---💛---
NANG SUMAPIT ang bagong araw, isang papeles ang bumungad sa tabi ni Dulce. Balot ng kuryosidad, bumangon siya, kusot ang mata, at sinilip kung ano ang nilalaman nito. Biglang tumigil ang mundo habang pinoproseso ng kanyang isipan ang nakalathala sa annulment papers na nasa kamay niya. Nanlalambot ang kanyang mga kamay nang dumako ang paningin sa pirmang nakatatak sa papel. Alam na alam niya kung kanino ito, kung anong ibig sabihin ng pirmang ito at kung anong hatid nito sa kanyang buhay.
Wala na talaga, paulit-ulit na sambit ni Dulce sa isipan. Pigil ang mga luhang hinaplos niya ang naninikip na dibdib. Tanggap naman niyang ito ang kahahantungan ng lahat, pero bakit kaysakit pa rin?
Humugot siya nang malalim na hininga at pumeke ng ngiti sa sarili. Hindi rito magtatapos ang buhay niya, wari ni Dulce sa sarili. Hindi sa annulment matatapos ang paninilbihan niya sa pamilya. May mga anak siyang dapat atupagin. Isang buntong-hininga ulit, at nilisan na ang kama. Kahit nanlalambot ang mga tuhod, at kahit nanhahapdi ang gilid ng mga mata dahil sa koleskyon ng mga luhang awtomatikong namuo roon, sinikap niyang gawin ang nakagawian.
Hinala niyang kapag nagkaraharap sila ngayong araw ni Raphael ay manlulugmok ang buong sistema niya. Ganunpaman, haharapin niya ito nang maayos at tatratuhing isang kaibigan. Dahil para saan na lamang ang naging pagsasama nila ng ilang taon kung magtatanim siya dito ng sama ng loob. Kahit may kasama itong sakit, ipinagpapapasalamat niya pa rin naman ang mga panahong natatawag niya pa ang sarili niyang asawa ni Raphael. Sa totoo lang, naging masaya siya sa piling nito kahit maraming kahit sa parte ng romansa.
Isa pa, wala siyang karapatang magdamdam dahil ito rin naman ang hiningi niya, hindi ba?
Matapos ang ginawang pagpapakalma sa sarili, naisipan niyang bumaba na at magprepara ng almusal para sa pamilya. At kung ang panahon nga naman ang may planong mang-asar, nagkasabay pa silang lumabas ni Raphael sa kani-kanilang mga silid. Oo nga't sinabi niyang matapang niya itong haharapin pero parang kay aga naman yata.
Natunaw ang depensa ni Dulce nang masalubong ang nangungusap na mga mata ni Raphael. Kaylamlam nitong tumingin na tila ba nasusukat nito kung gaano kabigat ang pakiramdam niya ngayon at natatakot itong dagdagan pa ang pasan niya. Upang ipakitang wala siyang sama ng loob sa lalaki ay nginitian niya ito. Huli niya ang bahagyang pagtaas-baba ng adam's apple nito bago tumango. Wala naman itong sinabi pa kaya nagdiretso na siya pababa sa hagdan. Ramdam niya ang pagsabay nito sa kanya. Napapakagat-labi na lamang siya habang pinapakiramdam ang presensiya ni Raphael, isang baitang lamang ang kanilang pagitan.Sa isip ni Dulce ay parang may nakasunod sa kanyang multo sa sobrang lamig ng pakiramdam niya.
Makaraan ang ilang segundo ng nakakabalisang katahimikan sa kanilang pagitan ay naisipan ni Dulce na kausapin si Raphael, "Napirmahan ko na rin pala iyong annulment papers. Ibibigay ko na lang iyon sa iyo mamaya."
"Sige," tipid na sambit ni Raphael mula sa likod. Natahimik na naman silang dalawa hanggang sa makaabot sa kusina.
Gaya ng nakagawian bago pa maghanda ng almusal ay ipinagtimpla niya muna ng kape si Raphael. Akala niya ay aalis ito pagkatapos maubos ang kape nito. Ganoon na lamang ang pagtataka niya nang manatili itong nakaupo sa silya doon. Ramdam niya ang pagsunod ng tingin nito sa bawat galaw niya.
BINABASA MO ANG
This Love Is Golden
General FictionMasakit. Hindi iyon maipagkakaila ni Dulce. Masakit na makitang may sinisintang iba ang iyong asawa. Buong puso, buong kaluluwa, buong buhay niya, ibinuhos niya kay Raphael simula nang maikasal sila. Pero tanging sukli nito sa kanya ay ang kanilang...