---💛---
INIWAN saglit ni Raphael ang anak na si Dolly upang sundan si Dill at silipin kung ano nang nangyari dito dahil ilang minuto na ang lumipas at hindi pa ito bumabalik. Una niyang tinungo ang kwarto ng kambal ngunit wala doon ang hinahanap. Kunot-noo niyang tinungo ang silid nilang mag-asawa, nagbabaka sakaling naroon ang anak. At hindi nga siya nagkakamali. Mula sa kaunting siwang sa pinto, bumungad sa kanya ang pagyayakapan ng kanyang asawa at ang anak na si Dill. Agad na naghiwalay ang dalawa nang maglikha ng matinis na tunog ang tuluyan niyang pagtulak sa pinto pabukas.
"Nandito lang pala kayong dalawa," komento niya, nakangiti kay Dulce at Dill na parehong nakaupo sa kama. "Hinintay ko kayong bumalik doon."
Mabilis namang tumayo si Dill at lumapit sa kanyang kinatatayuan. Kumapit ito sa laylayan ng kanyang damit. Nakaugalian na ito ni Dill kaya nasanay na rin siya.
"Papa, nagkwento lang kami ni Mama," pagbabalita nito na hindi niya masyadong nadinig dahil ang buo niyang atensiyon ay nakasentro sa asawang tila estatwa sa kinauupuan, nakayuko at hindi makatingin sa kanya. Kanina pa siya naninibago sa aksiyon ng asawa dahil noon naman, sa tuwing may pinag-aawayan sila ay mas tumatalak ito kaysa nananahimik. Noon, iniirapan siya nito at sinusubok ang pasensiya ng kanyang pandinig sa walang habas nitong sarkasmo. Ngunit ngayon, ni ha ni ho ay wala siyang narinig mula rito. Tila ba ibang babae ang kasama niya ngayon.
Natauhan si Raphael sa pagkakatulala nang kalabitin na naman ni Dill ang laylayan ng suot niyang sando.
"Balik na po ako kay Dolly, Papa, at magguhit pa ako ng mga robot," pagpapaalam ni Dill na agad niya ring tinanguan.
"Mag-ingat ka sa pagbaba mo sa hagdan, Dill," paalala naman ni Dulce habang nakasunod lang ang tingin sa likod ng anak.
Nilamon ng katahimikan ang apat na sulok ng silid nang tuluyang makalabas si Dill at isara nito ang pinto. Nag-isip siya ng paksang maaaring pambukas ng usapan. Dumapo ang tingin niya sa orasang nasa ibabaw ng kanilang cabinet at napangiti nang magkaroon ng ideya mula doon.
"Mag-aalas otso na, Dulce. Hindi ba tayo magsisimba ngayon?"
Nanatiling walang kibo ang asawa. Tumayo ito, tumalikod at nagtungo sa loob ng paliguan nila. Nangunot ang noo ni Raphael habang pinagmamasdan ang mahina nitong paggalaw.
"Dulce..." hikayat niya na sumagot ito.
Nahimigan niya ang malalim nitong paghinga bago ito sumagot, "Kayo na muna ng mga bata."
Lalong lumalim ang gitla sa noo niya nang mapagtanto ang pag-iiba ng boses nito, tila walang enerhiya at minamalat. Mabilis niya itong hinabol at nahuli sa kamay ang papasaradong pinto ng paliguan. Natigilan ito at mabilis na lumipad ang nanlalamlam nitong mga mata. Marahan niyang tinulak ang pinto pabukas at pumasok din sa loob. Malaki naman ang espasyo kaya kahit papaano ay hindi kapos ang distansya sa kanilang pagitan.
"Nilalagnat ka ba?" tanong niya sabay dapo ng palad sa noo nito.
Napaatras si Dulce ng isang hakbang nang kumalat sa kanyang mukha ang init na dulot ng paglalapat ng kanilang balat ni Raphael. Dumaan ang pag-aalala sa mukha nito at gusto niyang paniwalaang galing sa puso ang pinapakita nito. Siguro nga, may nararamdaman din ito sa kanya pero ilang porsiyento lang ba? Lima? Sampu? O baka naman nag-aalala lang ito para sa mga anak nila?
Marahan niyang iwinaksi ang kamay ni Raphael sabay sabing, "Wala akong sakit. Sipon lang 'to."
