Magagalit ka ba pag tinawag kang tanga?

511 1 0
                                    

Wala naman sigurong tao ang hindi magagalit kapag tinawag na tanga. Kahit sino hindi matutuwa kapag sinabihan mo na mga tanga sila. Pero ano nga ba ang tanga, ano ba ang ibig sabihin ng salitang tanga?

Sabi ng mga kakikilala ko ang tanga daw ay ginagawang pantawag sa mga taong bobo, iyong mga taong walang alam. Mga taong hindi marunong sumulat, magbasa etc.. Kahit sino iyon kaagad ang naiisip tungkol sa mga taong tinatawag na tanga. Pero mga taong walang alam nga lang ba ang dapat tawaging tanga? Paano iyong mga taong hindi magawang makapagaral dahil sa kahirapan, pero nagpupursigeng maghanap buhay. Tanga na ba agad sila?

May iilang tao kasi akong nakilala na tinatawag nila ang mga sarili nilang tanga. Hindi sa larangan ng pagbabasa, pagsusulat o ano- ano pa. Tinawag nilang tanga ang mga sarili nila sa larangan ng pag-ibig, ng pagmamahal.

Tinanong ko sila kung bakit, pare-pareho lang din naman ang mga sagot nila. Dahil niloko daw sila ng mga minamahal nila, mga kasintahan nila. Kaya tinanong ko uli sila kung bakit nila nasabing tanga na sila dahil doon. Ang sabi nila pinaniwala daw sila na sila lang ang mahal ng mga kasintahan nila pero, hindi naman pala. At iniwan sila.

Kaya naisip ko, tanga din pala ako kung ganon. Kasi iniwan din ako ng kasintahan ko dati eh. Wala man lang sinabi kung bakit. Sinabi lang " Cool off muna tayo" at bigla nalang umalis. Wala man lang sinabing dahilan. Tapos nalaman ko nalang kinabukasan may bagong na itong kasintahan. Kaya pinabayaan ko nalang, hindi ko na pinagkaabalahang tanungin pa kung bakit nya ako iniwan. Hindi ko na sya hinabol, dahil kung iyon ang trip nya bahala na sya doon. Marahil hindi nya lang talaga ako mahal, kaya ganon. At siguro hindi ko rin sya ganoon kamahal kaya parang wala lang sa akin na iniwan nya ako at nakipagrelasyon sya sa iba kinabukasan.

Hanggang sa nakausap ko ang Professor ko dati sa subject na  Psychology. Nasa klase kami noon, at bigla ko nalang naisip na itanong sa kanya iyon. Pinagtawanan pa nga ako ng mga kaklase ko dahil malayo sa kasalukuyang nilelecture ng Professor ko ang naging tanong ko.

"Sir, ano ba ang ibig sabihin ng tanga? Sino-sino ba ang dapat tawaging tanga?" tanong ko.

Ang sagot naman ng Professor ko. Iyong mga taong tanga daw, ay iyong mga taong may alam o maraming alam na bagay pero pinipilit lang paniwalain ang mga sarili nila na wala silang alam o hindi nila alam ang mga bagay na iyon. Iyong tipong alam na ang nangyayari sa paligid nya pero pinipili pa rin na kunwari wala silang alam sa mga nangyayari.

Sabi pa nagpapatay malisya lang, nagbubulag-bulagan kahit hindi naman bulag o nagbibingi-bingihan lang kahit hindi naman bingi. Ganun daw ang tanga.

Kaya nagulat ako sa nalaman ko, naging tanga din pala ako kung ganun. Dahil minsan ko na din ginawa iyon. Kaya tuloy naisip ko paano ko kaya maiiwasan ang maging tanga, siguro hindi nga. Dahil habang sinusulat ko ito ngayon malamang iisipin nyo din na tanga ako. Pero alam ko naman sa sarili ko iyon at na hindi ako magagalit kung tatawagin akong ganun. Kaya OK lang.

Kayo ba OK lang ba sa inyo na tawagin kayong tanga? May ilang maiikling kwento akong sinulat dito at lahat iyan hango sa totoong senaryo o totoong nangyari sa totoong buhay na mga nasaksihan ko sa paligid, mula din sa mga tsimis ng mga kaibigan ko, kakilala at sa sarili kong karanasan na rin mismo.

Kaya sinasabi ko na ngayon palang, na hindi ako magagalit na matawag na tanga. Pero ang tanong ko naman sa inyo dyan.

Magagalit ka ba pag tinawag kang  tanga?

Kung OO ang sagot nyo sa tanong ko. Basahin nyo ang mga kwento at kayo na ang humusga. Baka minsan na rin nangyari iyan sa inyo at minsan na rin kayong natawag na tanga at hindi nyo lang alam.

At kung hindi naman kayo nagagalit na tawaging tanga, basahin nyo pa rin at sabay tayong tumawang mga tanga. ☻

Mga Kwentong TangaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon