Ano man ang mangyari, ano man ang sabihin nila. Hindi nila ako magagawang pigilan na lapitan ka, titigan at ngitian. Kahit pa ang maging kapalit nito ay bilanggoan o malaking kabayaran at kahit maging kamatayan. Walang sino man ang makakapigil sa akin, dahil kahit anong gawin nila lalapit at lapit pa rin ako sayo..
Iba ang dala mo sa akin tila isang byaheng walang kasigurohan, walang direksyong patutungohan. Kahit anong banta nila, hindi kita lulubayan. Dahil walang sino man ang kayang pigilan ang pagnanasa kong para sayo lamang. Wala akong pakialam kong tingnan man nila ako ng mga mata nilang mapanghusga o bantaan ng mga dila nilang mapagkutya.
Gusto ko lamang ibuhos sayo ang pinipigilan kong pagnanasa, pagnanasang kapag hindi ko nilabas ay sakit sa aking katawan ang magiging katumbas. Dahil kapag naguumapaw na ito, kahit ibitin nila ako ng patiwarik ay aagos pa rin. Hindi ko mapigilan ang sarili ko, dahil kahit saan dako at kahit anong oras man ay hindi ako magdadalawang isip na gawin ito sayo kung kinakailangan.
Ngayon nasa harapan mo na ako, hindi ko na patatagalin pa ito. Pikit mata kong ihahayag ang buong pagkatao ko sa buong mundo. Tuloy-tuloy na ibubuhos ang buong pagnanasa ko, hanggang sa kahuli-hulihang patak nito. At sa bawat katapusan ibayong kilig ang hatid nito sa aking kalamnan. Kilig na walang nakakapantay sa bawat bawal na ating pinagsasaluhan.
Kaya ngayon iiwan na kita, na may ngiti sa labi at kaligayahan sa mga mata. Iiwanan kita ng tingin, hanggang sa ako ay tuluyan nang makalayo. At muling aasa na sana hindi na kita muli pang makatagpo at maalala. Dahil alam kong ang pinasaluhan natin ay bawal, bawal na hindi dapat ipagsawalang bahala.
Alin sa tingin nyo patungkol ang tulang ito? Kung iniisip nyo ay sa dalawang taong gumawa ng kahalayan ito, nagkakamali kayo. Iyan ang tulang nabuo ko dahil sa hindi na napigilan ang sarili at naihi nalang sa isang pader na may malaking nakasulat na BAWAL UMIHI DITO!.
Ganyan ba ang diskripsyon nyo ng nararamdaman kapag gumagawa ng bawal? Bawal na kahit ano, bawal na pagkain, bawal na pagkikipagrelasyon, bawal na gawain at marami pang bawal. Bakit kaya, kahit alam nating bawal ay ginagawa pa rin natin. Tapos kapag nahuli maghahanap ng masisisi maliban sa sarili. Pero aminin may ibang kaligayahang dulot ang bawal, yon bang masasabi mong pwede ka nang mamatay dahil sa sobrang kaligayahan. Hindi siguro lahat, pero pupusta ako ganyan ang nararamdam ng karamihan.
At ang nakakatawa pa talaga, kung saan may malaking karatulang nakapaskil na bawal doon, pa talaga mismo ginagawa. Patunay nalang yong mga tumatawid sa highway, kahit may nakalagay na HUWAG TUMAWID MAY NAMATAY NA DITO! pilit pa rin doon tumatawid na sana meron namang mga tamang tawiran.
Kaya siguro iba talaga ang hatid na kaligayahan ng bawal. Sabi nga ng iba, nagiging bawal lang daw ang bawal na gawain kapag nahuhuli. Pero kahit kapag minsan nang nahuli, mas doon pa talaga lalong tumitindi ang kagustuhan gawin uli iyon. Pero kapag hindi ipinagbabawal ang isang bagay ayaw na namang gawin, kung kailan hindi na bawal doon na din naman hihinto na parang nagsawa na. Tila wala nang amor para sa kanila na gawin pa ang isang bagay kasi hindi na bawal.
Siguro iba lang talaga ang adrenaline rush na dala ng pagawa ng bawal, ibang ang nabibigay nitong pleasure sa atin. Dahil kahit alam nating pagsisisihan sa huli, ginagawa pa rin natin.
Ikaw nakagawa ka na ba ng bawal?Anong pakiramdam?
BINABASA MO ANG
Mga Kwentong Tanga
Non-FictionMga kwentong puno ng katangahan. Mga kwentong para sa mga tanga and everyone. Mga kwentong kulitan at kalokohan, walang personalan.☻