"Pero mainit ka," kontra nito at muli na namang lumapat ang palad nito sa kanyang noo. "Nilalagnat ka nga. Halika."
Umawang ang labi ni Dulce nang gumapang ang kamay ni Raphael sa kanyang palapulsuhan at marahan siya nitong hinila palabas ng paliguan. Tila umurong ang ihi niya dahil sa higpit ng kapit ng mister doon.
Pinaupo siya nito sa kama at saglit na nagpaalam upang kumuha ng gamot. Isang mapait na ngiti ang puminta sa namumutlang labi ni Dulce habang hinihintay ang asawa na bumalik. Paulit-ulit niyang binubulong sa kawalan na sana ganito nalang palagi, sana kapag naging maayos na ang lagay niya ay ganito pa rin.
Nanigas ang kanyang mga buto sa likod nang muling maramdaman ang presensiya ni Raphael sa kanyang tabi. Halos magdaplis ang kanilang balat sa paglapit nito, inaabot sa kanya ang isang baso ng tubig at sa kabilang kamay ay ang gamot para sa lagnat.
"Kaya ko naman sana ang sarili ko," matigas niyang sambit at umiwas ng tingin.
"Hindi ito ang panahon sa pagpapataasan ng pride, Dulce," mariin din nitong sagot. "Sige na, uminom ka na ng gamot at baka mahawaan mo pa ng sakit ang mga bata."
Tila hinati ng malaking pana ang puso ni Dulce sa narinig mula kay Raphael. Nagpapasalamat siyang makumpirma kung saan nanggagaling ang pag-aalala nito at maputol na ang pagpapaniwala niya sa limang porsyentong tsansa niya kay Raphael. Pero masakit pa rin talagang malaman ang katotohanan. Masakit mabigo laban sa katiting na pag-asa.
"Dulce..." rinig niyang tawag ni Raphael habang pinagduduldulan nito ang gamot sa kanyang bibig.
Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga at kinuha sa kamay ni Raphael ang tabletas pati ang basong hawak nito sa kabila.
"Puntahan mo na iyong mga bata sa baba at baka hindi iyon binantayan ni Dita," utos niya dito.
"Uminom ka muna," suhestiyon nito at pinihit ang sarili paharap sa kanya. Ang tuhod nito ay kumiskis sa kanyang paa. "Dali na."
"Oo na."
Umasim ang kanyang mukha nang mabasa ng dila ang gamot at nilunok ito kasama ng tubig. Mapait, pero walang wala ito sa kanyang nalalasahang pait mula sa pagiging maaalaga ni Raphael ngayon na para lang naman sa mga anak nila, para hindi ito mag-alala na may sakit ang kanilang ina.
"Akin na ang baso at mahiga ka na muna dito," mahinahong sambit nito.
Akala niya ay iiwan na siya ng asawa nang tumayo ito. Tumakas ang isang malakas na singhap sa kanyang lalamunan nang biglang sapuin ng braso ni Raphael ang kanyang mga hita at ang isang braso naman ay sumuporta sa kanyang likod. Nagkulay rosas ang pisngi ni Dulce nang inangat siya ng asawa mula sa pagkakaupo sa paanan ng kama.
Humupa lang ang rambulan sa kanyang sistema nang marahan siya nitong ilapag sa kanyang bahagi ng kama. Nakulangan pa ito sa sariling effort at talagang kinumutan pa siya. Habang ginagawa iyon ng asawa ay nakatingin lang siya sa blangkong ekspresiyon ng mukha nito.
"Hindi mo ito kailangang gawin, Raphael," makahulugan niyang sambit upang iparating dito na hindi siya ayon sa galawan nito ngayon.
Kung ganito ang asawa ay lalo lang siyang mahihirapan, lalo siyang aasa, lalo siyang mag-aasam ng higit pa sa limang porsyento ng atensiyon at pagmamahal nito. At mas lalo lamang siyang mahihirapang bumitaw pagdating ng panahon na kailangan na nilang maghiwalay.
---💛---
BINABASA MO ANG
This Love Is Golden
General FictionMasakit. Hindi iyon maipagkakaila ni Dulce. Masakit na makitang may sinisintang iba ang iyong asawa. Buong puso, buong kaluluwa, buong buhay niya, ibinuhos niya kay Raphael simula nang maikasal sila. Pero tanging sukli nito sa kanya ay ang kanilang...