Nagkalat daw ako.

58 1 0
                                    

Isang beses nahuli ako ng mga nakadamit ng kulay dilaw dyan sa may Gil Puyat. Iyong mga nanghuhuli daw ng nagkakalat. Kampante akong nagyoyosi, habang yumunguya ng bubble gum. Wala naman akong kamalay-malay na iyong mga nakadamit pala ng kulay dilaw na nakatambay dyan, yan pala iyong mga nanghuhuli.

Katabi ko lang iyong naghuhuli, hindi naman din ako nagtanong kung nanghuhuli ba sya. Wala namang nakalagay sa mga damit nila na sign na ganun eh. Kaya tulad ng lagi kong ginagawa matapos magyosi hinuhulog ko ang upos ng yosi para apakan, tapos pinupulot ko uli para itapon naman sa basurahan.

Kaya iyon nga ang ginawa ako, pero nang pupulutin ko na ito.

"Sir, teka lang bawal yang ginagawa nyo." agad na sabi ng katabi kong nakadamit ng dilaw.

"Ha?" nagtataka kong tanong.

"Bawal yang ginagawa mong nagkakalat." sabi uli nito na agad kumuha ng resibo sa bag nya.

"Teka ano bang sinasabi mo?" naguguluhan kung tanong.

"Nakita ko hinulog mo ang upos ng yosi mo dyan sa harap ko pa mismo." sabi nito, na kunwari nagtetext pero nasilip ko wala namang tinatype doon.

"Hinulog ko nga para apakan ko, kaya nga pupulutin ko sana nang pigilan mo ang kamay ko eh." paliwanag ko naman.

"Ah hindi, yan po ang bagong utos ng nakakataas ng MMDA. Na bawal magkalat." sabi nito.

"Anong bang nagkakalat ang sinasabi mo, kung hindi ko talaga pupulutin yan pagkakalat talaga yan. Pero nang akmang kukunin ko na pinigilan mo ako, tapos sasabihin mong nagkalat ako?" sabi ko naman.

"Yon nga kasi hinulog mo dyan eh. Nagkalat ka." sagot naman nito.

Naguluhan ako ng mga oras na iyon sa depinisyon nya ng pagkakalat. Ang alam ko kasi kung hindi ko pinulot iyon at iniwan ko ang upos ng yosi ko doon nang tuluyan. Doon nya pa sigurong pwede sabihin na nagkalat talaga ako. Alangan namang diretso kong itapon sa basurahan ang upos ng yosi ko kahit may baga pa.

"Teka hinulog ko nga iyon para apakan, para mapatay yong baga bago ko itatapon sa basurahan." paliwanag ko.

"Hindi tinapon mo lang dyan eh, nakita ko nasa tabi mo lang ako eh." sabi nito.

"Iyan nga ang mahirap eh, nasa tabi lang kita tapos hindi mo man lang ako sinabihan bago ko man lang ihulog iyon, alangan namang ilagay ko sa bulsa ko iyon. Saka sa totoong hindi ko alam na ganun pala ang rule nyo dito eh. Kasi kung alam ko lang eh di sana hindi ko nalang ginawa iyon nilunok ko nalang sana iyon." medyo naiinis ko nang sabi.

Putek naman oh, para bang hinintay lang nito na matapos ko ang yosi ko at nang matapos ko nga gaya ng ginagawa ko pinapatay ko ang baga, bago ko itatapon sa basurahan. Para mahuli nya ako, kung minamalas ka nga naman.

"Bawal talaga yon Sir eh. Kaya kailangan kitang ticketan" sabi nito.

"Kailan pa, kahapon lang wala naman kayo dito ah?" tanong ko. Araw-araw kasi akong dumadaan doon.

"Matagal na Sir." sabi nito, na nagsisimula nang magsulat sa ticket.

"Ha? Kailan pa? Ni wala man lang karatulang nakalagay dito." tanong kong nagpalingon-lingon pa.

"Meron Sir ayon oh." sabi nito sabay turo sa karatulang nasa may pinakamataas na bahagi ng poste na hindi naman nakikita ng mga taong dumadaan. Ni hindi nga maayos ang pagkakalagay noon, nakatagilid pa eh. Paano naman mababasa ng maayos ng mga dumadaan yon? Sa palagay ko hindi rin, kasi hindi nga makita eh.

"Akin na yong ID mo sir." sabi nito.

At sa sobrang inis ko, binigay ko nalang ang ID ko. Naroon na lahat ng detalye tungkol sa akin. Nakakakuha na ako ng atensyon doon eh, tumatagal na ang usapan namin.

"Ikaw ba ito sir?" tanong nito na binanggit pa ang pangalan kong nakalagay sa ID.

"Aba malamang.." sagot ko sa kanya. Sarap kunyotan ng isang iyon eh.

" Sir, pwede mo namang bayaran ito ng 500 pesos. Kung wala kang pangbayad mag community service ka nalang ng isang araw. Depende sayo kung kailan ka pwede, pero 5 days lang tagal nito. Kasi after 5 days pag hindi mo pa nasettle ito ipapasa na ito sa korte, magiging kaso na ito." sabi nito sa akin habang nagsusulat sa ticket.

Naisip ko natural, magiging kaso yan pag dinala sa korte. Alangan namang maging itlog yan. Sa inis ko di ko na inintindi ang iba pa nyang sinasabi. Ang bottom line doon, magbayad nalang ako ng 500 pesos na fine o magcommunity service kaya.

Pero ganun ba iyon ang tamang batayan nila ng panghuhuli? Kasi kong ako ang nakatalaga doon malamang ang dami ko nang nahuli, kasi maliban sa akin madami din namang nakakalat doon eh, yong totoo talagang nagkakalat. Kaya lang ako talaga ang napili nyang hulihin eh. Kaya tuloy naisip ko ang mahal na pala magyosi, 500 pesos na isang stick. Langya!

Kaya nang matapos nyang ibigay sa akin ang ticket at ID ko umalis na agad ako doon. Bahala sya kung ano-ano pa yong mga sinasabi nya, di na ako naging interesado doon.

Dapat sana ang mga ganyan, magbabala naman sila. Para namang napakaperpekto nila eh, tsaka iyon naman talaga ang isa sa dahilan kung bakit sila pinatambay doon upang sabihin sa mga taong iwasan ang magkalat, hindi yong tutunganga lang sila doon na at maghihintay na may mahuli.

Saka wala kayang nakalagay sa mga uniform nila na anti-litering enforcer sila. Mukha lang silang namamanata sa suot nila eh. Inaamin ko naman na partly may kasalanan din ako eh, pero nakakasama lang ng loob ang paraan nila. Unfair para sa akin, at napakapabor para sa kanila.

Pero OK na yon, ang batas ay batas. At bilang isang mabuting Pinoy, susunod ka sa batas. Kahit pa hindi maganda ang pamamaraan ng pagpapatupad nito.

Ikaw nahuli kana din ba nila, dahil nagkalat ka? Kaya kayo iwasan nyo ang magkalat.

Mga Kwentong TangaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon