---💛---
NAKARAMDAM ng gutom si Dulce nang magising sa ilang oras na pagkatulog. Alas dos na ng hapon. Bumaba siya at nagtungo sa kusina. Agad niyang napansin ang katahimikan sa buong kabahayan.
"Dita, umalis ba si Raphael at ang mga bata?" tanong niya sa kasambahay na naabutan niyang nagwawalis sa kusina.
Nahinto ito sa ginagawa at hinarap siya, nangungunot ang noo. "Hindi ko napansin, Ma'am. Pero kanina, inutusan ako ni Sir na patulugin muna ang mga bata. Baka naglilibot lang po sa mga lupain niyo."
Nagkasalubong ang mga kilay ni Dulce habang naghahanda ng sarili niyang tanghalian. Ang imahinasyon kinukulayan na ng dilim na kaisipan laban kay Raphael. Kapag Linggo ay hindi naman ito lumuluwas ng siyudad at tatambay lang ito sa bahay upang bigyang oras ang mga anak.
Baka may mas importateng okasyon na kailangan nitong puntahan? At may kinalaman doon ang Rosalindang iyon panigurado. Kumukulo na naman ang dugo sa kanyang mga ugat at muli siyang nag-init hindi dahil sa lagnat, kung hindi sa pagkakaka-aburido niya sa pinaggagawa ni Raphael.
Matapos kumain ay nagtungo siya sa likod ng kanilang bahay, tanaw ang malawak na lupaing sakop ng kanilang pag-aari. Dumiretso siya sa duyan sa ilalim ng puno ng mangga at umupo doon. Dito nagpapahinga minsan ang asawa tuwing mag-aani sila ng mga prutas.
Nabibingi siya sa awit ng mga kuliglig sa itaas ng puno ngunit agad nasagap ng kanyang tenga ang mabibigat na yabag ng botas palapit sa kanya. Mabilis siyang napalingon sa kanyang likuran at napasinghap nang sumalubong sa kanyang tingin ang nangungunot-noong si Raphael.
"Maayos na ang pakiramdam mo?" tanong nito nang makalapit sabay alis ng sumbrero nito sa ulo.
"Lumabas ako upang makapagmuni-muni. Maayos naman na ang pakiramdam ko kaya huwag ka nang mag-aalala," ani Dulce at nagbaba ng tingin.
"Iyong mga bata?" pag-iiba nito ng usapan.
"Hindi ko nasilip pero mukhang tulog pa."
Tumango lang si Raphael at naputol na ang usapan. Nanatili ang kanyang mga mata sa kanyang paa at sa mga kayumangging dahon na naaapakan nito. Naramdaman niya ang paggalaw ni Raphael sa kanyang tabi at mula sa gilid ng mga mata, nakita niya itong umupo sa malaking ugat ng mangga, ang mga siko ay nasa tuhod nito nakapatong.
"Chineck mo ang mga mangga?" muling pagbubukas ni Dulce ng usapan.
"Hmm, oo. Tinitingnan ko lang kung namumunga na ba. Iyong kanilang Mang Theodor kasi may bunga na."
Napatango-tango lamang si Dulce at nag-isip ng maaaring maisagot na may kabuluhan naman kahit papaano. "Baka kailangan nating mag-spray?"
"Hindi na, nagsisimula nang mamunga iyong sa dulo."
"Gano'n ba, sige."
Muli, nilukob sila ng katahimikan. Tila nahiya pa ang mga kuliglig at binigyang respeto ang ganitong atmospera. Tanging ihip na lamang ng hangin ang kanyang naririnig.
BINABASA MO ANG
This Love Is Golden
General FictionMasakit. Hindi iyon maipagkakaila ni Dulce. Masakit na makitang may sinisintang iba ang iyong asawa. Buong puso, buong kaluluwa, buong buhay niya, ibinuhos niya kay Raphael simula nang maikasal sila. Pero tanging sukli nito sa kanya ay ang kanilang...