Sumakay ako ng MRT kasama ko ang kaibigan ko pupunta kami ng Cubao. Sa Magallanes station kami sasakay noon. Pero parang tutuloy kami na hindi kasi sobrang haba ng pila. Maaga pa noon mga 7:00 o 8:00 ng umaga yata, basta hindi ko alam hindi naman kasi ako ngrerelo eh. Grabe kala mo may pila ng libreng bigas sa haba ng pila doon.
Kaya tinanong ko ang kaibigan ko.
"Ano, sasakay nalang tayo ng bus?" tanong ko sa kaibigan ko. Itatago ko nalang sa pangalang Arnold.
"Wag na, matatagalan tayo bago makarating doon eh." sagot naman nito.
"Oh sige, pumila tayo." sabi ko, at pumila na kami doon.
Maya-maya may naririnig akong mga nagrereklamo.
"Tsk, tagal naman.. Malalate na ako nito." sabi ng reklamador sa likod ko.
"Ako nga alas 8:00 ang pasok ko eh. Kanina pa ako ditong mga alas 7:00 ng umaga halos hindi pa rin gumagalaw ang pila." sabi ng reklamador sa may unahan namin.
Kaya naisip ko, kung nakatagal sila doon ng ganoon katagal kahit halos hindi gumagalaw ang pila. Bakit kaya sila hindi makatagal sa loob ng bus na siguradong gumagalaw naman ito at sa kahit papaano makakarating sila sa pupuntahan nila.
Si Arnold ang sumagot ng tanong kung iyan sa isip ko..
"Kasi pag sumakay ka ng bus, matatraffic ka eh. Matatagalan ka sa byahe. Pero kapag nagMRT ka hindi ka matatraffic kasi tuloy-tuloy ang takbo nyan eh. Saglit lang yan kung huminto sa mga istasyon." sagot naman ni Arnold.
"Ah.. so, ibig sabihin kung nagmamadali ka. Dapat pala magMRT ka?" tanong ko kay Arnold.
"Oo, parang ganun na nga." sagot ni Arnold.
Pero bakit ganun, ang iniisip lang ay yong bilis ng pagbyahe? Hindi naiisip yong tagal ng pinila mo doon. Paano pag laging ganun kahaba ang pila araw-araw, di araw-araw ka din magtitiyaga na pumila doon kesa humanap ng ibang masasakyan? Pagmamadali pa rin bang matatawag iyon?
Kasi kung aabutin ka ng isang oras sa pagbyahe pag sumakay ka ng bus, kasama na doon ang matraffic ka. Mas mabuti na yon para sa akin, kesa naman abutin ka ng isang oras doon sa pila na hindi mo pa alam kong makakasakay ka din agad sa tren pagkabili mo ng ticket.
Matapos ang isang oras nakabili na kami ng ticket, naghihintay nalang kami ng tren.
"Nakakadalawang tren na ang dumaan, hindi pa rin tayo nakakasakay." sabi ko kay Arnold.
"Puno kasi masyado eh." sagot nito.
"Kaya nga eh." nasabi ko nalang habang nakatingala ako sa TV na naroon sa istasyon ng MRT.
"Matatagalan tayo nito, kailangan pa naman natin magmadali." sabi ni Arnold na seryosong-seryoso.
"Ano nalang kaya kapag hindi tayo nagmamadali ano, baka mamayang gabi na tayo umalis dito sa istasyon." natatawa kong sabi kay Arnold.
May huminto nang tren, kaya nakipagsiksikan na kami. Nagmamadali kasi kami eh.
"Grabe, di mo na maramdaman ang lamig ng aircon dito ah." mahina kung sabi kay Arnold.
Nakasakay na kami ng tren pero halos muntik na kaming maghalikan sa sobrang siksik namin doon.
"Oo nga eh, atleast mapapabilis naman tayo ng dating doon." madamdaming sabi ni Arnold sa akin.
Maya-maya humito ang train sa Ayala station. May mga bumaba, habang may sumasalubong naman pasakay ng tren.
"Teka pababain nyo muna kami nagmamadali kami eh." sabi ng bumababa.
"Pare-pareho lang naman tayo nagmamadali eh." sagot nang papasakay palang ng tren.
At ang akala kong makakahinga na kami ng kaunti, ay muli na namang sumiksik. Iyon na yata ang pinakaromantic moment namin ni Arnold sa buong buhay namin. Dahil ilang pulgada nalang maghahalikan na kami, promise.
Ganun pala ano kahit pa ipagsiksikan, ipagtulakan, ipagbanggaan mo ang sarili mo makarating ka lang sa gusto mong puntahan ng mabilis gagawin mo. Nagmamadali ka eh.
Sabi nga ng mga nakasabay namin nagmamadali sila. Ikaw kung nagmamadali ka sasakay ka rin ba doon?
BINABASA MO ANG
Mga Kwentong Tanga
Non-FictionMga kwentong puno ng katangahan. Mga kwentong para sa mga tanga and everyone. Mga kwentong kulitan at kalokohan, walang personalan.☻