"Ang Palabas at Ginto"

8 1 0
                                    


"Ang Palabas at Ginto"

"Ador!May palabas na naman daw na nangyari kagabi!" Kalampag ng kalaro niyang si Onyok sa kawayan nilang dingding. Pagkarinig sa sinabi nito'y agad siyang bumangon at walang hilamos na hinanap ang gomang tsinelas.

"Talaga?Saan nangyari ang palabas?" Masayang bungad niya sa kaibigan bago kinuha ang lata ng gatas sa gilid ng kubo nila na may litrato ng matabang oso.

"Sabi ni kuya, doon daw sa kabilang baryo. Naalala mo yung pinuntahan natin noong kaarawan ni Natoy? Doon sa bukid na maraming star apple at kamote." Sagot ni Onyok na tulad niya ay nasa sampung taon pa lamang at kapwa huminto sa pag-aaral dahil sa sarado na lahat ng paaralan sa baryo nila.

"Malayo pala?"Nag-aalangang sambit niya.Sigurado siyang pagagalitan siya ng tatang niya kapag nalaman nitong namulot ulit siya ng ginto.

"Ano, sasama ka ba?"Siniko siya nito.

Napatingin siya sa hawak na lata. Kapag napuno niya iyon ng ginto, makakabili na siya ng paborito niyang lomi at limang kard ng paborito niyang sikat na palabas sa telebisyon na si batman. Bahala na, naisip niya. Mawawala rin naman ang sakit ng puwet kapag papaluin siya mamaya."Syempre naman. Halika, daanan natin sa bahay nila si Kardo para may isa pa tayong kasama."

"Ayos. Unahan tayo papunta sa kanila. Ang mahuli ay gagawing kabayo katulad kahapon." Ani Onyok na nauna nang tumakbo sa kanya. Hinubad niya ang sapin sa paa at buong bilis na sumunod dito. Syempre ayaw niyang magpatalo.Ayaw niya ulit gawing kabayo.

Ilang sandali pa ay naghahabulan na silang tatlo na naglalakad papunta sa kabilang baryo.

"Alam niyo ba kagabi, nag-away na naman sila nanay at tatang.Niyaya yata si tatang ng kaibigan niyang maraming begote na kulay puti na sumali sa palabas pero ayaw pumayag ni nanang." Ani Kardo na pinapatik na parang tambol ang hawak na lata.

"Yung nakakatakot na manong?Yung may malaking itak at kakaibang laruan?" Tanong niya.

"Oo. Sabi ni nanang, kapag daw sumali sa palabas si tatang, aalis daw kami at iiwan namin siya. Pupunta raw kaming menila.Hindi ba malungkot kapag walang tatang?"Sabay silang napatingin kay Onyok. Sumali rin kasi sa palabas ang tatang nito pero hindi na bumalik.

Yumuko ito."Malungkot kasi ako na ang nag-iigib ng tubig namin araw-araw.Tapos si Nanang ang ingay-ingay tuwing gabi.Palaging umiiyak. Hindi tuloy kami makatulog ni Elay."

"Marami nang walang tatang sa atin.Mabuti pa si Ador.Nandyan pa rin tatang niya."

"Ayaw kasing sumali ni tatang. Pinalo pa nga ako minsan noong pinilit ko siyang sumali."

"Ano ba talaga ang nangyayari sa palabas maliban sa gumagawa sila ng ginto?Hindi ba nasabi sayo ng tatang mo bago siya umalis?"Muli silang napatingin kay Onyok.

Nagkibit balikat lang ito. "Pagkagising ko, wala na siya. Ni hindi man lang nagpaalam sa amin."

Tinapik niya ang balikat ni Onyok. "Huwag kang mag-alala. Pangarap ko ring sumali sa palabas para ako ang mauna at maraming mapulot na ginto. Kapag nakita ko ang Tatang mo, sasabihin kong umuwi na muna siya para mag-igib sa inyo."

"Talaga?"

"Oo naman."

"Ang galing mo talaga, Ador!" Bilib na bilib na bulalas ni Kardo sa kanya habang siya naman ay tuwang-tuwa dahil sa nakikita na niya ang bungad ng baryo na sadya nila. Ilang oras din silang naglalakad bago nakarating.

"Malapit na pala tayo o."

"Unahan ulit?" Sabik na sambit ni Onyok na handa nang tumakbo.

"Sige ba. Bibilang ako ng tatlo-"

"Tumigil ka, Onyok.Hindi ka marunong magbilang." Aniya na nagsimula nang tumakbo. Hinapit niya ng mahigpit ang hawak na lata. Kailangan niyang makarami.Noong isang linggo pa siya nakatikim ng lomi.

Napakamot na humabol na lamang sa ito sa kanilang dalawang ni Kardo na nauna nang tumakbo.

Pagdating nila sa pinangyarihan ng labanan ay may ilang bata na ang nauna sa kanila. Kanya-kanya na silang diskarte sa paghahanap ng ginto. Sa dakong maraming puno siya tumungo. May nakapagsabi kasi sa kanya na sa puno raw kadalasang pumupwesto ang gumagawa ng ginto. Agad siyang yumuko para maghanap. Hinalukay niya ang mayayabong na damo. Matagal daw ang naging palabas kagabi kaya sigurado siyang marami silang gintong mahahanap.

"Ginto!" Napatingin siya kay Kardo na nagtatalon dahil nakakita na ito ng ginto. Hawak-hawak nito ang kulay dilaw na metal na nagniningning sa tuwing tinatamaan ng sikat ng araw. Bigla niyang nalasahan ang lomi sa bibig niya.

Mas lalo niyang pinag-igihan ang paghahanap. Pawisan at naghalo na ang amoy niya mula pa kahapon pero hindi siya tumigil.

Pagapang siyang pumunta sa bahaging mas mayabong ang mga damo. Baka mas marami siyang mahanap dahil mukhang wala pang batang dumako doon. Lahat na pwedeng halukayin ay ginawa niya.

Ginto?!

Sabik na sabi niya sa sarili nang may makapang matigas na bagay sa maputik na lupa. Mabilis ang mga kilos na hinukay niya iyon.Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Hindi lang isang ginto kundi maraming ginto! Sobra pa iyon sa latang dala niya.

"Ginto!" Nagtatalon na sigaw niya. "Kardo, Onyok tingnan niyo, maraming ginto!" Tawag niya sa dalawang kaibigan.

"Talaga?" Nagtakbuhang lumapit sina Onyok at Kardo sa kanya.

"Tingnan mo!Kinulayan pa ng kulay pula!"

"Ang swerte mo, Ador! Sobrang dami nga! Pahingi naman kami."Ani Kardo.

"Oo ba. Ibibigay ko sa inyo ang hindi kasya rito sa lata ko basta samahan niyo akong bumili ng kard ni batman."

"Sige, sige!" Sabay na sambit ng dalawa na tinulungan siyang punuin ng ginto ang lata niyang dala.

Kayaman na sa kanila ang makakita ng ginto. Gintong naliligo sa kulay pulang likido na galing sa taong ipinaglalaban ang sariling paniniwala at relihiyon. Ginto na siyang dahilan kung bakit halos ng bata sa kanilang baryo ay wala nang matawag na tatang.

Sa murang isip ay wala silang muwang sa mga tunay na nangyayaring nagaganap, ang alam lang nila, bawat ginto ay may kapalit na pera at kapag may pera ka, makakabili ka ng lomi at kard.

"Ang dami nito, Ador!"

Tuwang-tuwa silang tatlo dahil sa halos napuno ng ginto ang mga lata nila.

"Sana palaging may palabas sa baryo."

"Oo nga!"Aniya sabay tawa ng malakas.

Sila ang itinuturing na pag-asa ng bansang tahanan ng matikas na agila at mahalimuyak na bulaklak ng sampaguita, ang Pilipinas. Pilipinas. Ang bansang mas pinagtutuunan ng pansin ang mga isyung walang maitutulong sa bayan. Ang bansang mas interesado sa kung ilang beses naghiwalay ang mag-asawang artista. Ang bansang walang pakialam kung inaangkin man ng ibang bansa ang nasasakupan basta't makapag-post lang sa twitter at facebook ng bago nilang inat na buhok. Ang bansang pilit na sinasapawan ng mga kasinungalingan ang mga totoong nangyayari. Ang bansang pinamumunuan ng mga sakim at uhaw sa kapangyarihan. Ang bansang nagbebenta ng mga donasyon galing sa ibang bansa. Ang bansang sikat dahil sa korupsyon. Ang bansang Pilipinas, ang bansang unti-unti nang nawawalan ng sinag galing sa haring araw na siyang simbolo ng bagong pag-asa.

The Missing StoriesWhere stories live. Discover now