"Puso"

7 1 0
                                    


"Puso"

Araw ng sabado.

Huling umaga ng buwan ng Nobyembre. Bukas, pagsikat ng araw ay magsisimula na akong magbilang ng mga nalalabing araw bago ko muling makikita si Mama. Masaya ako na natatakot. Masaya dahil sa wakas, matapos ang halos anim na taon ay makikita ko na siyang muli. Natatakot dahil baka hindi na niya ako maabutan.

"Emily, may masakit ba sa iyo? Sandali, tatawag ako ng nurse." Pinigilan ko si Ate Faith sa pamamagitan ng paghawak sa kanyang kanang braso.

"Okay lang ako, Ate." pinilit kong ngumiti sabay pahid sa mga luha sa aking pisngi na hindi ko namalayang tumulo na pala. "Naalala ko lang si Mama. Gusto ko na siyang makita."

"Kami rin naman. Lahat naman yata tayo ay sabik na makita siya ulit kaya magpalakas ka. Masisiyahan iyon kapag nakita ka niyang magaling na."

Napatingin ako sa mga nakasabit sa aking braso at ilong. Pinakiramdaman ko ang mahinang pagtibok ng aking puso. "Natatakot ako, Ate. Bawat araw, pakiramdam ko ay lalo itong humihina na para bang nababawasan ang pagtibok ng puso ko sa mga segundo at minutong lumilipas. Paano kung pagdating ni Mama, wala nang tibok na natitira?" Muli na naman naglandas ang mga makukulit kong luha kahit hindi ko gusto.

"Ano ka ba, Emily?Huwag kang magsalita ng ganyan. Mas lalo mo lang tinatakot ang sarili mo." sabi ni Ate pagkuway niyakap na lamang ako ng mahigpit. "Matulog ka na muna." anito sabay kanta ng paborito kong awitin hanggang sa tuluyan nang lamunin ng antok ang buo kong sistema.

Araw ng Huwebes.

"Ma, mas lalo pong lumalala ang kondisyon ni Emily. Hindi kona po alam ang gagawin. Sinabi ko sa kanyang uuwi ka sa pasko."

Mas masakit pa sa sakit na nararamdaman ko ang aking narinig. Akala ko makikita ko na siyang muli. Nasasabik na akong masilayan ang mukha niya kahit na halos hindi ko na maalala dahil bata pa ako nang umalis siya. Matagal ko nang kinasasabikan ang makulong sa kanyang mga bisig at maramdaman ang init ng isang mahigpit na yakap na tanging mga nanay lamang ang makakapagbigay.

"Ang tagal niyo po diyan. Baka pwedeng pakiusapan muna ang amo niyo na makauwi muna kayo kahit ilang araw lang. Kahit ngayon lang. Ma, kailangan ka ni Emily. Kailangan ka namin." Napahagulgol na ng mahina si Ate bago tumingin sa akin kaya sinupil ko ang sigok na kanina pa gustong kumawala.

"Hindi pa po kami nakakahanap ng donor, Ma.Mas inuuna po kasi nila yung koneksyon at kung sino man yung may malaking pera. Sinabi kanina ng doktor niya na dapat ay maoperahan na siya sa mas lalong madaling panahon. Natutulog po siya.Sandali po. " Narinig ko ang mahinang yapak papunta sa aking kinahihigaan.

"Anak? Emily...hindi mo man ako naririnig ay gusto ko pa ring sabihin sa iyo na mahal na mahal kita. Huwag kang mag-alala, pipilitin ko ang amo ko rito na payagan akong umuwi ngayong pasko kahit na kailangan ko pang tumakas para makauwi lang. Ganito kasi, 'nak, ayaw akong payagan ng amo ko na umuwi kasi baka daw hindi na ako bumalik at hindi ko na mababayaran ang mga utang ko sa kanila. Sabik na akong makita kayong muli. Gusto kong makita kung gaano ka na kataas o maliit ka rin ba tulad ko. Magpagaling ka, Emily.Hintayin mo si Mama." Wala na akong narinig pagkatapos niyon maliban sa malakas na iyak niya.

"Sige po, Ma. Tatawagan ko po agad kayo kapag may nahanap na kami. Huwag kayong mag-alala sa amin. Inaalagaan kami ng mabuti ni Tiyang dito. Mag-ingat ka po diyan. Kapag sinaktan ka nila ulit, magsumbong na po kayo sa embahada. Opo. Bye."

Hinintay ko munang lumabas ng kwarto ko si Ate Faith bago pinakawalan ang mga luha ko. Wala na akong pakialam kung may makarinig man dahil ang gusto ko lang ay mailabas lahat ng sama ng loob at hinanakit sa mundo na pilit kong sinusupil sa kaibuturan ng aking pagkatao. Ramdam ko ang unti-unting pagsikip ng aking dibdib.

"Ate.... Ma..." mahinang usal ko hanggang sa unti-unti nang nilamon ng kadiliman ang buong paligid.

Araw ng Biyernes.

Nagising akong tanging tunog lang ng makinang nagsasabing buhay pa ako ang aking naririnig. Nag-iisa lang ako sa aking silid. Huling naalala ko ay narinig kong nag-uusap sina Mama at Ate Faith.

"Emily..." biglang bumukas ang pinto at inuluwa niyon si Ate Faith na mugto ang mga mata. Marahil ay dahil sa puyat sa pagbabantay sa akin. "Mabuti at gising ka na." Mahigpit niya akong niyakap.

"Ate.... anong nangyari?" mahinang tanong ko. Nakaramdam ako ng uhaw.

"Nawalan ka ng malay. Sinabi ng doktor na kailangan mong maoperahan sa loob ng tatlong araw dahil kung hindi ay baka tuluyan ka nang mawala sa amin. Pinag-alala mo kami ng husto."

"Ganoon ba?"

"Sandali, tatawagin ko muna si Dok para sabihing nagising ka na." tumango lang ako bilang tugon.

"Ate?" tawag ko sa kanya bago pa siya tuluyang makalabas.

"Anong petsa ngayong araw?"Hindi siya kaagad nakasagot.Lumungkot ang hilatsa ng mukha nito.

"Pasko ngayong araw, Emily."

"Si Mama." saglit itong natigilan. Para itong ipinako sa kinatatayuan. "Hindi siya dumating, tama ba ako? Narinig ko kayong nag-uusap."

"Matulog ka na muna ulit." hindi nito sinagot ang tanong ko.

Araw ng Huwebes.

Huling araw ng taon. Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman. Malungkot ako dahil parang may tinatago sila sa akin tungkol kay mama. Masaya dahil halos lahat ng nakikita ko ay pawang may mga ngiti sa labi dahil panibagong taon na naman ang sasalubong sa amin kinabukasan. Maliban pa roon ay marami ring pagkain inihanda si Ate. Dadating din daw sina Papa at Kuya Roly mamaya. Nagpasya akong matulog na muna dahil ilang oras pa ang hihintayin ko bago sila dumating.

"Emily...." nagising ako dahil sa mahinang pagyugyog ng aking balikat. Pagmulat ko ay mukha ni Ate Faith ang bumungad sa akin.

"Ate..anong oras na ba?"

Hindi ito sumagot.Mula noong nagising ako matapos ang operasyon ay palagi nang mugto ang mga mata niya. Palagi niya akong tinatalikuran sa tuwing magsisimula akong magtanong patungkol kay mama. Inisip ko na lang na baka malungkot din siya dahil hindi pinayagan si mama na makauwi at ayaw niyang malaman ko iyon dahil mas lalo lang akong malulungkot.

"Isang oras bago magpalit ang taon" umupo siya tabi ko. "May ibibigay nga pala ako." May kinuha itong sobre sa bulsa pagkatapos ay iniabot sa akin.

"Ano 'to?" kunot ang tanong na sinipat ko iyon. Mukhang hindi naman pera ang nasa loob.

"Pinag-sisipan ko ng mabuti kung ibibigay ko ba iyan sa iyo o itatapon na lang pero...karapatan mong makita kung ano man ang laman niyan.' aniya bago muling tumayo at tinungo ang pinto.

Naiwan akong hawak ang sobre at may pagtataka sa mukha. "Ano ba 'to?" binuksan ko iyon at bumungad sa akin ang isang pirasong papel na may nakasulat ng kung ano.

Para kay Emily,

Una sa lahat, gusto kong humingi ng patawad dahil wala ako sa tabi mo kung kailan kailangan mo ako bilang nanay mo. Pasensya na kung ilang ulit kong sinabi na uuwi ako pero hindi nangyari. Gusto kong malaman mo na gustong-gusto ko na ring makauwi at mayakap kayong lahat pero hindi maaari. Hindi ko hawak ang sarili kong oras dito sa ibang bansa. Bawat galaw ko rito ay limitado lang pero hindi ako nakakaramdam ng pagod sa tuwing naiisp ko na para sa inyo ang lahat ng pagod at hirap ko rito. Pero huwag kang mag-alala dahil mula ngayon ay hindi na kita iiwan. Hindi na ako aalis sa tabi mo. Palagi mong tatandaan, nandyan lang palagi ako sa puso mo. Mahal na mahal kita. Huwag mong kakalimutan.

Hindi ko maintindihan ang ibig sabihin ng sulat pero bigla akong napahawak sa bandang dibdib kong may benda pa. Para akong binuhusan ng isang balde ng tubig.Bakit? Bakit kailangang mangyari sa amin ang lahat ng ito? Bakit sa amin pa?

"Ma...."

The Missing StoriesWhere stories live. Discover now