang gilid, pinagdudutdutan ang sarili sa kanyang pansariling espasyo, sa kanyang puso. Sobrang higpit ng kapit nito at hindi na siya makahinga.

"Bitaw, Dulce," aniya sa mababang tono.

"Ayoko," tutol ni Dulce.

Ayaw ni Raphael na umabot pa sa ganito ang sitwasyon ngunit talagang inuubos ni Dulce ang kanyang pasensiya. Wala siyang maling ginagawa. Pero ang kitid ng pag-unawa ng asawa. Hindi man lang siya magawang pagkatiwalaan. Sawang-sawa na siya sa ganito.

"Isa, Dulce. Bitaw," matigas niyang sambit.

Umiling lamang ito at lalong ipinagsiksikan ang ulo nito sa kanyang balikat.

"Gusto kitang maramdaman, Raphael," sambit nito sa isang mahinang boses, tila may pagsusumamo at lambing.

Nilukob ng iritasyon ang katauhan ni Raphael dahil sa pinaggagawa ni Dulce. Naaasiwa siya. Napabuntong-hininga si Raphael at marahang itinulak ang asawa na napagtagumpayan naman niya. Dumaan ang sakit sa mukha ni Dulce ngunit sa mga pagkakataong ito ay sarado ang puso niya sa emosyon. Wala siyang maramdamang awa dahil inubos nito ang kabutihang kaya niyang ipakita.

"Gumawa tayo ng kasunduan, Dulce," diretsong sambit niya, may pinalidad sa kanyang boses.

Ito ang dapat niyang ginawa noon pa lang.

---💛---

This Love Is GoldenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon